Chapter LXXXIV: If You Want It, Work For It
Agad na napatulala't napatahimik si Finn. Makikita rin ang pag-aalinlangan sa kaniyang mga mata matapos niyang marinig ang hinihiling ni Hugo. Ganito ang kaniyang naging reaksyon dahil sa isip niya, hindi lang simpleng bagay ang gustong mangyari nito--marami iyong dalang komplikasyon sa New Order at hindi niya iyon mapagbibigyan kaagad dahil siguradong marami ang hindi papayag at makokontento.
Ang gusto ni Hugo ay napakataas na posisyon, pumapangalawa lamang sa pinakamataas na posisyon. Hindi lang maliit na bagay ang pagiging heneral ng isang puwersa dahil napakaraming miyembro ng New Order ang naghahangad ng posisyon na ito--matagal mang miyembro o babago pa lamang.
At dahil limitado lamang ang bilang ng maaari niyang gawing heneral, marami ang maglalaban-laban para sa posisyong ito.
Isa sa pinakanaghahangad ng posisyon ng heneral ay si Eon. Kinaiinggitan nito si Auberon dahil ito ang kauna-unahang heneral ng New Order. Kaya kung magluluklok muli siya ng isa pang heneral, at kung hindi iyon si Eon, siguradong magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan na maaaring humantong sa matinding inggitan.
Ayaw ni Finn na maging hindi patas sa mga miyembro ng New Order. Iniiwasan niyang pumabor sa kahit na kanino, kahit pa sa mga malalapit sa kaniya kaya hanggang ngayon, nagiging maingat pa rin siya kung sino ang mga bibigyan niya ng matataas na posisyon.
Ang pagluluklok ng mga kapitan at bise kapitan ay madali lang, pero ibang usapan na ang posisyon ng heneral. Kaya kahit napakalapit sa kaniya nina Eon, Meiyin, Poll, Yuros, Altair, at ng iba pa, hindi pa rin niya naiisipang gawing heneral ang sinuman sa mga ito dahil wala pa sa kanila ang handa para sa ganoon kalaking responsibilidad.
Para sa kaniya, si Auberon pa lang talaga ang may kakayahang humawak ng ganoon kalaking posisyon. Mahusay itong mamuno. Kaya nitong timbangin ang mga komplikadong sitwasyon, at hindi ito padalos-dalos magdesisyon. Ganito ang mga katangian na gusto niya sa kaniyang mga heneral. Hindi palaging lakas at katapatan lang ang kaniyang pagbabasehan dahil kung ito ang magiging basehan niya, marami pang iba riyan na magiging karapat-dapat dahil maraming miyembro na mas malakas pa kaysa kay Auberon.
At dahil sa mga dahilang ito rin kaya kailangan niyang tanggihan ang hiling ni Hugo. Hindi niya ito maaaring pagbigyan lalo na't babago pa lalamg itong sasali sa New Order.
Huminga siya ng malalim. Nanatiling taimtim ang kaniyang ekspresyon at bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig. “Paumanhin, subalit hindi ko mapagbibigyan ang iyong hiling. Hindi kita maaaring gawing heneral dahil hiniling mo iyon sa akin. Maraming miyembro ang naghahangad ng posisyong iyon kaya kung ibibigay ko iyon nang agaran sa iyo, magiging hindi patas sa kanila at baka magmitsa pa iyon ng pagkawala ng pananampalataya ng iba sa akin.”
“Ayokong magkaroon ng gulo sa loob ng New Order, at sana ay maunawaan mo kung ano ang pinupunto ko, Hugo,” dagdag niya.
“Iyan ang sinasabi ko sa kaniya noon pa man. Sinabi ko na sa kaniya na hindi niya maaaring hilingin sa iyo nang agaran ang posisyon ng heneral dahil napaliligiran ka rin ng mga espesyal na adventurer na karapat-dapat para sa posisyong iyon,” komento ni Criselda.
Dahil sa mga sinabi nina Finn at Criselda, nanlumo si Hugo. Ang kaniyang seryosong ekspresyon ay napalitan ng pagkadismaya at para bang nawalan siya ng sigla.
“Pero, mapagkakatiwalaan mo ako. Sinisiguro ko rin sa iyo na mas magiging makapangyarihan pa ako sa hinaharap dahil sa propesyon ko kaya pagbigyan mo na ang hiling ko, Finn!” pagpupumilit ni Hugo.
“Kung iyan ang pagbabasehan ko, sana ay heneral na ngayon sina Eon at Munting Poll,” seryosong sabi ni Finn. “Matagal ko na silang nakakasama sa bawat pakikipagsapalaran ko. Si Eon ay may napakalaking potensyal dahil sa pagiging divine beast niya habang si Munting Poll ay aking estudyante na angat na angat kung ang pag-uusapan ay alchemy. Gayunman, wala sa kanilang dalawa ang ginawa kong heneral dahil hindi pa sila karapat-dapat sa posisyong iyon. Mayroon pa rin silang pagkukulang, at nais ko munang mapunan nila iyon bago ko sila bigyan ng napakalaking responsibilidad. Kaya naman kahit anong pilit mo ay hindi kita mapagbibigyan sa gusto mong mangyari, Hugo. Masaya akong tanggapin kayo sa New Order, pero kung ang hihingiin mong kapalit ay ang agarang pagbibigay ko sa iyo ng napakataas na posisyon, paumanhin subalit hindi bale na lang.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantastikSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...