Chapter CLXIV: It Was All Worth It (Part 1)
Para sa mga mayaman sa kaalaman sa kasaysayan, kayamanan, at mga diyos na umiral sa Land of Origins, pamilyar sila sa batong iniaabot ni Voraan kay Finn. Hindi nila naririnig ang usapan. Hindi nila narinig kung ano ang mga salitang sinambit ni Elvira, subalit malakas ang kutob nila na ang kakaibang bato na gustong iregalo ng pinuno ng mga ankur kay Finn ay ang Stone of Life--ang isa sa mga divine artifact ng Life God.
Kilalang-kilala ang Life God sa Land of Origins dahil isa ito sa pinakasinasambang diyos. Kilala rin ang mga pag-aari nitong divine artifact kaya hindi na nakapagtatakang may mga tala at impormasyon pa rin patungkol sa mga ito kahit na napakahabang panahon na mula noong huli itong lumantad sa kanilang mundo.
At dahil isa itong divine artifact, nagsimula ito ng matinding diskusyon sa pagitan ng mga panauhin.
Hindi lang sampung Fruit of Life ang gustong iregalo ng mga ankur kay Finn, nais pang ibigay ng mga ito rito ang divine artifact ng sinasamba nilang diyos!
Siyempre ay magugulantang ang lahat dito dahil isa itong divine artifact--ang kayamanang pinag-aagawan at pinag-uugatan ng away ng mga diyos at adventurer. Ganoon man, para bang balewala lang itong ibinibigay ng mga ankur kay Finn kaya hindi mapigilan ng iba na maiinggit.
Sa pagkakaalam ng mga panauhin ay mayroon nang tatlong divine artifact si Finn. At ngayon, madaragdagan pa ito ng isa. Inggit na inggit na sila, subalit wala silang magawa kung hindi ang makaramdam lang ng inggit dahil ang mga kayamanan na iyon ay hinding-hindi mapapa sa kanila.
Kung gagawa sila ng gulo para nakawin ang mga divine artifact ni Finn, bukod sa hindi sila magtatagumpay, siguradong hindi rin sila makakalabas ng buhay sa isla dahil sa rami ng naroroon na tauhan at kakampi nito. Isa pa, naparito sila para makisaya sa piging kaya kailangan nilang pigilan ang kanilang pagkagahaman.
--
“Talaga bang ibibigay ninyo sa akin ang divine artifact na iyan..?” tanong ni Finn habang mababakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kaniyang mukha.
Nakatitig siya sa batong lumulutang sa palad ni Voraan. Narinig niya ang sinabi ni Elvira, at naramdaman niya rin ang pamilyar na aura na nagmumula rito. Nalaman niyang tinatawag ang batong iyon bilang Stone of Life, at malinaw niyang nararamdaman na isa iyong divine artifact, ganoon man, hindi niya alam kung ano ang kakayahan nito.
“Ang Stone of Life ay pagmamay-ari mo na ngayon, Finn Silva. Kasama ang sampung Fruit of Life, ibinibigay na ng aming tribo ito sa iyo bilang pagnataw namin ng utang na loob sa ginawa mong pagpapalaya sa amin mula sa sumpa ng kalangitan. Inaasahan namin na ikaw lang ang gagamit nito, at hangga't ikaw ay nabubuhay, hindi mo ito maaaring ibigay sa iba dahil ikaw lang ang tanging mapagkakatiwalaan namin na gagamit nang tama sa divine artifact na ito. Huwag mo itong hahayaang mapunta sa kamay ng iba dahil ayaw naming madungisan ng kahit anong kasamaan ang kayamanan ng aming diyos,” seryosong sabi ni Voraan at dahan-dahan niyang pinalutang ang bato patungo kay Finn.
Inilahad ni Finn ang kaniyang palad, at nang tuluyan niyang mahawakan ang bato, bigla na lamang itong naglabas ng nakasisilaw na liwanag. Bigla na lang din itong naglaho at nagulantang ang karamihan matapos masaksihan ang pangyayaring ito.
“Tinanggap kaagad ng Stone of Life si Finn Silva bilang amo..? Ang pangyayaring ito...” napahinga ng malalim si Elvira at napatulala na lang siya kay Finn. “Talagang makasaysayan ka. Dumampi lang sa iyong balat ang isang divine artifact, subalit tinanggap ka na agad noon nang buong-buo.”
Kahit sina Voraan, Khais, at Dionne ay nabigla sa pangyayaring iyon, ganoon man, kaagad silang nakabawi at mas lumalim pa ang kanilang tingin kay Finn.
“Tamang desisyon lang na ibigay sa iyo ang Stone of Life. Napaka espesyal mo dahil hindi man lamang nag-alinlangan sa iyo ang divine artifact ng aming diyos,” mahinahong sabi ni Voraan. “Ingatan mo ang Stone of Life, Finn Silva. Simple lang ang kakayahan ng divine artifact na iyan, subalit mapakikinabangan mo iyan sa lahat ng pagkakataon.”

BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasíaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...