SHAMIERE'S POV
"Ang ibig bang sabihin no'n ay mas malakas si Dawn kaysa kay Shamiere?" lihim akong napaismid nang marinig ang sinabi ni Eros.
Naglalakad kami ngayon sa gitna ng mahabang pasilyo papunta sa silid-kainan. Bawat mga estudyanteng nadadaanan namin ay napapatingin sa gawi namin, o mas tamang sabihin ay sa akin, at saka sila magbubulungan habang kinikilatis ang kabuuan ko. Marahil ay nagtataka sila sa kulay ng buhok at kulay ng mga mata ko, o hindi kaya marahil ay pinag-uusapan nila ang tungkol sa nangyaring digmaan na kung saan nilabanan ko si Zokus.
Hindi ko na lang pinansin pa ang mga matang ipinupukol nila sa akin at nakinig nalang sa usapan ng mga kasama ko.
"Hindi naman porket si Dawn ang nakatalo kay Zokus ay mas malakas na siya kay Shamiere. Saka nakita natin kung ano ang mga kayang gawin ni Shamiere, kung paano niyang mag-isang nilabanan at tinalo ang karamihan sa mga kalaban lalong-lalo na si Zokus, kaya hindi natin masasabi kung sino talaga ang mas malakas sa kanilang dalawa ni Dawn." agarang tugon naman ni Gino.
"Will the both of you please just stop? You guys are talking as if Sham and Dawn aren't around."
Agad naman silang napatikom ng mga labi nila nang suwayin sila ni Serene at napatingin sa 'ming dalawa ni Dawn.
"S-Sorry, hehe." magkapanabay nilang sambit habang nakaangat ang dalawa nilang daliri senyales na humihingi ng tawad.
"Pero guys, hindi ko talaga inakalang may isang traydor dito sa loob ng akademiya. Nakakasama natin siya sa pagpasok sa klase, at halos nakikita araw-araw. Pero 'yon pala, isa siyang Zokusian." walang ano-ano'y pahayag ni Yvonne dahilan para matigilan ako. Nakaramdam ako ng biglaang kaba't takot sa dibdib ko at nadagdagan 'yon nang sandaling dumapo ang paningin niya sa akin.
"Maski ako, hindi ko akalain na ang kaklase niyong si John ay isang kalaban." tila nakahinga ako nqng maluwag dahil sa isinagot ni Kianah.
"K-Kaya ko nga siya pinatigil mula sa panliligaw sa akin, eh, dahil nakakaramdam ako ng kakaiba sa kaniya." dugtong pa ni Dawn na siyang lihim na ikinasinghal ko.
Ang galing-galing mong umarte, parehas lang naman kayo.
"Mabuti nga at pinahinto mo siya noon pa." komento ni Lash.
"Naalala niyo 'yong nasa field tayo at atakihin niya si Shamiere? Mabuti nalang talaga at mas pinaniwalaan natin si Dawn ni'n kaysa sa kaniya." dagdag naman ni Megan.
Naalaa ko pa no'ng araw na 'yon, muntik na niya sanang sabihin ang totoo na si Dawn ang nag-utos sa kaniya marahil dala na rin ng takot niya sa akin. Ngunit hindi niya natuloy dahil sa itim na salamangkang ipinalabas ni Dawn upang manipulahin ang katawan niya.
"Tama ka, kaya kailangan nating magdoble ingat dahil hindi natin alam kung sino ang totoong mga kakampi. . ." saglit na huminto sa pagsalita si Dawn at makahulugang tumitig sa mga mata ko bago ngumiti nang pagkatamis-tamis.
"At kung sino ang tunay na mga kalaban." dugtong niya na agad nagpakuyom sa mga kamao ko. Kung kaya't dala nang labis na inis na lumukob sa kalooban ko'y hindi ko na napigilang magsalita.
"Subalit wala na si Zokus, patay na ang Hari't pinuno ng kasamaan kung kaya't wala ng dahilan pa upang tayo ay mag-ingat," sandali akong huminto at pagkuwa'y tinugunan ang ngiting ipinukol niya sa akin.
"Maliban na lamang kung may natitira pang isang kalaban." may diin at laman ang tinig kong sambit na agaran niyang ikinagitla. Ngunit ilang sandali lamang ang nagdaan at muli siyang napangiti bago muling nagsalita.

BINABASA MO ANG
The Mysterious Girl of Terrensia Academy [Completed]
FantasyTerrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng salamangka. Ang lugar kung saan mahika ay nagsisilbi nilang sandata laban sa mga kalabang nagnanais n...