THIRD PERSON'S POV
Ang lahat ng mga estudyante't mamamayan ay nagtungo sa loob ng napakalawak na bulwagan ng akademiya.
Lahat sila'y hindi mawari kung ano ang dahilan kung bakit sila pinatawag ng punongguro sa nasabing lugar. Gayunpaman ay wala silang ibang nagawa kundi ang sundin ito.
Sunod-sunod silang nagsipasukan sa loob ng bulwagan, ang huling pumasok ay ang magkakaibigan na pinangungunahan ng binatilyong si Theo na wala ring kaalam-alam sa kung ano ang nangyayaring kaganapan.
Hindi nagtagal ay napuno na ang buong silid.
Ngunit ilang saglit lang ay nabalot nang bulong-bulungan ang buong paligid nang mapansin nila ang dalawang matataas na bagay sa itaas ng entablado na may mga kadenang nakasabit bawat isa sa mga ito at siyang nakakonektado sa distansya sa pagitan ng mga ito.
Nang dahil sa nakita ay nagtaka ang lahat ng naroroon. Subalit agad din silang natigilan nang sunod-sunod na magsilabasan sa likod ng entablado ang mga panauhing nakita nila kahapon.
Ang mga Konseho at ang Punong Ministro ng Mahika kasama ang mga Hari't Reyna. Lahat sila ay nababalot ng kakaibang enerhiya't may taglay na hindi basta-bastang lakas, ngunit hindi ito ang nakaagaw sa atensyon ng lahat. Natuon ang paningin nila sa kasama ng mga ito, isang taong nakasuot ng kulay luntiang salakot at may hawak na mahabang sandata na siyang umaabot sa sahig.
Nanlamig at nakaramdam ng takot ang lahat sa kanilang nasilayan, sapagkat ang taong nasa harapan nila ay walang iba kung hindi ay ang taong kumikitil ng buhay ng may sala. Walang sinuman ang nakakita ng tunay na wangis nito at alam nilang hindi nila kailanman masisilayan ang itsura nito na siyang ipinagpapasalamat nila sa takot na kanilang nadarama mula rito. At hindi nila inaasahan na sa tanang buhay nila ay magagawa nilang mapagmasdan sa malapitan ang nilalang na ito.
Nasa ganoon silang sitwasyon nang sa isang iglap lang ay mabilis silang napalingon sa entrada ng bulwagan na kanilang kinapapalooban nang dagliang bumukas ang malaking pintuan nito.
At ganoon na lamang ang kanilang pagsinghapan sa kanilang sunod na nasilayan.
Isang dalaga.
Isang dalaga na halos matumba na sa labis na panghihina. Punong-puno ng pasa at sugat ang buong katawan nito at base sa kabuuan nito ay tila'y binugbog ito ng makailang ulit.
Hindi rin nakatakas sa kanilang mga mata ang nakakaawa't nakakadurog puso nitong wangis.
Ang wangis nito'y duguan at maging ang mukha nito'y puno ng pasa't galos. Hirap na hirap ito sa paglalakad habang marahas na dinadarag ng dalawang kawal sa magkabila nitong braso.
Lahat ng naroroon ay napatayo sa senaryong kanilang nasasaksihan.
At nang sandaling matuon sa gawi ng binatilyong si Theo at maging sa mga kaibigan nito ang dalaga ay napatigil ito at tumingin sa kanila ng may luha sa mga mata.
"T-Theo. . ." halos hindi nito maiusal nang maayos ang pangalan ng binata.
Sunod-sunod na umagos ang mga luha mula sa kaniyang mga mata habang nakatitig sa dati niyang mga kaibigan.
"Sh-Sham," hindi alam ng binata ang kaniyang sasabihin gayundin ng kaniyang mga kasamahan. Wala silang ibang nagawa kundi ang pagmasdan ang kalunos-lunos na sinapit ng dalaga. Bubuka ang mga labi nito ngunit agad ding sasarado na tila ba'y hindi alam kung ano ang sasabihin.
"T-Theo, n-natatakot. . . n-natatakot ako." basag at paos ang tinig na sambit nito habang patuloy sa pagdaloy ang mga luha sa magkabila niyang pisngi.
"Parang-awa niyo na, tulungan n-niyo ko, a-ayoko. . . ayoko pang m-mamatay." dugtong nito dahilan upang tuluyang manlaki ang mga mata ng binata't maging ang mga kasama nito't nakarinig ng salitang iyon dahil sa labis na gulat at pagkabahag.

BINABASA MO ANG
The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]
FantasyTerrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng salamangka. Ang lugar kung saan mahika ay nagsisilbi nilang sandata laban sa mga kalabang nagnanais n...