HELEN: Mabuting tao si Randel gaya ng kapatid niya. At alam ko na ramdam mo yon pero di mo lang maamin dahil sa galit ka pa rin sa kanya. Nagkamali siya, oo. Pero, anak, nagsisisi na siya. At gusto na niya ng panibagong buhay kasama ka at ang magiging anak niyo.Patuloy lang sa pakikinig ang dalaga.
HELEN: Nung binanggit niya na papakasalan ka niya, di ako nagdalawang-isip at tumutol...hindi lang dahil buntis ka na kundi dahil alam ko na nasa mabuti kang kamay...kayo ng magiging apo ko.
LUANA: Ang bilis niyo naman po siyang napatawad at natanggap.
HELEN: Anak, wag ka sanang magalit.
LUANA: Hindi naman po ako galit. Yan po ang desisyon niyo kaya igagalang ko po yan.
HELEN: Ang totoo niyan, may konting kirot pa rin dahil sa panghihinayang ko sa mga panahong di ka namin nakasama ng kapatid mo. Pero alam ko na lilipas din to. Sana ikaw rin, anak. Sana palayain mo na yang puso mo sa galit...alang-alang sa magiging anak mo. Nakakapagod din ang magkimkim ng galit sa totoo lang. At isa pa, gusto mo bang lumaki ang apo ko na hindi kayo nagkakaayos ng ama niya? At ang mas masakit dun, baka isipin pa niya na bunga lang siya ng isang pagkakamali. Tandaan mo na sa mga mag-asawa, kung may hindi man magandang nangyayari sa kanila, pinakaapektado sa lahat ay ang mga anak.
Mananatiling tahimik lang ang dalaga.
HELEN: Anak, mahal na mahal kita at wala akong ibang hiniling simula nung mapunta ka sa akin kundi ang magkaroon ka ng magandang buhay at makahanap ng taong lubos na magmamahal sayo. Akala ko noon si Lander na yon...pero hindi pala. Pinahiram lang siya ng Diyos para matagpuan mo ang totoong nakatadhana sayo. At sa mga nangyari at nangyayari, naniniwala ako na si Randel yong taong yon. Kung...kung sadya nga na di mo siya magawang mahalin, mapatawad mo man lang sana siya.
Hindi pa rin iimik si Luana. Mapapayakap lang ito ng mas mahigpit sa ina. Wala namang magagawa pa si Helen kundi ang mapabuntong-hininga. Batid nito na hindi pa handa ang anak para patawarin si Randel.
Kinabukasan, habang busy lahat sa paghahanda...
RANDEL: Sila Luana?
MENCHIE: Umalis na po sila.
RANDEL: Anong umalis? Kelan?
VANGIE: Kanina po. Maaga po sila.
RANDEL: Ano?!
Darating si Cora.
CORA: Anak, easy ka lang. Hindi ka nila tinakbukhan o tinakasan, okay? Pumunta sila sa puntod ng kapatid mo. Kasama nila ang Tatay Poldo mo.
RANDEL: Po?
CORA: Kinausap ako ni Luana kaninang madaling araw na kung pwede nga daw e mabisita nila yong kapatid mo.
RANDEL: E ba't ngayon po? Marami pa naman pong ibang araw.
CORA: E sa iyon ang gusto niya e. Hayaan mo na.
RANDEL: Tapos hindi pa siya nagpaalam sa akin.
CORA: Anak, tulog ka pa kanina.
RANDEL: E di sana ginising niyo po ako.
CORA: Randel...
RANDEL: Sorry po. Nag-alala lang po kasi ako na baka...
CORA: Na baka ano? Baka takasan ka nila, ganun?
Hindi makakasagot ang binata.
CORA: Anak, tigilan mo na yang pagiging praning mo, okay? Ang mabuti pa, magpahinga ka na muna para mamaya lalo kang gumwapo sa oras ng kasal mo. At isa pa pa pala, on the way na daw sila Clarence, William at Judge Bringas.