Chapter LVIII: Varus
“Iniwan n'yo si Master sa tribong iyon kasama ang mga axvian? Naiisip n'yo ba kung ano ang maaaring mangyari kapag hinayaan ninyong mag-isa si Master kasama ang mga nilalang na iyon?!” inis na inis na tanong ni Eon kina Noah at Vella.
Kararating lang ng dalawa sa dalampasigan. At siyempre, ang unang hinanap ng mga miyembro ng New Order ay ang kanilang pinuno, si Finn. At noong mapagtanto ni Eon na hindi kasama nina Noah at Vella ang kaniyang master, agad siyang nakaramdam ng inis dahil iniwan ng dalawa ang kaniyang master sa tribo ng mga axvian. Sobra siyang nag-aalala kanina pa. Wala siya sa tabi nito para kung sakaling magkaroon ng aberya, makakagawa siya ng paraan para protektahan ito mula sa panganib.
Una pa lang ay tutol na siya sa pagsama ni Finn sa mga axvian nang hindi sila kasama. Wala lang siyang magawa dahil alam niyang tutuloy pa rin ito kahit anong pakiusap niya. At ngayon, si Kiden na lang ang kasama nito kaya hindi niya mapigilang mag-alala at magalit dahil sa isip niya, walang poprotekta sa kaniyang master kapag sinubukan ng mga axvian na pagtangkaan ang buhay nito.
Sa kabilang banda, pilit na ngumiti sina Noah at Vella. Hindi nila alam kung paano nila ipaliliwanag kay Eon na masyadong komplikado ang sitwasyon sa tribo ng mga axvian, ganoon man, kailangan pa rin nilang linawin na hindi nila intensyon na iwan sina Kiden at Finn sa lugar na iyon.
“Gusto naming manatili, pero hindi kami hahayaan ng mga axvian na manatili roon. Sina Pinunong Finn at Kapitan Kiden lang ang kanilang pinaiwan at sa tingin ko naman... hindi sila gagawa ng hakbang laban kina Pinunong Finn dahil kung talagang may masama silang balak, sa kabuong lakas ng kanilang tribo, hindi na nila kailangan pang umabot sa puntong ito,” paliwanag ni Noah.
Tumango-tango ai Vella. Kumalma ang kaniyang ekspresyon at malumanay siyang nagwika, “Tama si Bise Kapitan Noah, Eon. Sa tingin ko rin naman ay walang masamang gagawin ang mga axvian kina Pinuno. Kalahi pa rin nila si Kapitan Kiden, at mukhang mahalaga siya sa mga axvian kaya naniniwala akong ligtas sila roon.”
Suminghal si Eon. Sinimangutan niya ang dalawa at mariing sinabing, “Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa utak ng mga nilalang na iyon. Paano na lang kung bigla nilang maisipan na saktan si Master? Sino ang nasa tabi niya para pumrotekta sa kaniya? Hindi ko sinabing ligtas si Master kapag naroroon kayo o ako, pero kung naroroon ako, kahit papaano ay makakagawa ako ng paraan para patakasin siya gamit ang sarili kong buhay.”
Oo, alam ni Eon na hindi niya kailangang ibunton ang galit niya kina Noah at Vella. Walang may gusto sa nangyayari dahil kahit siya, alam niyang hindi rin siya maiiwan doon kung sakali. Sobra lang siyang naiinis sa sitwasyon dahil hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanila pagkatapos ng lahat ng ito. Nangangamba siyang baka malagay sa kapahamakan ang kaniyang master, at natatakot siya na baka wala man lang siyang magawa na siguradong pagsisisihan niya habang siya ay nabubuhay.
Nangibabaw ang katahimikan dahil sa mga sinabi ni Eon. Pare-pareho lang sila ng nararamdaman, pero wala rin silang magawa dahil hindi sila ganoon kalakas para panghimasukan ang teritoryo ng mga axvian. Mas lalo lang magiging komplikado kung magpupumilit sila, at baka malagay pa lalo sa panganib ang buhay nina Finn at Kiden kapag sinubukan nilang umalis kung saan lang sila maaaring manatili.
Samantala, bahagyang umiling si Meiyin. Bumaling siya sa direksyon kung saan matatagpuan ang tribo ng mga axvian. Naging taimtim ang kaniyang mga mata at malumanay siyang nagsalita. “Kilala natin si Kuya. Siguradong kagustuhan din niya na manatili roon kaya huwag mo nang sisihin sina Bise Kapitan Noah at Bise Kapitan Vella. Ipanalangin na lang natin ang kaligtasan nila roon dahil iyon lang ang magagawa natin sa ngayon,” aniya.
Suminghal muli si Eon. Hindi na siya tumugon at tuluyan na siyang umalis kung saan nagtitipon-tipon ang matataas na miyembro ng New Order.
Bumuntong-hininga si Poll. Hinawakan niya ang balikat ni Noah at malumanay na sinabing, “Hayaan n'yo na lang si Eon. Masakit siyang magsalita, pero alam naman natin na sadyang ganiyan lang talaga siya. Nag-aalala lang siya nang sobra kay Guro kaya ganiyan siya umasta.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
خيال (فانتازيا)Synopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...