Chapter LXIX: Beyond Furious
"Madali kong mauubos silang lahat kung hindi nililimitahan ng mundong ito ang aking kapangyarihan! Ang Finn Silva na iyon... malinaw na minamaliit niya tayo dahil lang wala tayo sa ating aktuwal na antas at ranggo!" Nanggagalaiti pa rin sa galit si Mira kahit nakalayo na sila sa pangkat ng New Order. Nanggigigil ang kaniyang mga kamay at sa kaniyang hitsura, para bang gustong-gusto niyang manakal. "Kapag talaga wala na ang mundong ito, hahanapin ko siya at personal ko siyang tuturuan ng leksyon! Hindi ko matanggap na kailangan nating umatras dahil lang sa banta ng isang kagaya niyang wala pa sa Demigod Rank! Nakakainis! Nakakairita at nakakasama ng loob!"
Habang patuloy ang pagrereklamo ni Mira, si Maya ay malalim pa ring iniisip kung ano ang ibig sabihin ng huling mga salitang binitawan ni Finn. Hindi siya mapalagay. Pakiramdam niya ay mayroong hindi tama, subalit hindi niya mawari kung ano iyon.
"Ang kumpyansa sa kaniyang mga mata... Bakit sobra siyang kumpyansa noong binigkas niya ang mga katagang iyon?" Naibulalas na lang ni Maya habang wala siya sa kaniyang sarili.
Agad na napatingin sa kaniya si Mira. Sumimangot ito at mariing nagwika. "Anong sinasabi mo riyan, Maya? Bakit ba kanina ka pa wala sa sarili? Huwag mong sabihin sa akin na nangangamba ka dahil sa Finn Silva na iyon? Natatakot ka ba sa kaniya, ha?"
Natauhan si Maya dahil sa sunod-sunod na tanong sa kaniya ni Mira. Pinilit niyang huminahon. Huminga siya ng malalim at sinabing, "Hindi takot itong nararamdaman ko. Walang dahilan para matakot ako sa kaniya, gayunpaman... hindi ako mapalagay dahil sa mga sinabi niya. Para bang may kahulugan ang huli niyang mga sinabi, pero hindi ko iyon lubos na maunawaan kaya malalim akong nag-iisip sa pag-asang mahahanap ko ang kasagutan."
"Masyado kang nagpapaapekto sa kaniya!" Inis na saad ni Mira.
"At hindi ka ba ganoon?!" Naiinis na ring sabi ni Maya. "Kanina ka pa nanggagalaiti sa galit dahil sa kaniya. Ikaw ang sobrang apektado dahil talagang nadadala ka na ng iyong emosyon dahil sa galit mo sa kaniya. Kailangan mong huminahon dahil kung magpapatuloy kang ganiyan, magiging kahiya-hiya tayo."
"Tayo ay mga Celestial General. Kapag nalaman ng iba na hindi natin kayang dalhin ang pagbabanta at panghahamak ni Finn Silva, pagtatawanan nila tayo. Magiging kahiya-hiya rin ang ating kamahalan dahil ang bawat kilos natin ay nagkakaroon ng epekto sa reputasyon," dagdag niya pa.
Hindi napawi ang galit ni Mira. Suminghal lang siya at sinabing, "Ano'ng gusto mong gawin ko? Gusto mo bang magdiwang ako dahil hinamak tayo ng Finn Silva na iyon?! Marami ang nakasaksi sa pamamahiyang ginawa niya sa atin! At wala akong nagawa para patikumin ang kaniyang bibig dahil ang lakas na taglay ko ngayon ay hindi sapat para turuan siya ng leksyon!"
"Hindi ako papayag! Ipapaalam ko ito sa kamahalan at sasabihin kong may pangahas na water celestial ang humahamon sa kaniya," mariing sambit ni Mira.
Napailing na lang si Maya dahil sa pagmamatigas ng kakambal niya. Napabuntong-hininga rin siya at pabulong na sinabing, "Umalis tayo nang walang paalam sa palasyo... Pinaalalahanan na tayo ng kamahalan na huwag tayong magtutungo rito, subalit pumuslit pa rin tayo. Kapag bumalik tayo roon, siguradong parurusahan niya tayo."
Natigilan si Mira. Bigla na lamang nanginig ang kaniyang katawan at para bang bumakas sa kaniyang mukha ang pangamba. Dahil sa sinabi ni Maya, animo'y umamo ang kaniyang mukha at ang kanina niyang matinding galit ay humupa na.
"Dahil magagalit din naman ang kamahalan, ano kaya kung huwag na muna tayong bumalik at hintayin na lang natin na mawala ang mundong ito? Basta mag-iingat tayo, hindi tayo mamamatay rito. Isa pa..." bahagyang ngumiti si Mira at marahan siyang nagpatuloy, "...may mga celestial din sa mundong ito, hindi ba? Sa impormasyong nakalap natin, mayroong isang kontinente rito na kinaroroonan ng mga celestial--kabilang na ang mga water celestial. Narinig ko rin na si Aneira kasama ang ilan niyang mga tauhan ay nagbabalak na kumbinsihin ang mga ice celestial ng mundong ito. Ano kaya kung ganoon din ang gawin natin? Bakit hindi natin subukang kumbinsihin ang mga water celestial na naririto para maglingkod sa ating kamahalan?"
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...