Chapter CLXII: Arrival of Esteemed Guests
Lahat ng nasa bulwagan ay hindi lang nagulat dahil sa pagbabalik ni Lucius sa katinuan, bagkus, mas nabigla sila sa mga binitawang salita nito. Ibinunyag nito ang kaniyang pagkatao sa lahat ng naroroon, at kung noon ay hindi malinaw sa karamihan ng mga taga-Land of Origins kung sino siya, ngayon ay nakumpirma na nila.
“Siya... anak siya ng Elemental God?! Ibig bang sabihin ay isa siyang totoong diyos?!” hindi makapaniwalang tanong ni Adlaros. “Ako, si Adlaros Garthon, ay hindi inaasahan ang pangyayaring ito... Sino'ng mag-aakala na siya ay ang anak ng Elemental God? Kung gayon, naiintindihan ko na ngayon kung bakit puwersahan niyang sinisira ang ating formation sa galerya, at kung bakit hindi siya pinipigilan ng mga Creation Warden. Lagi niyang pinagmamasdan ang retaso ng kapangyarihan ng kaniyang ama, subalit kahit kailan ay hindi niya iyon pinakialaman.”
Hindi na sila nagtataka ngayon kung bakit napakalakas ni Lucius at kung bakit tila ba isa itong imortal dahil kahit ito ay napakatagal nang nabubuhay, hindi ito tumatanda at namamatay. Anak ito ng isang diyos, ng isa sa pinakamalakas na diyos--ang Elemental God!
At dahil na rin sa mga narinig nina Caesia, napagtanto nila na may dahilan kung bakit palaging bumibisita sa kanilang galerya si Lucius.
Sandali itong nananatili sa kanilang galerya ng mga kayamanan para pagmasdan ang retaso ng kapangyarihan ng Elemental God. Puwersahan pa nitong winawasak ang gawa nilang formation. At ayon sa kasaysayan ng kanilang palasyo, mayroong rason kung bakit hindi ito pinipigilan ng mga Creation Warden. Ganoon man, hindi malinaw kung ano ang rason na iyon dahil noong tinanong nila ang mga nakaraang pinuno, wala ring maibigay na sagot ang mga ito sa kanila.
Sinabi lang nila na ayon sa mga Creation Warden, espesyal ang pagkatao ni Lucius at hindi ito kailangang pakialaman dahil hindi ito gagawa ng gulo basta hindi ito gagambalain o aatakihin.
Samantala...
Malaking pagbabago ng reaksyon ang naganap kina Keegan, Haco, at Solaris. Bakas na bakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kanilang mukha habang nakatitig sila kay Lucius. Wala rin silang alam tungkol sa pagkatao nito, subalit kagaya ng ginagawa nito sa Creation Palace, bumibisita rin ito sa kanilang teritoryo para pagmasdan ang retaso ng kapangyarihan ng Elemental God.
Nakatala sa kanilang kasaysayan na sinubukan ng kanilang mga ninuno na atakihin ito dahil sa panghihimasok nito, subalit muntik nang humantong sa pagkawasak ang kanilang tribo dahil dito. Pagkatapos noon, hindi na kailanman nakialam ang mga magmanian sa tuwing nanghihimasok si Lucius sa kanilang teritoryo at hinahayaan na lang nila ito na pagmasdan ang retaso ng kapangyarihan ng Elemental God na kanilang kinamkam.
“Anak ka ng Elemental God..? Pero, matagal nang nalipol ang mga diyos! P-Paanong--”
Hindi natapos sa pagsasalita si Solaris dahil bigla na lamang lumitaw sa kaniyang harapan si Lucius. Naglalabas ito ng napakabigat na aura, at itinutuon nito ang puwersa ng kaniyang aura sa mga magmanian.
Napakabigat ng aura ni Lucius sa puntong kahit mga Demigod Rank ang mga magmanian ay napapayuko pa rin sila ng bahagya. Nahihirapan silang huminga dahil para bang numinipis ang hangin sa kanilang paligid, at malinaw nilang nararamdaman na kung tindi ng aura ang pag-uusapan, mamumutla ang kanila kung ikukumpara rito.
At ang dahilan? Dahil hindi isang Chaos Demigod Rank si Lucius. Mas mataas pa rito ang kaniyang antas at ranggo at iyon ang malinaw sa kanilang tatlo.
“Hindi lahat ng diyos ay nalipol. Mayroon pang isang diyos na natitira sa mundong ito, subalit hindi iyon ang paksa rito. Ang paksa rito ay ang inyong kapangahasan. At para maliwanagan kayo, hindi ako isang aktuwal na diyos--ako ay kalahating diyos dahil ang aking ina ay isang mortal,” mariing sabi ni Lucius.
![](https://img.wattpad.com/cover/357647774-288-k824683.jpg)
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
Viễn tưởngSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...