Mga kababalaghan

149 3 0
                                    


Hello po ulit, Spookify! Ako po ulit to, si Mike. Ibabahagi ko naman po ngayon sa inyo yung mga kwento sa school namin noong ako'y nasa high school pa lamang. About po ulit ito sa batang multo na naikuwento ko na dito -- Moymoy. 

Una, 
matapos ang klase sa hapon, agad na pumunta si Binibining M. sa faculty ng Filipino upang tapusin ang iba pang paper works na kailangan niyang tapusin. Nag-uwian na nun ang mga estudyante. Tanging guard at iilan na lamang na mga guro ang naroroon sa loob ng eskuwelahan na nung mga oras na yun ay nasa opisina na at mag-a-out na gamit ang biometric system. Nasa old building ang kanilang faculty at nung mga oras na yun ay nag-iisa na lamang siya. Makalipas ang ilang oras, hindi na siya mapakali at parang may tumitingin sa kanya mula sa labas ng faculty kung kaya't pinilit nitong matapos agad ang kanyang ginagawa. Maya-maya pa ay nakarinig ito ng mga yabag. Yabag na tila ba may batang tumatakbo sa ikalawang palapag ng building kung saan naroroon ang kanilang faculty. Nahintakutan siya kung kaya't sinimulan na niyang magligpit ng mga gamit ngunit sa kanyang pagtayo, nakita niya ang isang bata, si Moymoy na nakakapit di umano sa mga grills ng silid na gawa sa kahoy habang nakatingin sa kanya.

Pangalawa, 
kasalukuyang naglalakad noon ang aking dalawang kamag-aral sa ikalawang palapag ng old building upang siguraduhing malinis ang mga silid bago ito iwanan ng mga estudyante. Habang nasa kalagitnaan umano ng kanilang paglalakad ay may nahagip ang mata ng isa sa kanila sa isa sa mga silid doon. Dahil nakapatay na ang mga ilaw sa bawat silid noon at tanging ilaw na lamang sa hallway ang nagbibigay liwanag sa kanila, minabuti nilang kausapin ang nasa loob ng silid. Tinanong nila ito, "Bakit ka pa nandiyan? Umuwi ka na po. Wala nang mga estudyante dito, ikaw nalang." Nagtaka ang dalawa marahil parang hindi sila nito narinig kung kaya't inilawan nila ito gamit ang flashlight ng kanilang cellphone at laking gulat nila ng isang bata ang nakita nila, si Moymoy. Agad na tumakbo pababa ng building ang dalawa dahil sa takot at hindi na muling nagpa-assign na mag-check ng mga silid tuwing pagtapos ng klase sa hapon.

Pangatlo, 
nagkakasiyahan ang mga estudyante noong mga oras na iyon dahil February na at araw ng mga puso. Naisipan ng SSG na magsagawa ng live band pagkatapos ng klase at inaprubahan naman ito ng Punong Guro ng aming paaralan. Sa kabilang banda, may isang babaeng estudyante ang nasa isa sa mga silid sa unang palapag ng old building sa kadahilanang hindi nito makakayang lumabas dahil sa kaniyang kapansanan. Habang ang ibang estudyante ay nagpapakasaya at nagsisigawan sa gym, nag-iisa lamang ang babae sa loob ng silid. Pinasamahan siya sa isa sa mga kaklase niya ngunit sinabihan niya ito na mag-enjoy nalang din daw at kaya niya. Habang nasa kalagitnaan ng kasiyahan, nakita ng babae ang isang bata sa bintana na nakapwesto sa likod ng old building. Galit na galit itong nakatingin sa kanya. Kinausap niya ito kung bakit nagagalit at agad naman itong sumagot, "Lagi nalang kayong maingay! Lagi nyo nalang kaming ginagambala!" Matapos yun ay agad itong nawala sa bintana. Pagharap ng babae sa lugar kung nasaan ang pisara, nakita niya ito doon, lumulutang at galit na galit. Hindi mawari ng babae kung ano ang kanyang gagawin. Palapit ito ng palapit sa kanya hanggang sa makarating ito sa lugar kung nasaan siya. Nakatitig lamang sa mga mata niya habang galit na galit ang ekspresyon ng mukha at mga mata. Napapikit ang babae. Maya-maya pa ay pumasok sa silid ang kaklase niyang naatasan na magbantay sa kanya. Nang marinig niya ito, agad siyang umiyak at ikinuwento ang kanyang nakita at naranasan. 

Marami pa sana akong nais ibahagi ngunit saka na lamang kapag nai-post na ito. Ikukuwento ko ang nangyari sa 1st Halloween party sa school na naging dahilan kung bakit hindi na ito naulit muli. 

PS. Hindi na po ako nag name drop for some reason. 

Mike
Caloocan City (South)

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon