Chapter XXXVI

4.9K 888 69
                                    

Chapter XXXVI: Assembled

Matapos mapag-alaman ni Finn na nakarating na rin ang pangkat nina Eon sa libingan, sinabihan niya si Auberon, ang mga kapitan, at bise kapitan ng Divisions of Imperial Armies na hindi nila kailangang magmadali. Plano niyang bagalan ang kanilang paglalakbay dahil gusto niyang makahabol sa kanila sina Eon, Meiyin, Poll, at ang mga kasama nilang bahagi ng espesyal na dibisyon. Mas mapapanatag siyang magpatuloy kapag kasama niya na ang mga ito dahil ang pangkat ng espesyal na dibisyon na kasama nina Eon ay may mga Saint Rank.

Kailangan niya ang lakas ng mga centaurion, silenus, warwolf, at Arcane Knights dahil bukod sa mga puwersang may Demigod Rank, napakarami pa ng pangkat na hindi kayang labanan ng New Order. Nariyan pa ang mga puwersang pinamumunuan ng mga Saint Rank at kung sakaling makagirian nila ang mga ito, na hindi malabong mangyari, siguradong dehado sila lalo na't may restriksyon ang kanilang kapangyarihan at wala silang mga Saint Rank.

Subalit dahil sa espesyal na dibisyon, napunan ang pagkukulang na ito. Walang restriksyon ang kapangyarihan ng mga naninirahan sa mundong ito kaya malaya silang magamit ang kabuoan ng kanilang lakas. Madali lang din para sa kanila na labanan ang mga tagalabas na may orihinal na ranggong Saint Rank o Demigod Rank dahil ang mga ito ay nalilimitahan lamang ang kapangyarihan sa 9th Level Heavenly Supreme Rank.

Ito ang pinakamalaking pagsubok para sa mga makakapangyarihang adventurer ng divine realm. Kahit na napakalakas nila, sa mundong ito ay mahina sila at madali silang mapatay dahil sa limitadong kapangyarihan na kaya nilang gamitin.

Samantala, sa kasalukuyan, ibang lugar na ang ginagalugad ng New Order. Nakailang palipat-lipat na sila ng lugar, subalit nananatili pa rin sila sa hilagang-kanluran. Karamihan din sa lugar na kanilang napuntahan ay nadatnan nilang magulo--senyales na nagalugad na ito ng ibang mga adventurer.

At dahil nagalugad na ng iba ang mga lugar na iyon, hindi na sila nagsayang ng panahon doon dahil kung may mga kayamanan man doon, siguradong nakuha na iyon ng ibang indibidwal o pangkat na gumalugad sa lugar. Wala silang panahon para sa mga lugar na nasuyod na ng iba. Pagsasayang lang ng panahon kung susuyurin pa nila ang mga lugar na iyon, at natuto na sila na ang mga lugar sa mundong ito ay mailap sa mga mapakikinabangang kayamanan.

Pinipili na lang nilang galugarin ang lugar na wala pang bakas ng ibang adventurer. Doon nila iginugugol ang kanilang panahon dahil doon sila may pag-asang makatuklas ng mga kayamanan.

Sa ngayon, isang tagong kuweba ang sinusuri ng New Order, at habang ang ilan sa mga miyembro ay abalang sinusuri ang kaloob-looban nito, si Finn kasama ang iba pang miyembro ay payapang nagbabantay sa pasukan nito.

Nakapikit ang mga mata ni Finn habang binabantayan siya ni Auberon. Wala siyang maisip na mapagkakaabalan kaya sa tuwing nagtatrabaho ang mga miyembro ng New Order, nagninilay-nilay siya at sumasailalim sa magaan na pagsasanay. Kaunti lang ang pag-unlad na nakukuha niya sa ganito kagaan na pagsasanay, ganoon man, mas mabuti na ito kaysa wala siyang ginagawa.

Hindi na rin siya pinapasali ng mga miyembro ng New Order sa paggalugad sa isang lugar o paghahanap ng mga kayamanan. Masyado na silang marami, at hindi lahat sa kanila ay kailangang lumahok sa paghahanap ng mga kayamanan kaya hindi kabawasan kung hindi siya makikisali, bagkus, malaking tulong pa ang ginagawa niya dahil sa bawat pagninilay-nilay niya, nagkakaroon siya ng munting pag-unlad na kailangan ng New Order.

Siya ang pinakamalaking haligi ng New Order kaya sa tuwing umuunlad siya, umuunlad din ang kanilang buong puwersa.

Kung lalakas siya, lalaki ang kumpyansa ng mga nakapaligid sa kaniya. Pero kung mananatili siyang mahina o walang pag-unlad, ganoon din ang gagawin ng mga miyembro dahil iisipin nila na ayos lang ito. Siya ay huwaran sa mga mata ng bawat miyembro ng New Order, at siya ang motibasyon ng mga ito sa kanilang bawat pagsasanay na ginagawa.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon