Chapter LXXV: Changing Ways
Bawat water celestial na nasa silid-pagpupulong ay mababakasan ng pagtatanong sa kanilang mga mukha habang nakatitig sila kay Finn. Naguguluhan sila, at hindi nila maunawaan kung ano ang dahilan nito kung bakit nito itinatago ang kaniyang totoong pagkatao. Para kina Eaton, mas mabilis makakakuha ng pagkikilala at katanyagan si Finn kung ipapaalam niyang bukod sa kaniyang kahusayan sa iba't ibang larangan, siya rin ang kasalukuyang Water Celestial King.
Ang pagiging Celestial King o Celestial Queen ay katangi-tangi. Hindi ito kagaya ng mga Demon King o Divine Beast King na itinatalaga o nakakamit, bagkus, ang mga hari o reyna ng bawat uri ng celestial ay tukoy na sa sandaling isilang sila.
Bawat Celestial King o Celestial Queen ay mayroong espesyal na sisidlan. Doon sila isinisilang sa tuwing ang kasalukuyang hari o reyna ay pumapanaw o namamatay dahil sa isang labanan. Ito ang malaking pagkakaiba nila sa ibang lahi kaya sa sandaling isilang sila, nakatalaga na kung sino ang dapat mamuno sa kanilang uri.
Ang Water Celestial King o Water Celestial Queen ang dapat na mamuno sa mga water celestial habang ang Fire Celestial King o Fire Celestial Queen ang dapat na mamuno sa mga fire celestial. Bawat uri ng celestial ay mayroong hari o reyna, at ang mga hari o reynang ito ang nararapat na paglingkuran ng mga pangkaraniwang celestial.
Pero siyempre, maaari pa ring piliin ng mga pangkaraniwang celestial na hindi maglingkod o magpaalipin sa kanilang hari o reyna. Malaya pa rin silang pumili, ganoon man, alam ng mga celestial na kapag naglilingkod sila sa kanilang hari o reyna, mas mabilis silang lumakas at mas nagkakaroon sila ng pagkakaunawa sa kanilang Celestial Wrath, ganoon din sa paggamit ng kanilang mga celestial skill.
Magkakaroon sila ng pagkakataon na mapag-aralan ang celestial skill ng kanilang hari o reyna na maaaring maging dahilan para mas umunlad pa sila. At ito ang pangunahing dahilan ng Water Celestial Tribe kung bakit pinili nilang manumpa ng katapatan kay Finn.
Bukod sa hangad nilang paglingkuran ang kanilang hari, gusto rin nilang umunlad pa ang kanilang mga kakayahan bilang water celestial. At upang mangyari iyon, kailangan nilang matuto sa pinakamakapangyarihan sa kanila.
“Gusto naming maliwanagan sa iyong dahilan kung bakit ayaw mong ipaalam sa publiko ang iyong totoong pagkatao. Hindi mo ipinaliwanag sa amin kung ano ang iyong eksaktong dahilan kaya kung iyong mamarapatin, hangad naming malaman ang katotohanan,” mahinahong sambit ni Eaton.
Huminga ng malalim si Finn. Wala na siyang balak na magpaligoy-ligoy dahil ang rason niya kung bakit niya rin gustong makapulong ang mga water celestial ay upang ipaintindi sa kaniya ang kasalukuyan niyang sitwasyon.
“Isa akong iregularidad. Hindi dapat ako umiiral dahil ang kinikilala ng lahat na Water Celestial Queen ay buhay pa at kasalukuyang nasa divine realm,” seryosong saad niya. “Siya ang aking totoong ina. Marami siyang kaaway sa divine realm, at maraming gusto siyang patayin para makuha ang kaniyang posisyon bilang isa sa labindalawang emperador o imperatris. Kapag nalaman ng publiko na ako na ang kasalukuyang Water Celestial King, siguradong dadagsa ang kaniyang mga kaaway at susubukan siya ng mga iyon na paslangin.”
Umiling-iling siya. Naging mariin ang kaniyang ekspresyon at taimtim siyang nagwika, “Hindi ko hangad na mapahamak ang aking ina kaya ginagawa ko ang makakaya ko para itago ang totoo kong pagkatao. Minsan lang ay sumusugal ako dahil kailangang-kailangan, pero hangga't maaari ayoko nang ipaalam kahit na kanino na ako ang kasalukuyang Water Celestial King. Kailangan kong magtiis at magtago habang hindi pa sapat ang lakas ko para protektahan ang aking ina mula sa kaniyang mga kalaban.”
Matinding gulat at hindi makapaniwalang ekspresyon ang mababakas sa reaksyon ng mga water celestial habang isinasalaysay ni Finn ang katotohanan. Kung kanina ay naguguluhan lang sila sa rason ng kanilang kinikilalang panginoon, ngayon ay mas lalo silang naguluhan matapos nilang marinig ang paliwanag nito.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
خيال (فانتازيا)Synopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...