Chapter CXXXIX: A Sliver of Hope
Nakatingala si Muriel sa langit kung saan ipinapakita ng malaking imahe ang nagaganap na sagupaan sa pagitan ng Evil Jinn at ng mga tagalabas. Hawak-hawak niya ang isang tapayan ng alak at habang pinanonood ang nangyayaring sagupaan, iniinom niya ang alak na iniregalo pa sa kanila ni Finn. Nasaksihan niya ang sakunang dinanas ng mga tagalabas mula sa nilalang na sinasabing likha ng kalangitan. At sa kabila ng pagkamatay ng libo-libong adventurer, blangko lang ang kaniyang ekspresyon, pero ang kaniyang mga mata ay taimtim.
“Kung gayon, ibinigay na ni Varus ang Circlet of Rage God sa kanilang kalahi na ngayon ay kasamahan na ni Finn Silva. Isa iyong malaking surpresa lalo na't sa pagkakatanda ko, sobra ang pagpapahalaga ni Varus sa divine artifact ng Rage God,” pabulong na sambit ni Muriel. “At si Finn Silva... siguradong ang gamit niyang martilyo ay isa ring divine artifact. Hindi ko inaasahanan ganiyan siya kahusay sa pakikipaglaban, at ang kaniyang pinamumunuan ding puwersa ay hindi pangkaraniwan. Gayunman...”
“...ang pag-asa nilang matalo ang nilalang na iyon ay napakaliit lamang,” dagdag niya.
Hindi siya mag-isang nanonood sa mga nangyayari. Kasama niya ang kaniyang mga ka-tribo at kasalukuyan silang nasa bago nilang teritoryo. Nakahanap na sila ng bagong pugad bago pa magsimula ang huling hamon kaya hindi sila ibinalik ng kalangitan sa libingan ng Rage God, bagkus, ikinonsidera na ng kalangitan ang bago nilang pugad bilang kanilang aktuwal na teritoryo. At kagaya ng ibang mamamayan ng Land of Origins, hindi rin sila makakaalis sa kanilang teritoryo hangga't hindi natatapos ang huling hamon sa mga tagalabas.
Suminghal si Muriel at taimtim siyang nagpatuloy. “Sa aking paghahanap ng lunas sa sumpa ng kalangitan, nakapangalap din ako ng impormasyon mula sa ibang matagal nang naninirahan sa mundong ito tungkol sa iba pang mahahalagang bagay.”
“Ang nilalang na iyan--ang Evil Jinn--ay may lakas na kapantay o hindi nalalayo sa isang diyos. Kaya kahit maraming tagalabas ang nagtutulong-tulong, halos imposible na matalo nila iyan, subalit mayroon silang katiting na pag-asa dahil mayroon silang divine artifact--mga kayamanang karaniwang armas ng mga diyos. Taglay nila ang Circlet of Rage God, ang Radiant Shield, ang Heavenly Flame, at ang kakaibang martilyong iyon na gamit ni Finn Silva na hindi ko matukoy kung sinong diyos ang nagmamay-ari. Gamit din ng babaeng demonyo na iyon ang Demonic Mantle na may kakayahan ng hindi nasisirang barrier. Kung magagamit nila ang buong potensyal ng mga divine artifact, marahil magawa nila ang huling hamon. Gayunman, maaaring mali ang tingin ko dahil wala naman talaga akong sapat na kaalaman sa kung ano ang lakas ng Evil Jinn na 'yon,” lahad niya pa.
Nasa likod niya ang mga elder ng kanilang tribo. Ang dalawang supreme elder lang ang wala roon, at siguradong nananatili ang mga ito sa isang silid dahil kailangan nilang gugulin ang halos lahat ng kanilang oras sa pagninilay-nilay. Hindi nila maaaring sayangin ang panahon nila sa panonood. Sobrang tanda na ng dalawa. Malapit na silang umabot sa kanilang wakas, at kung hindi pa sila makakakain ng Fruit of Life, siguradong mamamatay sila.
Samantala, habang tahimik silang nanonood, binasag ni Nesta ang katahimikan at malumanay siyang nagtanong, “Pinuno, naniniwala ka ba sa sinasabi nilang propesiya? Naniniwala ka ba na kapag mayroong nakatapos sa Evil Jinn, ang sumpa ng kalangitan sa ating mga taga-Land of Origins ay mawawala na?”
“Hindi,” agad na tugon ni Muriel. Tinungga niya ang alak sa tapayan at nang maubos niya ang laman nito, bumaling siya kay Nesta at seryosong sinabing, “Pero, gusto kong magkatotoo iyon. Hangad kong mangyari ang nasa propesiya para katulad ko, makalaya na rin kayo mula sa sumpa ng kalangitan at makapamuhay na ang ating lahi ng matagal.”
Bawat isa sa kanila ay iyon ang gustong mangyari. Gusto nilang mawala ang sumpa sa kanila ng kalangitan. Ayaw nilang mamatay bago nila maabot ang edad na limang daan. Iyon ang rason kaya bago magsimula ang huling hamon, pilit nilang hinahanap ang kinaroroonan ng mga ankur. Ganoon man, kahit anong pagsusumikap nila, hindi nila matukoy ang pinagtataguan ng mga ito. Wala rin silang makuhang impormasyon mula sa ibang naninirahan sa kanilang mundo dahil ang alam ng karamihan ay kasamang nasawi ang mga ankur sa naganap na digmaan ng mga diyos.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantastikSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...