THIRD PERSON'S POV
Sunod-sunod na singhapan ang agarang umugong sa buong kapaligiran mula sa buong sangkatauhan na kasalukuyang nasa labas ng makapangyarihang harang habang nakatitig sa panibagong anyo ng dalaga.
Hindi lang doble kung hindi ay triple ang laki nito kumpara sa normal na lobo.
Ang balahibo nito ay kasing puti ng nyebe na tila ba'y kumikinang sa liwanag, habang ang mahahaba't nagsasayawan nitong mga buntot sa hangin ay labis na nakakamanghang pakatitigan.
Hindi nagtagal ay nagsimula itong tumakbo nang pagkabilis-bilis papunta kay Zokus.
Gamit ang mahahaba nitong buntot ay mapilantik niyang pinagalaw ang mga ito at hinayaang atakihin ang kalaban.
Nagmistulang may sariling buhay ang mga ito na wari ba'y mga latigo. Matapos ang isa'y dagliang susundan ng iba pa.
Ngunit nang sandaling magpalabas ng itim na salamangka si Zokus ay diretso itong tumama sa katawan ng dalaga na agad nitong ikinasakmal papalayo.
Dahan-dahan itong bumangon mula sa pagkakasalampak sa naguhong lupa at muling hinarap ang kalaban.
Maya-maya pa ay tumingin ito sa itaas kung saan naroroon ang bilog na pulang buwan at nagpakawala ng isang malakas at mahabang alulong. Paglaon niyon ay muli itong tumakbo nang napakabilis kasabay nang muling pag-anhag ng ginto niyang mga mata.
Kitang-kita ng lahat kung paano nitong talunan si Zokus at saklamin ang leeg nito gamit mismo ang sarili niyang bunganga. At dahil sa ginawa niyang iyon ay malakas na napasigaw sa sakit ang kalaban at mabilis na kinontrol ang patay na punong-kahoy mula sa hindi kalayuan at agad na hinagis sa likuran ng dalaga, subalit dahil sa laki ng anyo ng dalaga ngayon ay tila wala itong naging epekto sa kaniya.
Ipinagpatuloy nito ang pagsaklam sa leeg ni Zokus na mas lalong ikinahiyaw sa sakit ng huli.
Makalipas pa ng ilang minuto ay binitawan na ng dalaga ang leeg nito. Nang tingnan niya ito ay nakapikit na si Zokus at hindi gumagalaw.
Ang akala niya ay tuluyan nang nagwakas ang buhay nito, ang akala niya ay tuluyan na niyang napaslang ang kalaban.
Subalit saktong pagtalikod niya ay siyang pagmulat ng mga mata ni Zokus at agarang pagtalon sa likuran niya.
Matulin nitong ipinatalas ang mga kuko at walang pagdadalawang-isip na itinarak ng mga ito sa malapad na likuran ng dalaga.
Umalingawngaw sa loob ng malawak na barrier ang atungal na nagmumula kay Shamiere.
Halos lahat ng nasa labas ay muling natulig sa kanilang nasaksihan. Muli nilang sinubukang sirain ang harang na nasa harapan nila ngunit hindi nila ito magawang matibag.
At sa mga sandaling iyon ay halos magliyab na sa labis na galit ang binatilyong si Theo habang walang tigil sa pagkalampag sa panangga. Gayunpaman ay wala siyang magawa, wala silang ibang magawa kung hindi ay ang sumigaw at manatiling nakatanaw sa paghihirap ng dalagang nasa harapan nila.
SHAMIERE'S POV
Isang malakas na atungal ang kumawala sa bibig ko nang maramdaman ko ang pagnuot nang matinding sakit nang sandaling bumaon ang mahahaba niyang mga kuko sa likuran ko.
Walang tigil siya sa ginagawa niyang pagtarak sa likod ko dahilan para maramdaman ko ang pag-agos ng masasagana kong dugo mula rito. Rinig na rinig ko rin ang mga sigawan ng mga kasamahan ko sa labas ng pananggang ginawa ko.
At nang makakuha ng tamang pagkakataong ay marahas kong ginalaw ang mga buntot ko't agad siyang inihagis papaalis mula sa likuran ko na siyang napagtagumpayan ko namang gawin. Tumilapon siya papalayo't agarang tumama ang likuran niya sa panangga.

BINABASA MO ANG
The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]
FantastikTerrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng salamangka. Ang lugar kung saan mahika ay nagsisilbi nilang sandata laban sa mga kalabang nagnanais n...