LUANA: Ha? Hindi e.VANGIE: Ay, problema nga yan kung ganun. Pwede sana natin silang kontakin—
NEMO: (sisikuin si Vangie) Uy, anong kontakin? Ano ka ba? Nag-iisip ka ba? Narinig mo naman siguro yong sinabi ni Sir Randel kanina di ba? Paano kung mahuli ka niya? (kay Luana) Luana, pasensya na ha, pero di ka namin matutulungan tungkol diyan, alam mo naman...
LUANA: Naiintindihan ko.
VANGIE: Uy, ano ka rin ba? Sino bang nagsabi na ako yong gagawa?
NEMO: E sino?
VANGIE: Siyempre si Mamang! Sino pa nga ba?
CORA: Hay, tumigil na nga kayong dalawa diyan. (kay Luana) Sa ngayon, magpahinga ka na muna dito. Kakausapin ko si Randel.
LUANA: Talaga po? Maraming salamat po! (tuwang-tuwang yayakap kay Cora)
CORA: Walang anuman. Kaya wag ka nang iiyak ha. Alalahanin mo, yang mga mata mo.
LUANA: Opo. Opo.
CORA: Teka lang hija, may ibibigay pala ako sayo.
LUANA: Po?
Noon lang mapapansin ni Luana na may dala-dala itong maliit na kahon.
CORA: Ito. (ibibigay ang naturang kahon) Buksan mo.
Pagkabukas...
LUANA: (manlalaki ang mga mata nito) Oh my God! Ang bracelet ni mama!
CORA: Sayo ang porselas na yan, di ba?
LUANA: Opo. Bigay po to ng tunay kong nanay bago sila namatay sa isang aksidente.
VANGIE & NEMO: Tunay na nanay?
Tatango lang si Luana.
NEMO: Ibig sabihin...
LUANA: Oo, ganun na nga. Ampon lang ako. Actually, napulot lang ako ng Nanay Helen ko pagkatapos ng aksidente.
VANGIE & NEMO: Aksidente? Napulot?
VANGIE: Ibig sabihin, kasama ka nung maaksidente ang mama mo?
LUANA: Vangie, pasensya na ha, pero ayoko munang pag-usapan yong tungkol dun sa ngayon. Masyado pang masakit lahat para dagdagan ko pa.
VANGIE: Sorry. Sige, balik na lang tayo diyan sa porselas na yan.
LUANA: Nawala ko to nung araw na una kaming nagkakilala ni Lander sa Del Royal. Akala ko, tuluyan ng nawala to. Yon pala—teka...ibig sabihin...
CORA: (mangingiting tatango) Siya nga ang nakapulot.
LUANA: At nagsinungaling siya sa kapatid ko.
CORA: Hindi daw niya binalik yan kasi, yan daw ang magsisilbing alaala mo sa kanya. Kaya itinago niya. Ibinilin niya yan na ibigay ko daw sayo sa oras na magkita na tayo.
Mapapatitig si Luana sa porselas at tila maiiyak ulit.
CORA: O, iiyak ka na naman e.
LUANA: Pasensya na po, di ko po kasi mapigilan e.
CORA: Alam ko na miss na miss mo na siya gaya namin.
LUANA: Kung pwede lang pong hilingin na magpakita siya, ginawa ko na po.
