SHAMIERE'S POV
"Mahal kita at hinding-hindi ko na uulitin pa ang ginawa ko kanina. Hinding-hindi na kita pagdududahan, paniniwalaan na kita.
Bahagya kong inilayo ang mukha ko sa kaniya para makita ang itsura niya. Nakangiti siyang tumingin pabalik sa akin bago bahagyang dinampian ng halik ang aking noo.
"Pangako?"
"Pangako."
"Hindi mo na ulit ako sasaktan?"
"Hinding-hindi na kita sasaktan pa, because hurting you means hurting myself, too. I love you Sham, I love you and I'm sorry for not believing you."
* * * * *
"Hinding-hindi kita iiwan kahit na anong mangyari. Talikuran ka man ng buong mundo, nandito lang ako laging nasa tabi mo."
Nangako ka Theo, nangako ka.
Biglang bumalik sa isipan ko ang mga salitang ipinangako niya sa akin noon. Mga pangakong hindi niya nagawang tuparin, mga pangakong napako. Dito mismo sa lugar na 'to. Dito siya nangako sa 'kin na hinding-hindi na niya 'ko sasaktan, pero hindi ko inaasahang dito rin niya sisirain ang pangako niyang 'yon.
Patuloy pa rin sa pagbuhos ang malakas na ulan na siyang dumadampi sa balat ko. Nanginginig na ako sa tindi ng lamig ngunit mas nanaig sa akin ang sakit, ang sakit dulot ng lahat nang nangyayari.
Hindi ko na alam kung anong gagawin ko.
Hindi ko na alam kung sino pa ang lalapitan ko.
Ngunit biglang may sumagi sa isipan ko dahilan para muli na naman akong mabuhayan ng loob, kahit papaano'y nabawasan ng lungkot ang nararadaman ko nang bigla kong maalala ang lalaking kahit kailan ay maniniwala sa akin. Ang lalaking kahit kailan ay hinding-hindi ako bibiguin.
Si Miko.
Tama, si Miko. Alam kong maniniwala siya sa akin, sila ni Faila. Alam kong hindi nila gagawin ang ginawa sa 'kin ng iba.
Gamit ang buong lakas ay dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakaluhod sa basa't magaspang na sahig. Pinunasan ko ang mga luhang nahahaluan na ng ulan sa mga mata ko at kinontrol ang sarili mula sa pag-iyak at pagkuwa'y nagsimulang humakbang paalis doon.
Ilang saglit pa ay namalayan ko nalang na naglalakad na ako patungo sa hardin kung saan kami dati-rati madalas na pumupuntang dalawa ni Miko. Inaamin ko sa sarili kong kinakabahan ako, kinakabahan ako dahil sa takot. Sa takot na baka kagaya nila ay kamuhian din niya ako, na gaya nila ay ipagtabuyan din niya ako, na iwan din niya ako.
Pero hindi dapat ako kabahan ng ganito, dahil alam ko sa sarili ko na hinding-hindi ako kamumuhian ni Miko. Alam kong hindi niya ako iiwan.
Makalipas pa ng ilang minutong paglalakad ay tumila na rin ang ulan, gayunpaman ay basang-basa na ang aking kabuuan. Hindi ko nalang pinagtuunan ng pansin 'yon at muli na lamang nagpatuloy sa paglalakad.
Maya-maya pa ay narating ko na ang hardin. Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang walang katao-taong hardin dahilan para bumagsak ang mga balikat ko. Inilibot ko pa ang paningin ko sa buong paligid sa pagbabakasakaling naroroon siya ngunit ni anino niya ay hindi ko nakita.
Naramdaman ko na naman ang unti-unting pagbara ng kung anong bagay sa lalamunan ko kasabay nang pagbigat ng dibdib ko. Ilang saglit pa'y dahan-dahang nangilid ang iilang butil ng luha sa gilid ng aking nga busilig.

BINABASA MO ANG
The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]
FantasyTerrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng salamangka. Ang lugar kung saan mahika ay nagsisilbi nilang sandata laban sa mga kalabang nagnanais n...