Chapter CXLV: Indomitable
Tama. Ang rason kung bakit hindi pa gumagamit ang karamihan sa mga water celestial ng Celestial Wrath ay dahil iyon ang instruksyon sa kanila ni Finn. Hindi rin nila maaaring gamitin ang kanilang mga natutunang water celestial skill nang wala ang instruksyon nito kaya wala silang nagawa kung hindi ang magpahinga noong napagod na sila at naubusan ng enerhiya.
Noong una ay ipinagtaka ng mga water celestial kung bakit ito ang instruksyon sa kanila ng kanilang pinuno. Hindi nila maintindihan kung bakit bawal nilang gamitin ang kanilang natutunang water celestial skill ganoong kaya nila iyon pinag-aralan at hinasa ay upang magamit laban sa mga kalaban.
Ganoon man, matapos marinig ang rason ni Finn, hindi na sila nagtanong pa dahil agad nilang naunawaan kung bakit ganoon ang naging instruksyon sa kanila.
Ang rason ni Finn ay dahil ayaw niyang maghinala ang iba tungkol sa kaniyang pagiging Water Celestial King. Hangga't maaari ay gusto niyang itago ang tungkol dito habang nasa Land of Origins pa rin sila. Maraming celestial ang nasa paligid. Marahil hindi alam ng mga celestial sa divine realm na may kakayahang matuto ang mga pangkaraniwang celestial ng mga celestial skill mula sa kanilang hari o reyna. Pero, hindi lang mga celestial sa divine realm ang kasalukuyang naririto--naririto rin ang mga celestial ng Land of Origins.
Alam niyang nasa paligid lang ang mga ice celestial na nanumpa ng katapatan kay Aneira, at ang mga ice celestial na ito ay alam na mayroong kakayahan ang bawat celestial na matuto ng celestial skill mula sa kanilang hari o reyna.
Kapag gumamit ang espesyal na dibisyon ng Heavenly Celestial Spear o Heavenly Celestial Fist, maghihinala ang mga ice celestial sa totoong pagkatao niya, at maaaring ito ang maging dahilan ng pagkakalantad niya. Ganoon man, siniguro niya pa rin sa mga miyembro ng espesyal na dibisyon na kapag wala na siyang pagpipilian, hahayaan niya na ang mga ito na gumamit ng mga water celestial skill.
Dahil kapag dumating ang sandaling iyon, ipapaalam niya na rin sa buong sanlibutan na siya, si Finn, ang kasalukuyang Water Celestial King.
--
Bahagyang umatras si Finn upang makatabi niya si Faino na kasalukuyan nang naghahabol ng hininga. Sinulyapan niya ito. Wala pa itong gaanong pinsala sa katawan, subalit ramdam niyang nalalapit na rin nitong maabot ang kaniyang limitasyon. Ito ang pinakamabilis kumonsumo ng enerhiya sa kanilang lahat dahil ito ang gumagawa ng paraan para mabigyan sila ng pagkakataon na maatake ang Evil Jinn.
Gumagamit ito ng iba't ibang kapangyarihan, at dahil bawat isa sa mga kapangyarihan na iyon ay nakakayang madepensahan ang mga atake ng Evil Jinn, ang kinakailangang enerhiya ng mga iyon ay hindi basta-basta.
Isa nang himala na hanggang ngayon ay nakakakilos pa si Faino kahit na ilang malalakas na skill na ang kaniyang pinakawalan.
Nakaramdam ng pagkabahala si Finn dahil sa kondisyon ni Faino. Ito na lang ang kaniyang maaasahan ngayon, at kung maging ito ay mawawala, mas mahihirapan sila na dumepensa laban sa Evil Jinn. Huminga siya ng malalim at seryoso niya itong tinanong. “Kaya mo pa? Kung kailangan mong magpahinga, gagawa ako--”
“Bago mo alalahanin ang iba, alalahanin mo muna ang sarili mo. Hindi gayon kalayo ang kondisyon mo sa akin,” malamig na sabi ni Faino bago pa matapos si Finn sa pagsasalita. “Kung hindi lang sana nalilimitahan ang kapangyarihan ko, mas tatagal pa sana ako sa labang ito,” aniya at pinanggigilan niya ang kaniyang ngipin.
Bumuntong-hininga si Finn. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at pabulong na sinabing, “Paumanhin. Ako ang dahilan kaya nalilimitahan ang totoo mong kapangyarihan. Huwag kang mag-alala, pagkatapos ng huling hamon, pipilitin kong maabot ang Demigod Rank para hindi na ako maging dahilan ng pagkalimita sa iyong kapangyarihan.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...