Chapter 60: The Wrong Move

15.4K 509 56
                                    

SHAMIERE'S POV

*BLAAAAAAAAAG!!!*

Isang napakalakas na pagsabog ang naganap matapos kong pasabugin ang malaking pader na nagsisilbing harang sa kaharian ng mga Zokusians.

Hindi na kami nagdalawang-isip pa na pumasok kaagad.

At nang tuluyang makapasok sa loob ay agad na nagsilabasan ang mga kalaban.

Sa dami nila ay masasabi kong mahihirapan nga kaming talunin sila lalo na't nasa kaharian kami nila.

Naglipana sa kapaligiran ang mga Dark Witches, Dark Vampires, Werewolves, Dark Mages at marami pang iba. Nasa likuran nila ang isang matayog at napakalaking itim na palasyo kung saan naroroon ang kanilang hari.

Si Zokus.

Subalit habang nakatitig sa kanila ay may napagtanto ako.

Nakapaghanda sila.

Inaasahan na nila ang pagdating namin.

At hindi lingid sa kaalaman ko na hindi pa ito ang lahat ng bilang nila.

"Magsipaghanda kayo! Hindi sila basta-basta!" paalala ni Theo sa 'min ngunit nanatili lang ang paningin ko sa lalaking minsan na rin naming nakalaban.

Buhay pa pala siya.

"Ang lakas ng loob ninyong lusubin kami!" mahihimigan ang labis na panggagalaiti sa tinig na sambit nito.

"Pwes! Magpaalam na kayo sa mga buhay ninyo sapagkat hindi na kayo makakalabas pa ng buhay!" at sa pagsigaw niya sa mga salitang iyon ay siyang daglian niyang pagpasugod sa laksa-laksa niyang mga kasamahan.

Hindi na kami nagpagligoy-ligoy pa at agad na ring sumugod pasulong sa mga kalaban.

Daglian akong bumuo ng espadang gawa sa yelo at buong lakas itong iwinasiwas sa mga kalabang tumatakbo papunta sa akin. Nang sandaling tumama ito sa katawan nila ay agad silang naging yelo na parang mga estatwa't hindi na makagalaw pa. Sinipa at buong lakas na sinuntok ko ang mga ito dahilan upang sila ay agarang mawasak.

Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ring nakikipaglaban ang mga kasamahan ko gamit ang kani-kanilang mga mahika't sandata.

Bumalik ako sa pakikipaglaban at saktong pagharap ko ay siyang pagbulusok ng naglalagablab na itim na apoy papunta sa gawi ko ngunit agad akong napaliyad upang ito'y maiwasan na siyang aking napagtagumpayan.

Sinundan ko ang pingmulan nito at masamang tinitigan ang isang Zokusian na may kagagawan no'n na mabilis na natuod sa kaniyang kinatatayuan.

Agad kong pinaliyab ang kaliwa kong kamay at walang pag-aalinlangan siyang binato ng apoy dahilan upang agaran siyang matupok at maging abo.

Marami ang nakakita sa ginawa ko kung kaya't naagaw nito ang pansin ng mga kalaban dahilan upang ako ang kanilang sugurin at pagtulungan.

Animo'y bumagal ang oras nang masaksihan ko ang sabay-sabay na pagsitalunan ng itim na mga taong lobo sa gawi ko, subalit bago pa man nila ako tuluyang masakmal ay agad na akong tumalon sa ere at nagpalabas ng matatalim na yelo sa direksyon nila. Agad na nasawi ang ilan sa kanila ngunit marami pa rin ang patuloy na lumulusob sa aking direksyon.

Maging ang mga bampira ay inaatake na ako at dahil sa bilis na angkin nila ay hindi ko sila masyadong makita. At ilang saglit pa ay gano'n na lang ang pagkagulat ko nang makitang nasa harap ko na ang isa sa kanila at akmang kakagatin na ang leeg ko.

Datapwat bago pa man din niya tuluyang magawa 'yon ay tuluyan na siyang naging abo nang sandaling isaksak ko sa dibdib niya ang hawak-hawak kong espada.

The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon