Auditorium (Parts 1 & 2)

151 4 0
                                    


Part 1

Ako nga pala si Bray. Nangyari ang kababalaghang ito noong college pa lang ako.

Isang gabi magkikita na naman kami ng mga kasama ko sa art club. Meron kasi kaming working session noong gabing iyon. Kami ay gagawa ng backdrop para sa college day namin at ang aming art club ang naatasan para dun. Sa auditorium ng school namin kami magkikita at dun na rin gagawa ng mga props at design para sa event. Dalawang linggo ang binigay sa amin na palugit para tapusin ang mga gawain. Tatlong araw ang event na iyon kaya marami-rami ang gagawin namin. May naririnig narin kaming kwento tungkol sa auditorium namin na may mga multo daw na gumagala dun. Nandoon daw yung mga kaluluwa ng dating presidente ng eskwelahan namin na nagpapakita daw minsan.  Pero hindi kami natakot dahil halos isang linggo narin kaming nandun tuwing gabi. After ng klase namin ay agad kaming didiretso sa auditurium at minsan doon na rin kami kumakain dahil sagot ng paaralan namin ang pagkain. Doon na rin kami natutulog kapag naabutan kami nang umaga sa paggawa. Malawak ang auditorium namin. Pero luma na rin ang mga upuan na gawa sa kahoy at inaanay na yung iba. Sa harap ay may mataas na stage at doon kami gumagawa ng mga props at backdrop. Sa bandang likod naman ay may dalawang lumang piano na sira pero may ibang piyesa pa rin na kapag pinindot mo ay tumutunog. Katabi ng auditorium namin ay ang gusali ng Civil Engineering at Computer Engineering. At may konektadong daanan ito papuntang auditorium sa likod nang stage. Sa gusaling iyon daw ay may namamatay daw na isang estudyante tuwing graduation.  Pero matagal na panahon na daw yun nangyari at natigil naman dahil pina-blessing ulit yung building at naglagay nang Sto. Niño para daw maprotektahan yung mga estudyante.

Noong gabing iyon, matapos naming kumain ay agad kaming bumalik sa aming gawain. Ako at si Marvin na kaklase ko rin ay nagpipinta para sa backdrop. Dun kami sa ilalim ng stage nagpipinta. Medyo malaki yung canvas na pinipinturahan namin kaya matagal matapos. Yung iba naman ay doon sa likod gumagawa ng ibang props. Bale pasado alas dose na ay hindi pa rin kami tapos. Yung guard ay umakyat para i-check kami dahil gabi-gabi nya namang ginagawa iyon. Noong una ay napakatahimik naman ng paligid. Hanggang sa may biglang kumalabog sa kabilang building at yun ay sa C.E. na gusali. Hindi na lang namin pinansin na dalawa dahil baka pusa lang na nahulog. Ilang minuto ang nakalipas ay may kumalabog ulit at kasabay nun ay may para bang umiiyak na bata at matanda. Sabi ni Marvin "Narinig mo 'yun?" "Oo parang may umiiyak" sabi ko. Natakot kaming dalawa sa aming narinig. Sinilip namin sa may bintana ng auditorium kung may tao sa kabilang building pero wala naman kaming nakikita.  Yung nag-iisang ilaw na nasa hallway ay patay-sindi ito. Bigla kaming kinilabutang dalawa dahil may kumalabog ulit ng napakalakas sabay may umiiyak. Tumakbo kami papunta sa mga kasama namin upang itanong kung may naririnig silang umiiyak na bata at matanda. Sabi nila ay wala naman daw. Sabi ng isang kasama namin ay baka yung guard lang daw yun at pinagtitripan lang kami. Hindi na lang kami bumalik na kaming dalawa lang. Nagpasama na lang kami para madaling matapos yung ginagawa namin. Para wala na kaming marinig na kalabog at umiiyak ay nagpatugtog kami ng praising songs para hindi kami gambalain. Wala na nga kaming naririnig na umiiyak at kalabog sa mga oras na iyon. At mag-aalas tres na ay nagligpit na kami upang matulog.

Part 2

Dalawang araw na lang at college days na namin. Marami-rami na rin ang nagagawa naming props. Balak ng grupo namin na bilisan ang paggawa dahil gahol na kami sa oras.  Lalo pa at nahahati yung oras namin dahil minsan hanggang alas 10 ng gabi lang kami dahil may quiz or exam kinabukasan. Noong gabing iyon ay matutulog na kami. Kaya nagligpit na kami ng mga gamit. Pito kami noong gabing iyon. Lahat kami ay nasa pinakaharap ng auditorium pumwesto at naglatag ng mga trapal at karton upang gawing higaan. Sanay na naman kasi kami sa ganong sitwasyon dahil hindi naman kami maarte sa aming tinutulugan dahil malinis naman ang lugar. Yung iba ay sa ibabaw ng lamesa pumwesto at nahiga. Dahil matutulog na kami ay isinira na namin yung pinto ng auditorium. Ilang minuto ang nakalipas ay may kumatok. Bigla kaming nagising lahat. Natakot kami baka multo o aswang yung kumakatok at ginagambala na naman kami. Sa takot namin ay walang nagbukas ng pinto ngunit bumukas ito at may nakapasok. Yung guard lang pala namin. Umakyat upang i-check kung okay lang kami. Hindi naman nagtagal ang guard at bumaba na rin sya. Bumalik na rin kami sa mga pwesto namin upang humiga.

Iba't iba yung mga kurso namin.  Merong Civil, Marine,  I.T., Electrical at halos lahat ng kurso ay meron sa grupo namin. Si Jade ay merong third eye at nakakaramdam din ito kung merong multo sa paligid. May dala nga daw sya palaging anting-anting. Noong gabi lamang sya nakasama sa amin upang tumulong dahil busy din ito sa kanyang academics. Si Jade at si Mark ay ayaw pang matulog dahil hindi pa daw sila inaantok. Balak sana ni Mark na umihi ngunit natatakot ito na mag-isa lang dahil yung cr ay nasa baba pa malapit sa electrical na silid. Nagpasama ito kay Jade na bumaba. Ilang sandali habang pababa sila sa hagdan ay may napansin si Jade. Nakabukas ng kaunti yung pinto ng auditorium at hindi naka-lock. Napagtanto nya na baka hindi isinarado ng guard ng maayos yung pinto. At nung buksan na nila ang pinto ay may parang kamay na maitim na lumusot sa siwang sa ilalim ng pinto. Para daw itong kamay ng kapre dahil mabalahibo. Dali-daling isinarado ni Jade ang pinto dahil malakas ang loob nito. Agad silang tumakbo pabalik sa amin. Nagulat kami sa kanilang dalawa dahil hapong-hapo at takot na takot. Tinanong namin kung anong nangyari at yun nga kinuwento sa amin na kanilang nakita. Kaya imbis na iihi si Mark ay pinigilan nya na lang ito sa labis na takot. Natulog na lang kami ng dikit-dikit at nagpatugtog ng music upang wala kaming maririnig na kung ano sa paligid.

Sa mga sumunod na mga taon ay may nagpaparamdam pa rin sa amin. Yung lumang piano ay naririnig naming tumutugtog mag-isa. Minsan nga nag-ghost hunting kami sa C.E. building. At pagdating namin dun ay titigil ng ilang minuto at tatakbo pabalik sa auditorium. Nasanay na rin kami sa mga nangyayari sa amin tuwing may working session kami. Pinagdarasal na lang namin na sana matahimik na yung mga kaluluwang nandoon.

-neversaybray

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon