Chapter LVII

4.8K 860 50
                                    

Chapter LVII: The Truth Behind Kiden's Identity

Kagaya ng sinabi nina Ikiryu at Firosa, ang pag-uusap sa pagitan ni Finn at ng pinuno ng mga axvian ay hindi nagtagal. Sandali lang ang kanilang usapan, at umikot lang iyon sa pagtatanong ni Eulises kung bakit si Finn ay kasama rin sa tribo.

At dahil sila ang nagdesisyon, agad na ipinaliwanag nina Ikiryu at Firosa ang sitwasyon kung saan si Kiden ang humiling ng tungkol sa bagay na ito. Nagawa rin nilang isingit ang tungkol sa mga alak na pag-aari ni Finn, at nang matikman ni Eulises ang alak, doon na nagsimulang maging maganda ang takbo ng usapan.

Hindi na tumutol si Eulises sa pagiging kasama ni Finn sa kanilang tribo. Nalaman niya rin ang tungkol sa paggaling ni Muriel, subalit hindi niya agad tinalakay ang tungkol dito, bagkus, inanyayahan niya na lang ito na sumama sa magiging pagpupulong upang maintindihan nito kung ano talaga ang nangyari noon at kung paanong si Kiden na isang axvian ay nakalabas sa lugar na ito.

Samantala, nang makabalik si Ikiryu, mayroon na siyang mga kasama, at sa tingin ni Finn ang mga ito na marahil ang mga elder at supreme elder sa tribong ito. Bumibilang ng labing dalawa ang mga ito na binubuo ng sampung Abyssal Saint Rank at dalawang Demigod Rank. Hindi mapigilan ni Finn na malula sa taglay na aura ng bawat isa sa mga ito. Ramdam niya ang karahasan sa aura nila at dahil siya lang ang naiiba roon, pakiramdam niya ay naiipit siya sa pagitan nila. Hindi rin siya komportable sa matatalim na tingin na ibinibigay sa kaniya ng iba. Pakiramdam niya ay gusto siyang lamunin ng mga ito, ganoon man, hindi siya nagpatinag at nanatili lang siyang matikas na nakatindig.

Manghang-mangha rin si Finn sa nakikita niyang lakas ng tribo ng mga axvian. Sa kabuoan ay mayroon silang limang Demigod Rank—higit na mas marami kaysa sa Demigod Rank ng mga draconian. Ito na ang pangalawang pangkat na may pinakamaraming Demigod Rank na nakasalamuha ni Finn sa Land of Origins.

Pero, mayroon siyang isa pang nilalang na hindi pa nakikita rito. Isa rin iyong Demigod Rank, at mayroon iyong kaugnayan sa mga axvian kaya sa tingin niya, namamalagi iyon dito.

Tungkol sa pangkat na may pinakamaraming Demigod Rank, iyon ay walang iba kung hindi ang tribo ng mga arkous na ayon sa Creation Palace, ang pinuno at ang limang elder ng mga ito ay nasa Demigod Rank.

Hindi niya iyon nalaman kahit na napakatalas ng kaniyang pandama. Nalinlang siya ng mga arkous, at ang paliwanag nina Caesia sa pangyayaring iyon ay simple lang; likas na sa mga arkous ang kahusayan sa pagtatago ng kanilang antas at ranggo. Madali lang para sa kanila na magkunwaring Immortal Rank o Saint Rank kahit na ang totoo ay mga Demigod Rank sila.

Makapangyarihang mandirigma ang mga arkous kahit na walang diyos ang gumagabay sa kanila noong unang panahon. Likas na sa kanila ang kahusayan sa pakikipaglaban kaya hindi na nakapagtatakang marami silang nagtataglay ng matataas na antas at ranggo. Ganoon man, sa kabila ng kanilang pagiging mandirigmang lahi, mas pinili na lang nilang umiwas sa makamundong bagay. Hindi sila nakikidigma o nakikialam sa iba, bagkus, mas pinili nila ang tahimik at mapayapang buhay. Hindi nila nililisan ang kanilang tribo para makihalubilo sa iba, at wala ring nangangahas na mga taga-Land of Origins na gambalain sila dahil silang mga arkous ang isa sa pinakamakapangyarihang pangkat sa mundo ng pinagmulan.

Iyon ang dahilan kaya kahit ang Creation Palace na pinakamaimpluwensyang puwersa at ang mga ankur na may kaugnayan sa issng diyos ay kinikilala bilang pambihirang nilalang ang mga arkous.

Samantala...

“Kompleto na ang lahat ng dapat kasama sa pagpupulong. Ang silid na ito ay masyadong masikip at hindi angkop para pag-usapan ang mga dapat pag-usapan kaya naman magtutungo tayong lahat sa lugar kung saan nagsimula ang lahat,” seryosong sabi ni Eulises. Binalingan niya ng tingin si Finn at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Binigyan mo kami ng mga regalo kaya ituturing ka naming panauhin, gayunman, inaasahan kong hindi ka lalagpas sa iyong limitasyon. Ang panauhin ay panauhin... at dahil mga usapin ng tribo ang pag-uusapan, ikaw ay makikinig lamang at hindi ka sasabat kung hindi ka kinakausap.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon