Chapter L

4.9K 847 50
                                    

Chapter L: Fierce Battle in the Sky

Saksi ang lahat sa pag-a-anyong dragon ni Eon. Kalmado lang ang reaksyon nina Finn habang si Yotaro at ang mga minokawa ay hindi pa rin lubusang nakakabawi. Hindi sila gaanong namangha sa pag-a-anyong dragon ni Eon, bagkus, namangha at gulat na gulat pa rin ang bawat isa sa kanila dahil sa nasaksihan nilang pagtaas ng antas nito at ranggo. Ngayon lang nila nalaman na posible pang umangat ang antas at ranggo ng isang nilalang mula 9th Level Heavenly Supreme Rank patungo sa Abyssal Immortal Rank.

Imposible iyon para sa kanila dahil noon pa man, walang kayamanan o bagay na makapagpapataas ng antas at ranggo sa ganito kataas na antas. Heavenly Supreme Rank na ang usapan dito, hindi mabababang ranggo kagaya ng Heaven Rank o mas mababa pang ranggo.

Bukod pa roon, isa lang din ang kilala nilang lahi na may kakayahan na maihahalintulad sa ginawa ni Eon--ang mga axvian. Ganoon man, mayroon pa rin silang napansing kaibahan sa pagitan ng dalawang kakayahan. Naramdaman nila ang apat na magkakaibang kapangyarihan sa formation na ginamit ni Eon, at iyon na marahil ang sinasabi sa kanila ni Finn na kapangyarihan ng Azure Dragon, Vermilion Bird, Black Tortoise, at White Tiger. Nagsama-sama ang kapangyarihan ng apat na divine beast para tapikin ang potensyal ni Eon habang ang kakayahan ng mga axvian ay likas na sa kanila. Napapagana nila ito sa pamamagitan ng kanilang emosyon, at natural na nila itong kakayahan na minana nila sa kanilang sinasambang diyos--ang Rage God.

Samantala, nang makabawi si Yotaro, umarko ang kaniyang labi at pumorma ito ng isang makahulugang ngiti. Bumakas ang tuwa sa kaniyang mukha at marahan niyang sinabing, “Puwede na.”

Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang ito, sinimulan niya na rin ang pagbabagong-anyo. Tinubuan siya ng mga balahibo't palpak. Nagkaroon siya ng tuka at ang kaniyang mga daliri sa paa ay naging matatalim na kuko. Dahan-dahang lumapad ang kaniyang kabuoan, at makaraan lang ang ilang sandali, tuluyan niya nang naging kasing laki si Eon.

CHIRRRRRP!!!

ROAR!!!

Sabay na umatungal sina Eon at Yotaro. Sabay rin silang naglabas ng marahas na aura. Sandali silang nagtunggalian at malinaw na makikita ang malaking kalamangan ni Yotaro sa tunggalian. Ganoon man, labanan pa lang ito ng mga aura, at hindi pa lubusang nagsisimula ang totoong laban sa pagitan nila.

BANG!!!

ROAR!!!

Matapos umalingawngaw ang sumabog ang nagbabanggaang aura ng dalawa, muling umatungal si Eon at walang pasubali siyang sumugod kay Yotaro. Ipinagaspas niya ang kaniyang pakpak at ginamit niya ang malaki niyang katawan para banggain ang katawan nito.

BANG!!!

Dahil sa banggaan ng dalawang naglalakihang katawan ng halimaw, kumalat ang napakalakas na hangin sa paligid. Nagkaroon din ng pagyanig at nadagdagan pa ang mga bitak sa lupa.

Nagtunggalian ang dalawa ng pisikal na lakas sa pamamagitan ng pagbabanggaan ng kanilang mga katawan. Ginagamit din nila ang kanilang mga kuko, pakpak, tuka, pangil, at buntot sa pag-atake. Mararahas ang kanilang bawat pinakakawalan. Sunod-sunod ang pag-alingawngaw ng pagsabog sa paligid at mahahalata sa sagupaan ng dalawa na hindi sila nagpipigil ng kanilang mga lakas.

Simula pa lang, subalit napakainit na ng kanilang sagupaan. Walang sinoman sa dalawa ang nais magpalamang at kahit na minsang may tumitilapon, agad silang bumabawi sa pamamagitan ng pagbibitaw ng mas malakas na atake.

BANG! BANG!! BANG!!!

ROAR!!!

SKREEEE!!!

--

“Totoo nga talaga,” pabulong na sambit ni Muriel habang nakatingala niyang pinanonood ang nangyayaring duwelo sa pagitan nina Yotaro at Eon. Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin at mariing sinabing, “Mayroon nga talaga silang pag-aaring bagay na nakakapagpataas ng antas at ranggo, at hindi lang iyon, nararamdaman kong lubusan lang nahasa ang bilis, pisikal lakas, at depensa ng Eon na iyon. Ang pisikal na lakas at depensa ng niya ay higit kaysa sa taglay ni Yotaro. Bukod pa roon, higit siyang mas may karanasan sa pakikipaglaban, at mahahalata iyon sa pagkapulido ng kaniyang mga atake.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon