Chapter CLIV: Indebted
Pinag-aralan ng Genie ang determinadong ekspresyon ni Finn. Nanatili ang kaniyang malapad na ngiti at pagkatapos ng ilang sandali, mapaglaro siyang nagwika. “Sa totoo lang ay gusto sana kitang bigyan ng ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa Shadow God, subalit labas na iyon sa aking kakayahan. Kahit na gusto kitang tulungan, hindi puwede dahil ako ay alagad ng kalangitan at hindi ako maaaring makialam ng sobra sa mga makamundong bagay.”
“Gayunpaman, maaari ka pa ring mangalap ng mahahalagang impormasyon sa mga mamamayan ng mundong ito na nanumpa sa iyo ng katapatan. At kung gusto mo, posible mo ring hingin ang tulong ng mga kakilala mong mamamayan ng mundong ito na nabubuhay na noong panahon pa ng mga diyos. Isang dating diyos ang iyong kahaharapin kaya kailangan ay handang-handa ka at alam na alam mo kung ano ang mga kakayahan niya,” paalala niya pa.
“Isa lang siyang reinkarnasyon ng diyos; hindi na aktuwal na diyos. Wala na sa kaniya ang orihinal niyang kapangyarihan at hindi na iyon mapapabalik pa sa kaniya dahil isa na lang siyang adventurer ngayon. Ang nilalang na isinilang na adventurer ay hindi maaaring maging diyos, hindi ba? Ang diyos ay natural na nilikha ng kalangitan kaya hindi ako naniniwalang magiging isa ulit siyang diyos,” tugon ni Finn. “At kahit pa isa siyang aktuwal na diyos, kung hangad niya ang aking kamatayan, hindi ako matatakot na lumaban. Kung napapatay ang isang diyos, siguradong may paraan para mapatay ang isang kagaya niya,” kumpyansang sabi niya pa.
Humalakhak ang Genie dahil sa sinabi ni Finn. Halatang libang na libang siya rito at hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na puriin ito.
“Ang iyong matinding determinasyon at mataas na kumpyansa ay talagang kahanga-hanga. Kung hindi kita kilala, o kung hindi ko aktuwal na naranasan kung gaano ka ka-disidido kapag mayroon kang gustong makamit, pagtatawanan lang kita at iisipin kong nahihibang ka na. Gayunpaman, kilala kita at alam ko ang kaya mong gawin kaya naniniwala ako na darating ang sandali na matatalo mo ang reinkarnasyon ng Shadow God,” sabi pa ng Genie.
Matapos niya itong sabihin, tila ba mayroong kung anong pumasok sa isip niya. Sandaling nawala ang ngiti niya, subalit agad din itong bumalik at muli siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “Oras na. Sa pagkakataong ito, kailangan ko na talagang umalis. Hindi na ako maaaring magtagal pa rito dahil ibinigay na sa akin ang hudyat. Kailangan ko na lang i-anunsyo sa lahat ang tungkol sa katapusan ng huling hamon. Ipapaalam ko na rin sa inyong mga tagalabas na hindi na kayo maaari pang magtagal dito at kakailanganin n'yo nang lumisan sa lalong madaling panahon.”
Bahagyang tumango si Finn. Binalingan niya ng tingin ang Genie at matamis niya itong nginitian. “Babalik na rin ako sa aking mga kasama. Maraming salamat sa pagtupad mo sa aking mga kahilingan, at aasahan ko ang ikatlong pabuya ng kalangitan kapag kami'y lumisan.”
Humalakhak muli ang Genie. Binigyan niya ng makahulugang tingin si Finn at matapos niyang humalakhak, malapad siyang ngumiti at ibinuka niya ang kaniyang mga braso.
“Siguradong matutuwa ka sa pabuyang iyon dahil isa iyong malaking surpresa sa iyo at sa lahat ng nilalang sa inyong mundo,” tugon ng Genie habang nagtataas-baba ang kaniyang kilay. Inalis niya na ng tuluyan ang Sound Concealing Skill at pagkatapos, unti-unting lumaki ang kaniyang pigura.
Sa kabilang banda, lumipad na si Finn palayo sa Genie. Kaagad siyang nagtungo sa kinaroroonan ng mga miyembro ng New Order. Sinalubong siya nina Eon at samu't saring tanong agad ang ibinungad sa kaniya ng mga ito. Ganoon man, hindi niya sinagot ang kanilang mga tanong, bagkus, sinabi niyang sasagutin niya lang ang mga iyon kapag nakabalik na silang lahat sa santuwaryo.
Sa ngayon, sinabihan niya muna ang mga ito na makinig sa mahalagang i-a-anunsyo ng Genie.
--
“Pagbati sa lahat ng nilalang na kasalukuyang naririto sa mundo ng pinagmulan!” Masiglang pagbati ng Genie matapos niyang lumaki na kasing laki ng Evil Jinn. Ibinukas niya pa ang kaniyang mga kamay at pagkatapos, nagpatuloy siya sa kaniyang pagsasalita. “Tapos na ang huling hamon, at nasaksihan ng bawat isang naririto sa mundong ito kung ano ang mga naganap kaya hindi ako magsasayang pa ng oras sa pag-iisa-isa sa inyo kung ano ang mga nangyari. Kung ano ang inyong mga nakita't nasaksihan, iyon na iyon. Si Finn Silva ang pinili ng kalangitan kaya siya ang pinabuyaan ng dalawang hiling, gayunpaman, magkakamit din siya ng isa pang pambihirang pabuya, pero isa iyong malaking surpresa at malalaman n'yo na lang iyon pagbalik ninyo sa inyong mundo.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasíaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...