Chapter 56

1.8K 61 4
                                        


Natapos ang buong maghapon, gaya ng mga nakaraang araw ay mag-isa na naman ako sa bahay ko.

"Miss ko na 'yong dating ingay rito."

Malungkot na umakyat ako sa hagdanan saka tinungo ang kuwarto ko. Pagpasok ko ay agad din akong naligo at nang matapos maligo ay nagpalit ako ng simpleng kulay krema na dress na hanggang tuhod.

Nagsasawa na ako sa ganitong set up ng buhay ko pero wala akong ibang magagawa kundi tanggapin ang lahat. Desisyon ko ito kaya dapat lang na panindigan ko.

Pinatuyo ko ang buhok ko gamit ang hair dryer at gaya ng palagi kong ginagawa ay itinali ko iyon. Naglagay ng kaunting make-up sa mukha saka nagsuot ng doll shoes. Wala akong balak na magsuot ulit ng stiletto. Para kasing pag-ibig lang ang sapatos na iyon eh. Ang sarap sa pakiramdam sa umpisa pero 'pag nagtagal na, masakit na rin pala.

Matapos kong ayusan ang sarili ay tumayo ako sa harap ng malaking salamin at tinitigan ang sarili. Napangiti ako nang makita na ang ganda ko sa ayos ko ngayon.

Matagal kong tinitigan ang sarili sa salamin at habang lumilipas ang mga sandaling nakatitig ako sa sarili ay unti-unting naglalaho ang ngiti sa mga labi ko.

Dahil lang sa malungkot ako kaya binabago ko na ang sarili ko?

Ngayon ko lang narealize na para na pala akong naliligaw at nawawala sa sarili. At sino ba ang niloloko ko? Kahit naman ano ang gawin ko sa sarili ko ay hindi ko pa rin maikakaila na walang araw na nawala siya sa isipan ko.

"This is not me." Malungkot kong sabi.

Mapait akong ngumiti saka umalis sa harap ng salamin at kinuha ang wallet kong ang laman ay kutsilyo, credit card at cellphone. Kinuha ko rin ang susi ng sasakyan ko sa bed side table saka lumabas ng kuwarto.

Magandang gawin sa mga panahong ito ay maglasing nang maglasing para kahit papaano ay makalaya nang panandalian mula sa matinding kalungkutan.

Pagkasakay ko sa sasakyan ko ay nanatili pa muna ako roon ng ilang sandali bago binuhay ang makina ng sasakyan at minaneho iyon paalis patungo sa bar na madalas naming puntahan ng mga kaibigan ko. 

Habang nagmamaneho ay rinig ko ang pagtunog ng cellphone ko kaya mabilis ko 'yong kinuha sa wallet ko. Agad ko ring sinagot ang tawag nang hindi na tinitignan kung sino ang tumatawag.

"Hello?" Bungad ko nang masagot ang tawag pero wala naman akong makuhang sagot. "Hello?" Pag-uulit ko pero gaya kanina ay wala rin akong matanggap na tugon mula sa kabilang linya.

Nagtatakang tinignan ko ang caller ID at mabilis kong nabitawan ang cellphone ko nang makita kung sino ang tumawag.

Wala sa sariling pinatay ko ang tawag at ibinalik ang tingin sa daan at ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang malaking truck na makakasalubong ng sasakyan ko. Sunod-sunod akong napamura at mabilis na gumilid.

Napunasan ko ang noo kong wala namang pawis ng wala sa oras dahil sa matinding kaba. Nagpakawala pa muna ako ng malalim na buntong hininga bago ko muling ipinagpatuloy ang pagmamaneho at hindi nagtagal sa wakas ay narating ko na rin ang bar.

Ipinarke ko ang sasakyan sa space na nakita ko. Ibinalik ko ang cellphone sa wallet ko saka dala ang wallet ay lumabas ako ng sasakyan dire-diretso papasok ng bar.

Matao at maingay na paligid ang bumungad sa akin pagkapasok na pagkapasok ko. Hindi na 'yon nakakapagtaka dahil week end bukas.

Walang lingon lingon kong tinungo ang bar counter. Walang pakialam sa mga naririnig kong mga sipol at kung anu-ano pang kabastusang pinagsasabi ng mga lalaking nadadaanan ko tungkol sa akin.

The Emotionless Cold Nerd (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon