SHAMIERE'S POV
Habol-habol ang paghinga na napabalikwas ako mula sa aking pagkakahiga.
Ramdam ko ang patuloy na pagdaloy ng mga luha mula sa magkabila kong mata habang naliligo sa sarili kong pawis, subalit hindi iyon naging balakid upang bumalatay sa maninipis kong mga labi ang isang munting ngiti.
"B-Bangungot. . . bangungot lang ang lahat." puno ng saya't kagalakan ang tinig na sambit ko sa kawalan.
Hindi ko matukoy kung ano ang marapat kong maramdaman, hindi ko mapagtanto ang totoo kong nararamdaman sa mga sandaling ito.
Gayunpaman ay inaamin ko, naririto pa rin sa aking puso't isipan ang lahat ng sakit, pagdurusa't paghihirap na pinagdaanan ko. Lahat ng takot, pangamba't pagluluksa'y naiwan sa puso ko.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala.
Panaginip man ang lahat ng iyon ay tumagos sa puso't damdamin ko ang lahat ng mga pangyayaring nagpadurog nang husto sa aking pagkatao. Lahat nang pagtatalikod ng mga mahal ko sa buhay, mga k aibigan ko't lubos na mga pinagkakatiwalaan, kahit na ang kasintahan kong pinakaminamahal ko.
Lahat ng mga pagmamakaawa't pagsusumamo ko, mga pakiusap kong hindi nila pinakinggan at bagkus ay nagbingi-bingihan. Panaginip man ang lahat ng iyon ako ay nasaktan nang lubusan.
Ang sakit-sakit isipin na naiwan akong mag-isa. Na iniwan nila akong nag-iisa.
Makailang ulit akong nagmakaawa subalit walang sinuman sa kanila ang nagtiwala.
Ang tanging hangad ko lang naman ay ang protektahan at iligtas sila mula sa kapahamakan, mula sa kasamaan. Subalit hindi ko inaasahan na ang kapalit ng lahat ng iyon ay ang kapahamakan at parusang pagkakabilanggo sa silid na iyon hanggang sa kamatayan.
Ang hirap isipin na nagawa nila akong hindi pagkatiwalaan. Na nagawa nila akong talikuran pagkatapos ng lahat ng aming pinagsamahan.
Lahat sila na mga mahal ko sa buhay.
Lahat sila na minahal ko ng tunay.
Dahan-dahan kong pinalis ang mga luha sa aking mga mata at pilit na iwinakli ang lahat ng iyon sa aking isipan.
Nang makabawi ay unti-unti kong ibinaling ang aking paningin sa aking paligid.
Ang unang tumambad sa akin ay ang pamilyar na kulay puting silid.
Naguguluhan man ay wala sa sarili akong tumayo mula sa aking pagkakaupo at walang ano-ano'y inilibot ang aking paningin sa kabuuan ng silid na aking kinaroroonan at sinuri ang bawat bagay na aking namamataan.
At ng mga sandaling iyon ay doon ko lamang tuluyang napagtanto kung nasaan ako.
Sa 'king silid-dormitoryo.
Dala nang matinding kuryusidad sa mga nangyayari ay nagsimula akong maglakad at umikot sa aking silid. Ilang saglit pa ang nagdaan ay napahinto ako sa harap ng salamin at mula roon ay pinagmasdan ko ang sarili kong repleksyon. Doon ko lamang napag-alaman na nakasuot ako ng kulay puting bestida.
Bahagya pang napakunot ang aking noo nang mapansin kong tila'y pamilyar ito. Hindi ko lamang naalala kung saan ko ito unang naisuot o nakita.

BINABASA MO ANG
The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]
خيال (فانتازيا)Terrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng salamangka. Ang lugar kung saan mahika ay nagsisilbi nilang sandata laban sa mga kalabang nagnanais n...