Hello po. I-anonymous nyo na lang po ako. First time ko po kasing mag-share ng story dito. Na-Share ko na po itong kwento na ito dati sa isang sikat na page para sa Halloween series nila pero eto po yung longer version. Sana po ay magustuhan nyo."Clarice, mamaya ha? 8pm. 'Wag mong kalimutan," paalala ni Vince sa akin bago umalis ng opisina. Napag-usapan kasi naming magkakatrabaho na dumalaw sa lamay ng tatay ni Conrad pagtapos ng duty namin.
"Oo, sige. Ite-text ko na lang kayo," sagot ko.
Umuwi muna ako sa bahay upang makapagpalit ng damit at kumain ng hapunan. Hindi ako sanay na pumupunta sa mga lamay pero dahil malapit na kaibigan namin si Conrad, pumayag akong sumama.
Maraming pamahiin ang pamilya namin tuwing may libing o lamay. Sinabi sa akin ng nanay ko noon na hindi naman sigurado na lahat na iyon ay totoo pero hindi rin naman daw masamang sumunod lalo na kung gusto mo lang namang makaiwas sa mga maaaring masamang mangyari. Natatakot lang ako na baka may makalimutan akong gawin o hindi gawin na makakapagpahamak sa akin o sa pamilya ko.
Bago ako bumiyahe ay tinext ko na sila Vince. Nag-reply naman ito na naroon na daw sila at ako na lamang ang hinihintay kaya naman nagmadali na ako.
"O, ayan na pala si Clarice," bungad ni Marga pagkakita sa akin. Nginitian ko sila ng tipid dahil hindi ako komportable sa paligid ko. May para bang kung anong bumabagabag sa akin.
"Okay ka lang ba, Clarice? Parang di ka mapakali," pansin ni Marga.
"Uhm, wala. Okay lang ako," sagot ko at saka ngumiti ng tipid.
Nakita kami ni Conrad kaya naman lumapit siya sa amin.
"Nandito na pala kayo."
"Nakikiramay nga pala ako." Sagot ko at tinanguan naman niya ako. Naalala kong isa sa mga pamahiin ay hindi maaaring magpasalamat sa taong naglahad ng pakikiramay sayo.
Saglit pa kaming nanatili sa lugar at nagdasal. Inalok naman kami ng pagkain at kape ng mga kamag-anak ni Conrad at dahil kakakain ko lang sa bahay ay kape na lamang ang kinuha ko. Nakita kong may itinatagong biskwit sa bag si Vince kaya naman agad kong tinapik ang kamay niya at sinabihang masamang magbaon ng pagkain na galing sa lamay.
"Talaga ba? May pamahiin palang gan'on?" Tanong ni Vince habang inilalabas ang mga biskwit na itinago niya.
"Oo, sabi sa pamahiin madadala mo daw 'yung malas pauwi galing sa patay," pagpapaliwanag ko.
Kunot-noong tinignan niya ako na parang nawi-weird-uhan sa sinabi ko pero bandang huli ay nagkibit-balikat na lamang at nagpatuloy sa pagkain.
Maya-maya pa'y lalong dumami ang mga bisita at hindi na rin magkandaugaga sa pag-aasikaso ang pamilya ni Conrad kaya naman nag-alok na kami ng tulong sa pagliligpit ng mga kinainan.
Nakita ko si Marga na pinagpapatung-patong ang mga pinggan kaya agad ko itong sinabihan.
"Marga, 'wag mo daw pagpatungin ang mga pinggan baka daw magsunud-sunod ang mamatay."
"Huy, Clarice. Ano bang sinasabi mo diyan? Masyado ka namang mapamahiin," pagsaway sa akin ni Marga.
"Basta, sumunod ka na lang. Wala namang mawawala," pamimilit ko. Sumunod naman siya ngunit gaya ni Vince, tinignan ako nito na para bang hindi sigurado sa mga sinasabi ko.
"Lumalalim na ang gabi, hindi pa ba kayo uuwi?" Tanong ni Conrad sa amin.
Kinse minutos na lang pala bago mag-alas-dose kaya naman niyaya ko na silang umuwi.
"Mauna na kami Conrad," paalam ni Marga.
"Mag-iingat kayo ha? Hindi ko na kayo ihahatid sa labas kasi masama daw," sagot ni Conrad sabay kamot sa likod ng ulo niya.
"Huwag mo na kaming intindihin. Babalik na lang din kami bukas ng gabi," paninigurado ko sa kanya.
Dire-diretso akong naglakad palabas ng bakuran nila Conrad at hindi ko na namalayang napalayo na pala ako kanila Marga at Vince. Narinig ko silang tinatawag ang pangalan ko kaya naman lumingon ako. May sinasabi sila sa akin pero dahil sa layo nila ay hindi ko sila maintindihan. Kumaway na lang ako pabalik at sinabing mauuna na lamang ako pauwi dahil inaantok na ako.
Nakita kong napakamot ng ulo si Vince at 'tila ba nagdadalawang-isip pang umalis. Makailang beses pa akong kumaway bago nila napagpasyahang tuluyan nang umalis. Sa isip-isip ko'y ite-text ko na lamang sila para tanungin kung anong sinisigaw nila sa akin kanina ngunit pagtingin ko sa aking cellphone ay dead battery na pala ito.
Hindi rin naman katagalan bago ako nakauwi sa bahay namin. Ramdam ko ang antok at pagod at dahil doon ay diretso na akong natulog na hindi man lang nakapagpalit ng damit o hilamos ng mukha.
"Clarice," narinig ko ang boses ni inay na tumatawag sa akin.
Napansin kong nasa loob kami ng umaandar na jeep. Madilim sa labas nito kaya inisip kong baka gabi na. Bukod sa amin ni inay ay may kasama pa kaming isang batang babae at isang matandang babae sa kabilang upuan. Mukhang mag-ina sila base sa kung paano pagalitan ng matandang babae ang bata. Halos humihikbi na ito at hindi na makapagsalita. Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila at dahil sa aking kyuryosidad at pinilit kong pakinggan ang sinasabi nila.
"Patayin mo ang sarili mo."
Napakislot ako sa narinig ko dahil parang hindi nanggaling sa matandang babae ang boses na narinig ko. Halos pabulong iyon pero malinaw ang mga salita na para bang nasa likod ko lamang ang nagsalita. Kinilabutan ako at napatingin kay inay na tahimik lang na nakaupo at walang pakialam sa paligid niya.
"Inay, tinatawag nyo po ba ako?"
Hindi umimik ang inay pero may narinig na naman akong nagsalita. Mas malakas ito kumpara sa kanina.
"Patayin mo ang sarili mo!"
Tinignan ko ang mag-ina at halos atakihin ako sa puso nang makita kong nasa harapan ko na sila. Ngayon ko lang napansin ang kanilang mga mukha. Hindi normal. Para silang mga bangkay na naaagnas na. Nanlilimahid sa dugo at kung anu-ano pang dumi sa mukha. Halos manigas ako sa kinauupuan ko nang bigla silang sumigaw habang nanlalaki ang mga mata.
"PATAYIN MO ANG SARILI MO!"
Naiiyak na ako sa takot at naisip kong humingi ng tulong kay inay ngunit pagtingin ko sa kanya ay katulad rin ito ng mag-ina na nakatingin sa akin nang nakakatakot. Sumasabay ito nang pagsigaw sa kanila.
"PATAYIN MO ANG SARILI MO!!!"
"PATAYIN MO ANG SARILI MO!!!"
Sa bawat oras na maririnig ko ito ay palakas nang palakas ito hanggang sa huli ay isang malakas na sigaw ng isang babaeng parang pinapahirapan nang lubos na lamang ang narinig ko. Dahil sa sigaw na iyon ay nagising ako na hinahabol ang aking hininga at pinapagpapawisan nang malamig. Napahawak ako sa aking dibdib habang pinapakiramdaman ang malakas na kabog sa aking dibdib.
Panaginip lang pala.
Tatayo sana ako mula sa pagkakahiga ko sa kama nang may makapa ako na parang mahabang tali na nakapulupot sa aking leeg kaya agad ko itong tinanggal. Napagtanto kong cord pala ito ng aking charger para sa aking cellphone. Naalala kong bago ako tuluyang makatulog ay nag-charge. Ang hindi ko maisip ay kung paano ito pumulupot sa aking leeg gayong palagi naman akong nagcha-charge bago matulog pero ngayon lang nangyari ang ganito.
Saka ko naalala ang panaginip ko at ang boses na nagsasabing patayin ko ang sarili ko.
Bigla akong kinabahan pero mas pinilit kong ipagkibit-balikat na lang ang nangyari kahit na kinikilabutan pa rin ako.
Binuksan ko ang aking cellphone. Tumunog ang notification nito na nagpapahiwatig na may nag-text sa akin. Si Vince. Napasinghap ako nang mabasa ko ang mensahe niya.
"Clarice, pupunta kami sa 7-eleven sa kanto para mag-pagpag. Ikaw, saan ka pupunta bago umuwi?"
Oo nga pala.
Nakalimutan kong mag-pagpag.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree