Chapter 96: In the Wake of War

14.3K 406 64
                                    

SHAMIERE'S POV

Nagising ako dahil sa sinag ng araw na tumatama sa 'king mukha mula sa nakabukas na bintana. Iminulat ko ang aking mga mata at napagtantong nasa loob ako ng isang pamilyar na silid.

Umupo ako mula sa pagkakahiga at inikot ang paningin sa kabuuan ng bulwagang kinaroroonan ko.

Doon ko napagtantong nasa loob ako ng sarili kong kwarto.

Dahil doon ay agad na nangunot ang noo ko at nilukob nang matinding pagtataka't katanungan ang aking isipan habang sinusuri ang bawat gamit na madapuan ng aking mga mata.

Bumalik sa alaala ko ang lahat ng mga nangyari bago ako tuluyang mawalan ng malay.

Ang digmaan.

Ang pagguho ng akademiya.

Ang pagkatalo ng mga kalaban.

Ang pagkamatay ni Zokus.

At higit sa lahat, ang pagligtas sa akin ng misteryosong babaeng iyon.

Si Dawn.

Hindi ko alam kung bakit niya 'yon ginawa, kung bakit niya ako iniligtas.

Ngunit kahit na anuman ang dahilan ang mayro'n siya ay nagpapasalamat pa rin ako at tuluyan na niyang natuldukan ang kasamaan ni Zokus.

Hindi man ako ang nakapaslang sa panginoon ng kadiliman ay nagpapasalamat pa rin ako at tuluyan nang nagtapos ang kaniyang kasamaan.

Subalit hindi ibig sabihin no'n ay nawala na rin ang paghihinala't pagsasapanta ko laban sa kaniya. Laban kay Dawn.

Alam ko at sigurado akong hindi siya kakampi, na isa siyang kalaban.

Ang tanging katanungan na bumabagabag na lamang sa aking isipan ay kung bakit niya nagawa iyon. Kung isa nga siyang tunay na kalaban at kaanib ng mga Zokusians, bakit niya pinatay si Zokus. Bakit niya pinatay ang kanilang Hari.

Si Zokus, si Zokus na nagpakilala bilang si Professor Harson.

Kaya pala pansin ko noon pa lang na may kakaiba sa kaniya. 'Yon pala ay dahil isa siyang kalaban, panginoon ng mga kalaban.

Wala sa sariling ipinilig ko ang aking ulo.

Ang mahalaga ay tapos na ang digmaan. Wala na siya, hindi na siya makakapaghasik pa ng lagim.

Bumaba ako sa kama at itinuloy ang pagtingin-tingin ng mga gamit ko sa loob ng silid.

Sa pagkakaalala ko ay gumuho ang buong akademiya kung kaya't malaking palaisipan kung bakit ni isa sa mga gamit ko ay walang nawala o nasira.

Pero nang maalala ko na ang mundong ginagalawan namin ay mundong nababalot ng hiwaga't mahika ay nabigyan ng kasagutan ang aking katanungan.

Ilang saglit pa ay nagtungo ako sa silid-palikuran para maglinis ng katawan. Nang mapadaan sa salamin ay maiigi kong tiningnan ang aking sarili.

Tuluyan nang naging permanente ang hanggang baywang na malaalon kong ginintuang buhok, maging ang mga mata ko ay naging purong ginto.

Pinakiramdaman ko rin ang sarili ko kung may natitira pang lason sa katawan ko pero wala na akong naramdaman. Siguro ay tuluyan na itong nawala habang ako ay wala pang malay.

Matapos suriin ang sarili ay nagpatuloy na ako sa pagligo.

Ilang minuto lang ang inilagi ko sa banyo at hindi nagtagal ay natapos din agad ako. Lumabas ako at nagbihis ng maayos na damit, balak kong pumunta sa cafeteria para kumain. Nang makuntento na sa ayos ko ay akmang bubuksan ko na ang pintuan ngunit awtomatiko itong bumukas at iniluwa nito ang mga kaibigan ko habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.

The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon