Chapter XCII: Cooking War! (Part 1)
“Pustahan?” nakasimangot na tanong ni Juego. Itinarak niya ang hawak niyang kutsilyo sa kaniyang lamesa at matalim niyang tiningnan si Finn sa mga mata. “Bakit kailangan kong makipagpustahan sa iyo? Paano ako magbebenepisyo roon? Wala akong mapapala sa pakikipagpustahan sa iyo. Kahit hindi ko pa nakikita, ayoko sa mga bagay na mayroon ka. Wala akong pakialam sa mga kayamanan mo dahil kontento na ako sa buhay ko rito. Nakukuha ko ang gusto ko rito at nabibigyan ko ng kasiyahan ang mga tumatangkilik sa luto ko.”
Bilang isang taong soul chef na walang pakialam sa pakikipagsapalaran, si Juego ay wala nang pakialam sa ibang bagay. Tanging pagluluto lang ang kaniyang pinagkakainteresan. Hindi siya umaalis sa Heavenly Gourmet Island at halos buong buhay niya ay naririto siya't nagseserbisyo sa mga tanyag at makapangyarihang panauhin. Hindi siya nagsasanay, ganoon man, dahil sa kaniyang katandaan at dahil na rin sa pagkain niya ng kung anu-anong kayamanan, nagawa niyang maabot ang ranggong Heavenly Knight Rank.
Napakababa nito para sa isang pangkaraniwang matandang adventurer, pero mataas na ang ganitong ranggo para sa isang gaya ni Juego na kailanman ay hindi nagsanay bilang adventurer.
Samantala...
“Ang iyong pananaw pagdating sa ganiyang bagay ay maganda. Maganda na bilang isang soul chef, ang hangad mo ay mapasaya ang mga tumatangkilik sa iyong lutuin. Gano'n man, sigurado ka bang ayaw mo sa mga kayamanan na mayroon ako?” makahulugang tanong ni Finn. Mayroon siyang inilabas na bagay sa kaniyang interspatial ring. Ipinakita niya ito kay Juego at makahulugang nagpatuloy sa pagtatanong. “Kahit pa ang bagay na ito?”
Napakunot ang noo ni Juego matapos makita ang bagay na inilabas ni Finn. Suminghal siya at nanghahamak na nagtanong, “Isang kristal na sisidlan? Ano namang mayroon diyan? Inaasahan mo bang maaakit mo ako dahil sa isang kristal na sisidlan?”
Tumawa si Finn at inalog-alog niya ang sisidlan na kaniyang hawak. Nagkibit-balikat pa siya at malumanay na sinabing, “Narinig mo na ba ang tungkol sa kayamanang tinatawag na Redmond Crystal, Master Chef Juego?”
Halos lahat, kabilang na si Juego ay nagulantang nang mabanggit ni Finn ang tungkol sa kayamanang tinatawag na Redmond Crystal. Karamihan sa mga naroroon ay adventurer o propesyonal na may alam sa mga pambihirang kayamanan na umiiral sa mundo, at siyempre, malinaw sa kanila kung ano ang Redmond Crystal.
Isa itong natatanging kayamanan na gustong-gustong mapasakamay ng mga propesyonal dahil sa mga pambihira nitong gamit. Isang pangarap na nakamit kung magkakaroon ang isang nilalang ng ganitong uri ng kayamanan. Kapaki-pakinabang ito sa alchemy, pagpapanday, pagbuo ng inscription, at pagbuo ng formation. Bukod pa roon, nagagamit din ang Redmond Crystal sa pagluluto dahil sa kakayahan nitong pataasin ang kalidad ng isang likido sa paglipas ng panahon.
Nang makita ang reaksyon ni Juego, pasimpleng ngumiti si Finn. Nakuha niya ang interes nito kaya sigurado siyang magiging madali na lang ang mga susunod na kaganapan.
“Ang hawak kong ito ay pinurong Redmond Crystal na hinulma bilang sisidlan. Gusto kong makipagpustahan sa iyo gamit ang kayamanang ito, at kapag nanalo ka sa iyo na ito,” panimula ni Finn. “Bukod pa roon, hindi ko na palalakihin ang gulo at kalilimutan ko na ang pagtutok mo sa akin ng iyong kutsilyo. Aalis din kami sa islang ito nang wala nang sinasabi. Pero kapag natalo ka, mananahimik ka na at hahayaan mo na kaming maglibang dito. Kailangan mo ring humingi ng paumanhin sa ginawa mong panghahamak sa amin. Patas na pustahan, hindi ba?”
Pilit na huminahon si Juego. Inintindi niya ang iminumungkahing pustahan ni Finn, at habang malalim siyang nag-iisip, ang kaniyang atensyon ay nakatuon sa sisidlan na nasa kamay nito. Makikita sa kaniyang mga mata ang paghahangad, pero pinigilan niya ang kaniyang sarili dahil ayaw niyang isipin ng iba ang kaniyang pagiging ganid sa kayamanan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...