Kadena 3

245 9 0
                                    

Limang taon ang nakalipas, ang mga badjao ay namumuhay ng may takot sa mga rebeldeng nasa paligid lamang nila.

Tuwing katapusan ng buwan nagpupunta ang mga ito sa tribo upang kunin ang ika-10 bahagi ng kanilang kita sa paghahanapbuhay.

Limang taon siyang nagluksa sa pagkawala ng kaniyang gurong si Johara, na itinuring niyang kaibigan at kapamilya na rin.

Nawalan na rin siya ng ganang mag aral kahit pa may ilang ipinadalang mga volunteer teachers sa kanilang lugar ng lokal na pamahalaan.

Ang ibang mga kasama nila sa bundok ay lumipat muli sa gilid ng dagat at nagtayo muli sila roon ng bankang bahay.

Kaya't nahati ang kanilang tribo sa dalawang grupo. Ang mga natira sa bundok ay natutong magtanim, mangaso at mangopra.

Ang mga nasa tabing dagat ay nagpatuloy sa pangingisda.

Inaruga siya ng kaniyang maliit na kwarto sa loob ng limang taon.

"Miyerkules ngayon apo, halika na at ibababa na natin sa bundok ang mga kamote sa pamilihan. Kailangan nating makatawid sa dagat nang mas maaga para makauwi rin tayo ng maaga.. " alok ng kaniyang Lolo.

Hindi siya umimik, nakatingin sa kawalan.

Malungkot na nagkatinginan ang dalawang matanda dahil sa palaging ganoon na lamang ang reaksyon ng kanilang apo.

Nangusap ang dalawa sa wikang badjao. Hindi maiwan ng dalawa kanilang apo mag isa sa bahay. Kaya't gaya ng dati, mag isang ibinababa ang Lolo nito ang sako sakong kamote sa bundok at tinatawid ang dagat makarating lamang sa pamilihan.

Doon itinitinda ng kaniyang Lolo ang mga naani niyang kamote. Kailangang mabantayan siya ng kaniyang Lola kaya't nagtiis ang mag asawa ng ganito para kay Maria.

Sa maliit na hapag, sinusubuan siya ng pagkain ng kaniyang Lola. Bigla na lamang tumulo ang luha niya. Pinunasan agad ito ng matanda.

Niyakap siya nito. Humagulgol ulit siya.

"bakit hindi mo pa tapusin ang paghihirap ng Lolo at Lola mo? Bakit mo pa pinatatagal Maria? " tinig ng isang lalaki na nasa tapat ng pinto ng kanilang dampa na ilang araw na ring nagpabalik balik sa kanilang dampa.

Napakunot noo siya dahil hindi niya ito kilala.

Nang makita ng lalaki ang reaksyon nito, nagpakilala na sya rito.

"ako nga pala si Sir Joel, volunteer teacher dito sa lugar ninyo. Nong nakaraang linggo pa ako dumating. Sabi nila ikaw ang marunong magtagalog rito kaya lagi akong nagpupunta rito para sana makausap ka at tulungan akong makapagturo rito.. Kaya lang sa ginagawa mo mukhang hindi mo ako matutulungan." sarkastikong sabi nito.

"a-ano ulit ang sinabi mo?" lakas loob niyang tanong.

Pumasok sa loob si Joel.
"Medyo marami akong nasabi alin doon?"

"y-yong una.. "

Napangiti ang kausap.
"yong pangalan ko ba? --ako si sir Joel"

Mabilis na kinontra ito ni Maria.
"hindi yan.. Yong una pa.. "

Nang maisip ng kausap ang gustong ipaulit nito sa kanya ay naupo ito sa tabi niya.
"ang sabi ko, mamamatay na ang dalawang matandang ito dahil sa inaarte mong ganyan. Nakita ko kasi kung paano ang Lolo't lola mo ay naghihirap sa kakatrabaho sa taniman ninyo, tapos araw araw na ibinababa ang naani sa bundok saka tatawirin ang dagat para ibenta ang mga ito sa pamilihan. Kuba na ang Lolo mo at mahina na rin, hindi ka ba naaawa sa kaniya?"

Napatingin siya sa kaniyang Lola na napakalungkot ang mga mata.

Nagsalita ito sa wikang badjao. May ilang mga salita siyang naunawaan.

KADENA_DE_AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon