Chapter CIII

4.9K 852 33
                                    

Chapter CIII: Dealing with the Water Celestials

“Umakyat na kayo para makapagsimula na kayo ng sarili ninyong pagsasanay. Maaari kayong magsolo, pero maaari rin naman kayong magtulungan para masanay kayong lumaban nang magkakasama. May mga sarili na kayong desisyon kaya ipauubaya ko na sa inyo kung anong klase ng pagsasanay ang gagawin ninyo,” sabi ni Finn matapos niyang maibalik sa kaniyang katawan ang Myriad World Mirror. “May mga aasikasuhin pa akong napakaimportanteng bagay bago ako makapagsimula ng pagsasanay kaya siguradong mahuhuli na naman ako. Gamitin ninyo nang maayos ang inyong oras at pagyamanin ninyo ang oportunidad na makapagsanay nang wala nang inaalalang ibang bagay.”

“Magkakaroon ba ng pagkakataon na makakasama ka namin sa pagsasanay, Kuya Finn? Matagal ko nang hinihiling na makasama ka sa pagsasanay, hindi ba?” nanlalambing na mga tanong ni Meiyin.

Napakamot sa ulo si Finn. Pilit siyang ngumiti at sinabing, “Hindi ko maipapangako, pero susubukan ko. Alam mo naman na masyado akong abala sa ibang bagay at sa sarili kong pagsasanay. Wala na akong oras na makapagsanay kasama ang iba dahil lahat ng oras ko ay napupunta sa mas mahahalagang bagay. Nariyan naman sina Eon at Munting Poll para tulungan kang magsanay kaya kahit hindi ako ang katuwang mo sa pagsasanay, siguradong nasa mabuti ka pa ring mga kamay. Maaari mo ring kausapin sina Kapitan Altair at Kapitan Yuros, siguradong hindi ka nila matatanggihan.”

Bumakas ang pagkadismaya sa mukha ni Meiyin. Napatungo siya at marahang tumugon, “Iba pa rin kapag ikaw ang kasama ko, Kuya Finn. Hindi pa tayo nakakapagsanay nang magkasama, at gusto ko sanang maging katuwang ka sa pagsasanay kahit maikling panahon lang. Gayunman, huwag kang mag-alala dahil naiintindihan ko naman ang sitwasyon mo. Isa kang pinuno, at may mga bagay ka talagang kailangang unahin dahil iyon ang mas mahalaga. Pero kapag nagkaroon ka ng libreng oras, sana ay labanan mo ako at turuan mo ako ng mga bagay na hindi ko pa alam.”

Tumango si Finn at malumanay siyang nagwika, “Marami pang darating na pagkakataon. Marami pa tayong kailangang isakatuparan, hindi ba? Isa pa, pagkatapos natin sa mga diyablo ay magagawa na natin anoman ang gustuhin natin sa ating mundo.”

Tumango-tango na lang si Meiyin. Hindi niya na pinahaba ang kanilang pag-uusap upang hindi na maabala nang sobra si Finn. Nagpaalam na lang siya rito, at pagkatapos makapagpaalam nina Poll at Eon, magkakasama silang nagtungo sa isang direksyon para umakyat sa mas mataas na palapag ng Tower of Ascension.

Nakapagdesisyon na silang tatlo na magsosolo muna sila sa loob ng ilang taon bago sila magsama-samang muli para magsanay nang magkakasama. Mas nakikita nilang epektibo ang ganitong paraan dahil mauunawaan nila ang kanilang sariling kakayahan kapag mag-isa sila at mas mahahasa pa ito kapag nakipagtulungan na sila.

Pagkaalis nina Meiyin, Eon, at Poll, agad na pinakiramdaman ni Finn ang kabuoan ng Tower of Ascension. Hahanapin niya na sana kung saang palapag naroroon ang mga water celestial, subalit bago pa man niya mahanap ang mga ito, napatigil na siya sa ginagawa niya dahil naramdaman niyang may lumitaw na presensiya sa tabi niya.

“Hindi ko akalaing magiging gayon kabilis ang paglilibang ninyo. Mayroon bang naging problema kaya kayo nagmamadaling bumalik dito?” nahihiwagawang ekspresyon na tanong ni Firuzeh.

Ngumiti si Finn at marahan siyang tumugon, “Hindi ko masasabing problema, pero importante ito kaya nagdesisyon kaming itigil na ang paglilibang namin sa Heavenly Gourmet Island. May nakapagsabi sa akin na humigit-kumulang na limang taon na lang ang nalalabi bago mangyari ang huling hamon ng mundong ito. Kakaunting panahon lang iyon para makapaghanda... at hindi na ako maaaring magsayang pa ng panahon dahil marami pa akong kailangang asikasuhin.”

Napatango si Firuzeh at halata sa kaniya ang malalim na pag-iisip.

“Kaunting panahon na nga lang iyon kahit pa naririto ka sa Tower of Ascension. May humigit-kumulang na sampung taon ka pa, pero mukhang may mga aasikasuhin ka pa bago ka sumailalim sa pagsasanay,” lahad niya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon