ISANG araw na ang lumipas simula nang makalabas ako ng Hospital. Maayos na ang pakiramdam ko pero kailangan ko pa ring magpahinga ng maayos dahil sa kalagayan ko. Ayon sa doctor, hindi raw ako dapat magpagod at ma-stress dahil sa pinagbubuntis ko. Kailangan kong ingatan ang sarili ko para sa magiging anak namin ni Zandy.
Bumuntong-hininga ako habang nakahiga sa kama. Marahan kong hinimas ang tiyan ko na bahagya nang umuumbok. Ngumiti ako dahil everytime na hinahawakan ko iyon, nararamdaman ko ang connection namin ng anak ko.
"I'm so excited to see you, baby," mahina kong sabi. Sa kabila ng nangyayari sa amin ni Zandy, nandito pa rin sa puso ko ang saya at ligaya dahil sa bata.
Napawi ang ngiti sa mga labi ko nang maalala ko ang huling pag-uusap namin ni Zandy. Bumalik sa isip ko ang pagtalikod niya sa akin dahil iyon ang gusto kong gawin niya pero sa totoo'y gusto kong bumalik kami sa dati. 'Yong nararamdaman ko pa ang pagmamahal niya para sa akin. Namalayan ko na lang ang muling pagpatak ng luha sa mga mata ko dahil sa lungkot at sakit na nararamdaman ko.
Buong magdamag kong inisip ang lahat ng nangyayari sa amin ni Zandy at na-realize kong baka hindi pa ganoon kalalim ang pagmamahalan namin sa isa't isa para mapunta kami sa ganitong sitwasyon. Baka Kailangan muna naming maintindihan ang sarili namin.
Pinahid ko ang luha sa mga mata ko at tumingala. Pumikit ako at bumuga ng hangin. Saglit akong tumingin sa tiyan ko, saka nagpasiyang bumaba ng kama ko. Pasado alas-singko pa lang ng hapon ayon sa wall clock na nasa tapat ng kama ko.
Tumungo ako sa bintana ng kwarto ko. Humalukipkip ako at tahimik na tumayo roon para pagmasdan ang dumidilim na paligid. Nami-miss ko na agad ang mga bagay na ginagawa ko noon. Nami-miss ko nang magtrabaho, lumabas kasama ang mga kaibigan ko at higit lalo ang makasama si Zandy habang yakap siya.
"Anak."Kumurap ako at napalingon kay Mama na kapapasok lang ng silid ko. Seryoso niya akong tiningnan habang papalapit sa akin. Pilit akong ngumiti at hindi umimik.
Bakas ang lungkot at simpatiya sa mga mata ni Mama habang nakatingin sa akin. Bumuntong-hininga siya at bahagyang kumurap. "Kumusta ka na, 'nak? Alam kong hindi ka pa ok pero gusto kong itanong kung ok ka para malaman mong kailangan mong maging ok," makahulugang ani Mama. "Alam mo ba no'ng una pa lang kami ng Papa mo, sobrang saya naming dalawa at ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin pero nang tumagal na kami, palagi kaming nag-aaway dahil sa maraming bagay na kahit konting dahilan, pinag-aawayan namin." Tumawa pa si Mama dahil sa pagbabalik tanaw niya. "No'ng una, tinanong ko sa sarili ko, kinasal lang ba kami para mag-away? Pero na-realize kong ang pag-aaway, hindi 'yan para sukuan ninyo ang isa't isa, hindi 'yan para maghiwalay ako, kung 'di para intindihin ninyo ang isa't isa. Para unawain ang bawat isa. Para subukin kung hanggang saan ang pagmamahal na kaya mong ibigay sa asawa mo. Natural na mag-away at magkatampuhan ang mag-asawa, pero hindi natural na maghiwalay dahil lang sa problema at pagsubok," mahabang paliwanag ni Mama. Simple pa siyang ngumiti.
Saglit akong yumuko at nag-angat ng tingin kay Mama. Alam niya ang nangyari sa amin ni Zandy at ang naging desisyon ko na pangsamantalang bigyan muna namin ng space ang isa't isa.
Ngumiti ako nang maalala ko ang masasayang araw namin noon ni Zandy. No'ng mga panahong ramdam ko ang pagmamahal niya at kung gaano siya kalapit sa akin pero bigla iyong nagbago ng isang iglap. Bigla siyang nawalan ng oras sa akin habang binibigyan niya ng oras 'yong ibang babae. Napalitan ng sakit at pait ang ngiting iyon.
"Akala ko hindi ko na matatapos ang saya at ligayang nararamdaman ko everytime na kasama ko si Zandy. Nararamdaman ko ang pagmamahal niya sa akin, sa bawat yakap at halik niya pero bigla 'yong nagbago, 'Ma. Nawalan siya ng oras sa akin at pakiramdam ko ang layo na niya. Ang masakit, 'Ma, habang busy siya at hindi ako mabigyan ng oras, nabigyan niya ng panahon si Beverly para puntahan." Muli na namang tumulo ang luha sa mga mata ko. "Pero alam kong plano ni Beverly ang lahat ng iyon para sirain kami pero ang hindi ko maintindihan, hinayaan niyang gawin siyang sangkapan ni Beverly para saktan ako," puno ng hinanakit kong sambit.
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Mama. Kinuha niya ang palad ko at bahagya iyong pinisil. "Valid ang dahilan mo kung bakit ka nasasaktan, 'Nak. Karapatan mong masaktan dahil babae ka at asawa ka pero ikaw na rin ang nagsabi, plano ni Beverly ang lahat ng iyon para sirain kayo at sa tingin mo sinong talo kung mananatili kayong ganito?" balik ni Mama. "Isusuko mo na ba si Zandy kay Beverly kahit alam mong mahal mo siya?"
Hindi agad ako nakasagot. Pinahid ko ang luha sa mga mata ko at pinilit na patigilin iyon. Napapagod na akong umiyak dahil sa bawat oras na naalala ko ang nangyari sa amin ni Zandy, kusang tumutulo ang mga luha ko.
"Hindi ko susukuan si Zandy, 'Ma. Hindi ko isusuko ang marriage at ang batang nasa tiyan ko. Pero sa pagkakataong ito, kailangan siguro namin ng space para sa isa't isa," pagtatapat ko. Hindi ko kayang isuko si Zandy dahil mahal ko siya. "Masakit para sa akin ito pero gusto kong kapag bumalik na kami sa isa't isa, pareho na naming naayos ang mga sarili namin. Tama ka, 'Ma, ako ang talo kung hahayaan kong makuha ni Beverly si Zandy pero kung talagang mahal niya ako, hindi niya hahayaang makuha siya ni Beverly." Suminghap ako. "Kailangan ko ng oras at panahon para isipin at tanggapin ang nangyari at kailangan kong ihanda ang sarili ko para tanggapin ulit si Zandy sa buhay ko ng buo at walang pagdududa."
Pinagdikit ni Mama ang mga labi niya at saka niyakap ako ng mahigpit. "I'm sorry, anak kung nahihirapan ka ng ganito dahil sa naging desisyon namin ng Papa mo," paghingi niya ng paumanhin.
"Hindi mo kailangang mag-sorry, 'Ma dahil hindi ko pinagsisihang ikinasal ako kay Zandy. He's still the man I love at hindi iyon mababago dahil sa nangyari," paliwanag ko. "Ang pagdating ni Zandy ang magandang nangyari sa buhay ko, 'Ma at dahil iyon sa inyo," dagdag ko pa.
Bumitaw si Mama sa pagkakayakap sa akin. Marahan niyang hinimas ang ulo ko at ngumiti. "You've grown already at alam kong kaya mo nang i-handle ang mga desisyon na gagawin mo. Nandito lang kami ng Papa mo kung kailangan mo ng tulong. You're still the baby girl we have at hindi iyon magbabago kahit malaki ka na," masayang ani Mama.
Ngumiti ako. "Salamat, 'Ma. Alam kong nandiyan kayo palagi para sa akin." Muli ko siyang niyakap ng mahigpit. Iba pa rin kapag magulang ang nag-comfort sa iyo, nakakabawas ng bigat.
Sana lang hindi mapagod si Zandy na unawain ako sa naging desisyon ko. Na-realize ko ang mga bagay na nangyari at naintindihan kong hindi intensyon ni Zandy na saktan ako pero may mga bagay na hindi ko matanggap at nasaktan ako sa ginawa niya. Aayusin ko muna ang sarili ko hanggang mawala ang sakit at pagdududa ko sa pagmamahal na ibinigay niya sa akin pero hindi ibig sabihin niyon na isusuko ko na siya. Mahal ko si Zandy pero sa pagkakataong ito, kailangan ko 'tong gawin para sa aming dalawa.
BINABASA MO ANG
Her Unexpected Marriage [COMPLETED]
RomanceSabi nga nila mapaglaro ang tadhana, gagawa ito ng mga bagay na hindi mo inaasahan at iyon ang nangyari kay Miles Virgilio nang sabihin sa kaniya ng kaniyang mga magulang na ipakakasal siya ng mga ito sa lalaking hindi niya kilala. Natatakot kasi an...