SHAMIERE'S POV
Nang imulat ko ang mga mata ko ay tumambad sa akin ang nagtataasang mga punong-kahoy.
Dahan-dahan akong umupo mula sa pagkakasalampak at agad na inilibot ang paningin sa buong paligid. Napagtanto kong nasa gitna ako ng isang kagubatan at tanging liwanag ng buwan lang ang nagbibigay ilaw sa buong kapaligiran.
Hindi kalayuan sa kinaroroonan ko ay namataan ko ang isang maliit na batis. Agad akong nakaramdam ng matinding uhaw kung kaya't napagpasyahan kong magtungo sa batis na 'yon para uminom. Akmang tatayo na ako mula sa pagkakaupo nang bigla nalang akong matumba. Hindi ko matukoy ang matinding panghihinang nararamdaman ko, tila naubos ang lahat ng enerhiyang mayro'n ako.
Subalit dahil sa kanaisang makainom ng tubig ay wala akong ibang nagawa kundi ang gumapang papunta sa batis. Napapadaing na lamang ako sa tuwing may mga maliliit na bato at ugat ang nakausli mula sa lupa na siyang tumatama sa katawan ko.
Ilang saglit pa ay tuluyan ko nang narating ang batis, akmang sasandok na ako ng tubig gamit ang mga palad ko nang bigla akong matigilan. Biglang umihip nang malakas ang malamig na hangin na siyang tumangay sa kulay itim at bagsak kong buhok.
Tila nabato ako sa kinaroroonan ko dahil sa napagtanto. Kinakabahan kong hinawakan ang buhok ko at agad na naluha dahil sa 'king nakita. Wala na ang malaalong ginintuan kong buhok, napalitan ito ng bagsak at kulay itim na buhok na siyang umaabot sa baywang ko.
Dali-dali akong lumapit sa batis at agad na dumungaw upang tingnan ang repleksyon ng mga mata ko sa tubig, at nang sandaling gawin ko 'yon ay nagtuloy-tuloy na ang pagbagsak ng mga luha ko.
Ang mga mata ko, hindi na kulay ginto, naging itim na ang kulay ng mga ito.
At iisa lang ang ibig sabihin nito.
Ang kapangyarihan ko, tuluyan nang nawala ang kapangyarihan ko.
Biglang bumalik sa alaala ko ang lahat nang nangyari bago ako mawalan ng malay. Naalala ko kung paano ako ipinagkalulo ng kaisa-isang taong inakala kong natitirang kakampi ko. Naalala ko kung paano nila kunin sa 'kin ang kapangyarihan ko.
Napahikbi na lamang ako sa nangyayari sa akin.
Nawala na sa akin ang mga kaibigan ko.
Nawala na sa 'kin si Theo.
Nawala na rin sa 'kin maging si Miko.
At ngayon, nawala na rin ang kapangyarihan ko.
Hindi ko na alam kung paano ko pa haharapin ang buhay. Kung paano pa ako mabubuhay.
Wala na ring saysay para magpatuloy pa.
Tuluyan nang nawala sa 'kin ang lahat. . . lahat lahat.
Gusto kong magalit, gustong-gusto kong magalit sa kanila. Gusto ko silang sumbatan dahil sa nangyayari sa buhay ko. Gusto kong isumbat sa kanila na wala akong kasalanan. Na hindi ko dapat dinadanas ang lahat ng ito, na wala akong ginagawang masama, na wala akong kasalanan. Gusto ko silang sumbatan dahil ang sakit na, ang sakit-sakit na. Gustong-gusto ko silang sumbatan ngunit hindi ko magawa.
"H-Hindi ko na kaya."
THIRD PERSON'S POV
Kinaumagahan ay naglipana ang mga estudyante sa akademiya.
Lahat sila ay abala sa pakikipag-usap sa isa't isa tungkol sa nangyaring insidente. Lahat sila ay iisa ang sinisisi, at 'yon ay walang iba kundi ang dalagang si Shamiere.
Sa kabilang banda ay kasalukuyang naglalakad ang binatang si Theo kasama ang kaniyang mga kaibigan. Hindi nila pinapansin ang mga bulungan sa kapaligiran, mas pinili nilang maglakad nalang nang tahimik papunta sa silid ng punongguro. Subalit agad silang napahinto mula sa paglalakad nang walang ano-ano'y may maagaw ang atensyon nila.

BINABASA MO ANG
The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]
FantasyTerrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng salamangka. Ang lugar kung saan mahika ay nagsisilbi nilang sandata laban sa mga kalabang nagnanais n...