Chapter CXIX: Probably the First in the History
Sa isang palapag sa Tower of Ascension kung saan namamalagi ang ikatlong dibisyon, kapansin-pansin na kasalukuyang nagkakaroon ng pag-uusap sa pagitan nina Ceerae at ng clone ni Firuzeh. Magkaharap ang dalawa at kitang-kita na seryoso ang kanilang pinag-uusapan dahil parehong taimtim ang kanilang ekspresyon habang nagbibitaw sila ng mga salita.
“Tinanggihan mo ang alok ni Finn na maging isa sa kaniyang mga heneral? Alam mo ba kung gaano kalaking oportunidad ang sinayang mo?” buntong-hiningang tanong ni Firuzeh kay Ceerae.
“Alam na alam ko iyon. Agad niyang tinanggap ang aking pagtanggi kaya wala akong nakikitang masama roon. Nakikita kong isa ako sa kaniyang mga pinagpipilian, at mayroon pa siyang naiisip na ibang kandidato kaya ayos lang kahit tumanggi ako sa alok niya. Sinubukan niya rin akong alukin na maging isa sa mga kapitan, pero tinanggihan ko rin iyon,” taimtim na paliwanag ni Ceerae.
“Bakit? Gusto mo bang maging pangkaraniwang miyembro lang ng ikatlong dibisyon?” halata sa mukha ni Firuzeh na nahihiwagaan siya sa mga desisyon ni Ceerae. Hindi niya lubos na maunawaan kung bakit ito tumatanggi sa napakagandang oportunidad ganoong sa pagkakaalam niya, mataas din ang ambisyon nito at gusto nitong maging mas malakas.
“Alam ko ang ginagawa ko. At huwag kang mag-alala dahil hindi ko nais na maging pangkaraniwang miyembro na lang ng New Order. Hiniling ko sa kaniya na maging isa rin akong espesyal na miyembro kagaya ng iba, at pinagbigyan niya ang aking hiling kaya sa magaganap na repormasyon, hindi na ako magiging kabilang ng kahit anong dibisyon at malaya na ako mula sa iba maliban sa kaniya at sa mga heneral,” ani Ceerae.
Sumeryoso pa lalo ang ekspresyon ni Firuzeh. Taimtim na mga mata niyang tiningnan si Ceerae at para bang nagbibigay siya ng babala sa paraan niya ng pagtingin.
“Hindi ko pa rin maintindihan kung ano ang pinaplano mo. Balak mo bang kumilos nang ikaw lamang? Dapat mong malaman na simula nang sumali ka sa New Order, ang iyong kalayaan ay nasa kamay na ni Finn. Hindi ka maaaring kumalas sa kaniya hangga't hindi niya sinasabi, at kapag mayroon kang ginawang bagay na salungat sa kaniya o sa New Order, marami kang makakalaban,” mariing saad niya.
“Hindi mo na kailangang ipaalala ang tungkol sa bagay na iyan dahil hindi ko balak pagtrayduran ang nilalang na naging dahilan ng aking sobrang pag-unlad,” seryosong tugon ni Ceerae. “Mas lalo pa akong humusay bilang formation master dahil sa rami ng mga bagong formation na aking natutunan. Nabuksan pa lalo ang aking mga mata sa mga bagay-bagay, at hindi ko itatangging isa siya sa mga dahilan kung bakit ko naabot ang Demigod Rank.”
“Nagbitiw ako ng salita na tutulungan ko siyang maging pinakamalakas sa buong sanlibutan, at nangako ako na sasamahan ko siya sa pagpuksa sa mga diyablo. Hindi ko babawiin ang mga binitawan kong salita, at kahit naman hindi ako heneral o kapitan, matutulungan ko pa rin siya dahil handa akong sundin kung anoman ang mga ipag-uutos niya.”
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nina Firuzeh at Ceerae. Matagal silang nagtitigan, at makaraan ang ilan pang sandali, umarko ang mga labi ni Firuzeh at binigyan niya si Ceerae ng bahagyang ngiti.
“Mabuti kung gayon,” saad niya. “Kailangan ni Finn ng mga makakasama, kailangan namin ng malalakas at tapat na kakampi sa labang ito kaya ang pagdagdag mo ay malaking tulong.”
Matapos niya itong sabihin, napahinga na lang siya ng malalim. Mas lalong lumaki ang ngiti sa kaniyang mga labi at nagpatuloy siya sa pagsasalita.
“Napakasuwerte ko para masaksihan ang pagsisimula at pag-usbong ng New Order. Naroroon ako noong nagsisimula pa lamang sila, noong napakahina at kakaunti pa lang sila. Wala pang isang siglo ang lumilipas, pero ngayon... mula sa puwersang halos kasing lakas lang ng mga puwersa sa middle realm, ang puwersang ito ngayon ay puwersang maihahanay na sa malalakas na puwersa sa divine realm. Isa itong kasaysayan. Siguradong ang New Order ang pinakauna sa kasaysayan na ganito kabilis kung umunlad, at ang lahat ng iyon ay dahil kay Finn at sa kaniyang mga kayamanan,” hayag niya habang nakatulala sa kawalan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...