Chapter XIV

5K 871 61
                                    

Chapter XIV: One Step Ahead

Mas lalong bumigat ang tensyon sa puntong maging paghinga ay nahihirapan na si Finn. Bumaling siya sa pinagmumulan ng tinig. Kalmado niyang pinagmasdan ang kumukwestyon sa pagiging kasama niya para lumahok sa pagpupulong at nang makita niya ito, napansin niyang mayroon pa itong isang kasama. Parehong nasa Demigod Rank ang dalawa, at bukod sa ranggong tinataglay ng mga ito, kaagad niyang napansin ang kakaibang hitsura nila na animo'y maihahalintulad sa isang kalansay.

Dahil dito, isang lahi ang agad na pumasok sa kaniyang isipan.

‘Moriyan.’

Tama. Ang nilalang na animo'y isang kalansay ay kabilang sa lahi na tinatawag na moriyan. Mukha silang walang buhay dahil sa kabuoan nilang hitsura kung saan walang dumadaloy na dugo sa kanilang katawan at hindi sila mababakasan ng kalamnan, subalit ito na ang kanilang natural na anyo. May pagkakahawig lang sila sa isang tao, ganoon man, iba ang istraktura ng kanilang katawan.

“Hindi lang siya basta pangkaraniwang tagalabas, Gorden,” agad na sambit ni Iseranni at mas lumapit pa siya kay Finn para ipaalam sa mga nasa paligid na protektado niya ito. “Siya ang aming kaibigan at pinagkakautangan. Isinama namin siya sa pagpupulong na ito dahil naisip namin na kung mayroon mang makakatulong kay Haring Adlaros patungkol sa mga formation, siya na iyon dahil siya ang makasaysayang adventurer na matunog ang pangalan ngayon, siya si Finn Silva.”

“Siya si Finn Silva?”

Napabaling sina Finn sa indibidwal na nagmamay-ari sa malalim na boses. Nakita nila ang isang kakaibang nilalang na animo'y maihahalintulad sa merfolk at kagaya ng dalawang moriyan, naramdaman din ni Finn ang aura ng Demigod Rank mula rito. Hindi rin ito nag-iisa, mayroon itong dalawang kasamang ka-uri niya, subalit ang dalawang ito ay nasa Saint Rank lamang, sa Abyssal Saint Rank.

Sa unang tingin pa lang ni Finn, alam niya na kung saang lahi nagmula ang mga ito. Binigyan siya ng libro ni Caesia patungkol sa mga tanyag na indibidwal, puwersa, pangkat, at organisasyon sa mundong ito ganoon din ang kinabibilangan nilang lahi. Napag-aralan niya na ang libro kaya pamilyar na siya sa mga bagay na kailangan niyang bantayan at pagtuunan ng pansin.

‘Isa siyang darkiyan, isang uri ng merfolk,’ sa isip niya.

Napansin ni Finn na pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa ng nagsalitang darkiyan. Hindi rin nakalampas sa kaniyang pansin ang mapanghamak nitong tingin. Makahulugan ang ngiti nito at ilang sandali pa, muli itong nagwika.

“Sa nakikita ko, wala siyang pinagkaiba sa isang pangkaraniwang tao. Siya na pala ang sinasabi ninyong pinakamakasaysayang adventurer sa buong sanlibutan. Mataas ang ekspektasyon ko sa kaniya, pero mukhang wala namang kamangha-mangha sa kaniya,” mapanghamak na sabi pa nito.

Hindi maiwasan ni Finn na mapangiti matapos ang mapanlait na pahayag nito. Sanay na sanay na siya sa ganitong panghahamak dahil mula noong magsimula siyang makipagsapalaram bilang adventurer, samu't saring panghahamak na ang natanggap niya. Pangkaraniwan na lang sa kaniya ang ganitong bagay kaya hindi na siya madaling nagagalit sa mga ganito.

Hindi nakatakas sa atensyon ng iba ang ngiti ni Finn. May ilan na nakapansin sa pananatili nitong kalmado sa kabila ng pagiging tensyonado ng paligid. Tila ba hindi ito naaapektuhan ng presyur kaya hindi mapigilan ng mga naroroon na mamangha sa ipinapakita nitong tindi ng kontrol sa sarili.

Sa kabilang banda, napasimangot ang darkiyan na nangmamaliit kay Finn matapos niyang mapagtanto na hindi nagtagumpay ang kaniyang plano. Balak niya sana itong galitin dahil gusto niyang magsimula ng gulo, pero masyado itong kalmado at hindi nagpapaapekto sa panghahamak niya.

Ipagpapatuloy niya pa sana ang kaniyang plano, pero bago pa man siya magsalita, mayroon nang nauna sa kaniya.

“Mapanlinlang ang hitsura, Goyle. Hindi mo siya maaaring husgahan base sa panlabas niyang hitsura lamang. Maamo ang kaniyang mukha at payapa ang inilalabas niyang aura, subalit nag-iiba na siya kapag siya'y nagpapakitang-gilas na. Ito ang aktuwal naming nasaksihan sa aming isinagawang paligsahan, at ito ang aming nabalitaan mula sa nangyaring kompetisyon sa Warwolf Clan,” mahinahong lahad ni Lelin.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon