Hello, Spookify! May ikukwento ako sa inyo tungkol sa kinakapatid kong si Ricky at ang kanyang wishing coin. "Ha? Wishing coin? Ano ito, Disney fairy tale? Series ng Harry Potter?" Believe me, ganyan din ang naisip ko noong una.Si Ricky ay inaanak ng Daddy ko sa binyag. Naging magkaklase kami nung elementary pero hindi kami naging close. Pagka-graduate namin ng high school, inuwi niya sa kanila ang girlfriend niyang si Mona dahil nabuntis niya ito. Ganun pa man, pinag-aral pa rin siya sa college ng mga parents niya habang si Mona ay nasa bahay lang. By the time na pareho na kaming working, may tatlong anak na sina Ricky at Mona.
Nang magsara yung branch ng company na pinagtatrabahuhan ni Ricky, ililipat sana siya sa isa pa nilang branch kaso ay ayaw niyang malayo sa pamilya niya kaya nag-resign na lang siya. One time, pumunta sila ng tatay niya sa bahay namin para magpatulong sakin na mag-apply sa pinapasukan kong company. Aayaw sana ako kasi pa-resign na ako nun at ayaw ko na ng anumang responsibility. Pero syempre nakunsensya rin ako kaya tinulungan ko siya. Di siya natanggap nung una pero tinawagan siya ulit for another interview dahil iilan lang yung mga nakapasa sa naunang evaluation. Sa kabutihang palad ay naipasa naman niya at nagsimula nang mag-training. Nagpasya akong hintayin muna siyang ma-regularize bago ako mag-resign para makuha ko yung referral bonus na 10k (hati kami hehe). After a few weeks, nakuha niya yung back pay niya sa previous company at ginamit iyon upang mag-open ng pisonet shop sa garahe nila. Dalawang unit lang iyon pero kahit papaano ay may naipupundar siya at may pinagkakaabalahan si Mona sa bahay nila.
Isang araw, may mga dumating kaming clients at nagmo-monitor sila ng mga calls. Kabado yung ibang mga agents lalo na yung mga baguhan. Di mapalagay si Ricky sa station niya kaya tinatawanan ko siya. Dasal siya ng dasal na wag sanang mamonitor. Malas niya dahil siya ang unang na-audit, at dalawang calls pa. Pero swerte kasi parehong 100 ang score niya sa dalawang client monitoring. Hindi pa dun nagtatapos ang swerte ni Ricky. Every week, may dalawa o tatlo siyang commendations kaya tumaas ang ratings ng team nila na dating kulelat. So syempre proud din ako. Lahat ng audit niya, 100 lagi. Magaganda ang mga stats niya at laging kasama sa mga top performers.
7am to 4pm ang shift ko nun (iba kasi yung position ko) habang si Ricky naman ay 2am to 11am kaya kaunting oras lang kami nagkikita sa floor. Minsan ay nadatnan niya akong nag-aalmusal sa pantry at nilibre niya ako ng coffee. Nagkwentuhan kami ng kaunti at nabanggit ko sa kanya yung tungkol sa performance niya. Bigla siyang natahimik at nag-iwas ng tingin. Akala ko ay may nasabi akong masama kaya ni-replay ko sa isipan ko yung mga sinabi ko. "Uy, anong problema?" tanong ko sa kanya. "Ah wala," sagot niya at saka tumayo. "Hoy!" medyo napalakas yung tawag ko sa kanya dahil bago umalis si Ricky ay umutot pa siya. Akala ko nun ay pinagti-trip-an niya ako pero hindi siya lumingon at dire-diretsong lumabas ng pantry. Mula noon ay napansin kong iniiwasan na ako ni Ricky. Kahit kapag pumupunta kami sa bahay nila kapag may okasyon, hindi niya ako kinikibo. Nung una ay nabubwisit ako dahil hindi ko naman siya inaano pero nang magtagal ay hinayaan ko na lang siya at hindi ko na rin pinansin.
Nang sumunod na buwan ay nakapagpatayo na ng sariling bahay sina Ricky at Mona dun sa nabili nilang lote. Nasa tapat lang iyon ng bahay ng mga magulang ni Ricky at kalsada lang ang pagitan nila. Yung dating maliit na pisonet shop niya, napatayuan na rin ng pwesto sa gilid ng bahay nila. Nung ipa-bless ang bahay nina Ricky, in-invite niya yung mga teammates niya pati yung mga boss namin. Sinasama nila ako nun pero nagdahilan na lang ako na may ibang lakad dahil hindi naman kasi ako in-invite ni Ricky o kahit si Mona. Bandang hapon nun nang magkagulo kina Ricky. Sumabog daw yung tangke ng gas sa bahay ng parents niya at mabilis na natupok ng apoy yung bahay. Dahil medyo lasing na yung mga nag-iinumang kalalakihan sa bagong bahay nina Ricky, kaunti lang yung mga nakatulong para umapula sa sunog. Yung ibang mga kapitbahay kasi, inuna nilang sagipin yung mga gamit sa sarili nilang mga bahay. Makulimlim nang araw na iyon na parang anytime ay bubuhos yung ulan pero habang nasusunog ang bahay ay puro hangin lang kaya lalong lumaki yung apoy. Nang dumating yung mga bumbero, napatay naman yung apoy pero wala nang naisalba sa mga gamit na nasa loob. Kinagabihan, dun pa lang bumuhos ang malakas na ulan.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
TerrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree