Chapter II

6.8K 821 56
                                    

Chapter II: The Corpse on Top of the Treasure Pile

“Masyado silang marami. Sinasakop nila ang espasyo at pinaliligiran nila tayo,” sambit ni Poll habang alerto siyang nakamasid sa paligid. Mayroong libo-libong munting nilalang na nakapalibot sa kanila at halata sa bawat isa sa mga ito ang pagiging agresibo. Huminga siya ng malalim, hinawakan niya ng mabuti ang kaniyang sibat at nagpatuloy, “Pero, kailangan natin silang puksain para maipagpatuloy nina Eon ang pagwasak sa mga nakaharang na haligi.”

Matapos niya itong sambitin, umalingawngaw ang napakatinis na sigaw ng mga munting nilalang. Mas lalo silang naging agresibo at animo'y mababangis silang halimaw na magkakasamang sumugod sa pangkat nina Eon.

Lahat ay pinrotektahan sina Grogen, Eon, Loen, Leonel, at ang mga propesyonal. Binigyan nila ng espasyo sina Grogen upang payapang mawasak ng mga ito ang haliging nakaharang sa kanilang daraanan. Nahihirapan ang apat na ituon ang kanilang atensyon sa paggawa ng daan dahil may mga munting nilalang na lumilitaw sa mismong haligi na kanilang gustong wasakin. Nariyan sina Poll para sila ay protektahan, subalit dahil sa sobrang dami ng mga munting nilalang, hindi lahat ng mga ito ay kanilang napapatay.

Nagtatamo pa rin ng mga pinsala sina Grogen dahil hindi nila kayang protektahan ang kanilang sarili. Masyado silang abala sa paggamit sa kanilang Dragon's Might para mawasak ang haligi. Dahil dito, wala silang magawa kung hindi direktang tanggapin ang ilan sa mga pag-atake ng mga munting nilalang. Mayroong nagbibigay ng proteksyon sa kanila ngunit hindi ito sapat dahil may butas ang barrier. Hindi sila maaaring mabalutan ng barrier lalo na ang kanilang harapan dahil hindi nila magagawa ang pagwasak kung may nakaharang sa kanila.

Mabuti na lang dahil hindi ganoon ka-mapaminsala ang mga munting nilalang. Hindi masyadong malubha ang naidudulot na pinsala ng mga ito, pero sapat na ang panggugulong ginagawa nila para inisin sina Eon.

Makaraan ang ilang sandali, nagawa rin nina Eon na wasakin ang haligi. Halata sa ekspresyon ng apat ang matinding galit, at pagkatapos na pagkatapos nila sa kanilang pagwasak, agad nilang pinaslang ang mga munting nilalang na malapit sa kanila.

Pilit na ngumiti na lang si Poll matapos niyang masaksihan ang pangyayaring ito. Hindi niya masisisi sina Eon dahil sa totoo lang, maging siya ay nauubusan na rin ng pasensya sa rami ng munting nilalang na umaatake sa kanila. Mas lalo pang nadagdagan ang mga ito dahil noong mawasak ang haligi, dumagsa ang mga ito sa kanila at sabay-sabay na sumugod na animo'y kolonya ng mga bubuyog.

Bukod sa panggugulo ng mga munting nilalang, mayroon pang isang pinoproblema ang kanilang pangkat--ang napakataas na temperatura sa lugar na kanilang kinaroroonan. Sobrang init na sa puntong ang may mahihinang resistensya ay sobrang pinagpapawisan at naghahabol ng hininga. Kahit ang pagprotekta sa sarili gamit ang kanilang enerhiya ay hindi na ganoon kasapat kaya tinutulungan na sila ng iba nilang kasama.

Kakaibang-kakaiba ang init sa paligid. Hindi na ito maihahalintulad sa init ng isang pangkaraniwang bulkan, pero ang ibig lang sabihin nito para sa kanila ay nalalapit na silang makarating sa pinakamalalim na bahagi ng lugar na ito. May senyales na rin na malapit na sila sa lungga ng mga munting nilalang.

At matapos ang patuloy na pag-abante, habang pinupuksa pa rin ang mga magugulong munting nilalang, natigilan ang ilang nangunguna matapos nilang makita kung ano ang nasa kanilang harapan.

Sandaling huminto si Grogen sa pag-atake habang sina Loen at Leonel ay masugid siyang pinoprotektahan. Binibigyan siya ng dalawa ng daan at pinoprotektahan siya ng mga ito mula sa iba't ibang direksyon.

Matapos makaabante ng bahagya, huminto si Grogen sa paghakbang. Seryoso niyang pinagmasdan ang nasa kaniyang harapan at taimtim siyang nagwika, “Sa lugar na ito nabubuo ang pesteng nilalang. Ibig sabihin, ang kanilang pinagmulan ay walang iba kung hindi ang kumukulong putik. Kaya pala kakaiba ang kumukulong putik, napakayaman pala nito sa marahas na enerhiya.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon