Chapter 35: Into the Lake

12.5K 629 28
                                    

SHAMIERE'S POV

Kinaumagahan ay kusa akong nagising at pagtingin ko sa orasan ay bandang ala singko pa lang ng madaling araw.

Sabado ngayon kaya walang pasok at dahil hindi na rin naman ako inaantok ay napagpasyahan kong maglakad-lakad nalang muna sa labas.

Bumaba ako sa sala at dahil paniguradong tulog pa ang dalawa ay hindi na 'ko nagtaka pa na napakatahimik dito.

Nang tuluyan akong makalabas ay bumungad sa akin ang madilim na paligid at ang napakalamig na ihip ng hangin. Hindi ko na pinansin ang lamig na dulot nito at ipinagpatuloy nalang ang paglalakad. Walang katao-tao sa buong paligid at tanging ako pa lang ang nag-iisang estudyanteng naglalakad sa madilim na pasilyo.

Natagpuan ko ang sarili ko papasok sa entrada ng kagubatan sa likod ng mismong akademiya. Maya-maya pa ay nakita ko na ang tambayan, pero nilampasan ko lang ito at nagpatuloy lang sa paglalakad.

Makalipas ng ilang minutong paglalakbay ay nakarating ako sa isang pamilyar na lugar. Ang lugar kung saan ako napadpad no'ng minsan ako'y magliwaliw.

Hindi lingid sa kaalaman kong hindi na ito sakop ng akademiya ngunit ipinagsawalang bahala ko nalang ang bagay na ito at pinagmasdan ang nakakamanghang tanawin sa harapan ko. Kagaya ng dati ay naglipana pa rin ang mga nagsisiliparang alitaptap sa kapaligiran at labis na nakakaayang tingnan ang mga ilaw na nagmumula sa kanilang katawan. Ang kulay ng lawa sa aking harapan ay gano'n pa rin, subalit mas tumingkad ang kulay asul nitong tubig na siyang nang-aakit sa aking paningin na ito'y lapitan.

Hindi na 'ko nagdalawang-isip pa't tuluyang lumapit dito at lumuhod sa sa gilid nito. Inilubog ko ang kaliwang kamay ko at dinama ang temperatura ng tubig. Napangiti naman ako nang malamang katamtaman lang ang lamig nito.

Muli akong tumayo at inilibot ang paningin sa buong paligid. Walang katao-tao at siguradong mahirap puntahan itong lugar na ito.

Pasikat na rin ang araw at may mumunting liwanag nang lumulusot sa mga punong-kahoy.

Nang masiguradong walang sinuman ang nasa paligid ay saka ko hinubad ang saplot sa katawan ko at dahan-dahang lumusong patungo sa tubig.



BEA'S POV

Nagising ako bandang ala-sais ng umaga at dahil hindi na rin naman ako makatulog ay nagtungo nalang ako sa kusina para maghanda ng almusal namin mamaya.

Pero hindi pa man din ako tuluyang nakakatapak sa kusina ay napalingon ako sa hagdan nang marinig kong magsalita si Yvonne.

"Gising ka na rin?" nag-iinat pang tanong niya.

"Oo, hindi na 'ko makatulog, eh. Ikaw? Ba't ang aga mong nagising?" pabalik kong tanong sa kaniya.

"Hindi ko alam, basta nalang akong nagising, eh." kibit-balikat na aniya't nag-umpisang bumaba.

"Tulungan mo nalang akong maghanda ng almusal natin para mamaya."

"Sige."

Maya-maya pa ay nagsimula na kaming magluto, nahinto lang ako nang may napansin.

"Teka, :diba kadalasan ay mas nauuna pang magising si Shamiere kaysa sa atin? Ang weird lang na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya gising. Teka, sisilipin ko." sambit ko kay Yvonne at tumango naman siya. Naglakad na 'ko pabalik sa itaas at nang kumatok ako sa kwarto ni Sham ay walang sumagot. Tinawag ko pa ang pangalan niya kasabay nang pagkatok ko ulit pero wala pa ring sumasagot kung kaya't binuksan ko na ito at agad na inilibot ang paningin sa kabuuan ng silid niya, pero wala siya rito.

Pumasok pa 'ko sa loob at pati na sa banyo niya ay sinilip ko pa ngunit wala talaga.

Agad akong bumalik sa kusina at sinabi kay Yvonne na wala si Shamiere sa kwarto niya.

The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon