Chapter XVII

4.9K 863 38
                                    

Chapter XVII: The Raging Beast

Kasalukuyang nakatulala si Ceerae sa direksyon kung saan naroroon ang bangin. Mag-isa lang siyang nakaupo sa isang tipak ng bato habang taimtim ang kaniyang ekspresyon at tila ba malalim siyang nag-iisip. Hindi siya sumasama sa hanay ng kaniyang kinabibilangang dibisyon—ang ikatlong dibisyon. Nakahiwalay siya sa mga ito, at walang sumasaway sa kaniya dahil wala pang gaanong ganap sa New Order.

Matatandaang si Ceerae ay kalahok sa paligsahan sa Creation Palace. Isa siyang formation master, at bukod sa pagiging formation master, isa rin siyang malakas na adventurer. Ang orihinal niyang antas at ranggo ay nasa Abyssal Saint Rank, pero ang mas kinamamanghaan talaga sa kaniya ay ang kanilang pagiging mahusay na formation master dahil sa kasalukuyan, isa siyang formation saint—ang umiiral na pinakamataas na titulo na maaaring maabot ng isang formation master.

Sa kabila ng kaniyang pagiging propesyonal, hindi niya piniling sumali sa ikasampung dibisyon. Hindi niya gustong lumikha na lang nang lumikha dahil ang mas matimbang sa kaniyang puso ay ang makipagsapalaran at makipaglaban.

Gusto niya ring maging makapangyarihang adventurer kaya sa ikatlong dibisyon siya sumali para makasama pa rin siya sa mga ganitong klase ng pakikipagsapalaran.

Nakasama siya noon sa pakikipagdigmaan sa Darkeous Clan, subalit hindi ganoon kaganda ang kaniyang naipamalas dahil nalilimitahan ang kaniyang antas at ranggo.

Ang orihinal niyang antas at ranggo ay Abyssal Saint Rank. Marahil may restriksyon ang kaniyang kapangyarihan na kayang gamitin, pero kung gagamit siya ng Four Guardian Killing Formation, magagamit niya na ang orihinal niyang kapangyarihan sa loob ng maikling panahon. Malaki ang maitutulong niya laban sa mga kalaban, lalo na sa mga forsaken na nagtangka kina Finn.

Pero, hindi pa siya binibigyan ng mga ito ng Four Guardians Killing Formation, at naiintindihan niya rin kung bakit.

Wala pang tiwala sa kaniya si Finn, pero hindi niya iyon minamasama dahil kahit siya, hindi siya basta-basta magbibigay ng ganoon kahalagang bagay sa babagong sali pa lamang. Isa pa, ang totoo niyang antas at ranggo ay Abyssal Saint Rank kaya marahil nangangamba ang mga ito na baka magsimula siya ng gulo kapag nakagamit siya ng Four Guardians Killing Formation.

Sa kabila nito, sa kasalukuyan ay maganda ang karanasan niya sa New Order. Binigyan na siya ng mga manwal ng bagong formation na maaari niyang pag-aralan, at dahil napakahalaga pa rin sa kaniya ng mga formation, iginugol niya ang kaniyang panahon sa pag-aaral sa mga iyon.

Samantala, naantala ang kaniyang pagtulala nang bigla na lamang siyang nakaramdam ng papalapit na presensya sa kaniyang likuran. Hindi siya naalerto dahil pamilyar siya kung sino ang papalapit sa kaniya.

“Imumungkahi ko sanang ikaw ang isama niya, subalit hindi talaga siya maaaring magsama ng kahit na sino. Ikaw ang may pinakamataas na orihinal na antas at ranggo sa ating hanay, at malaking tulong ka kung ikaw ang makakasama niya pagbaba sa bangin,” panimula ni Altair.

Umismid si Ceerae. Bahagya siyang umiling at tumulala siya sa kawalan, “Kahit pa maaari siyang magsama, siguradong hindi ako ang pipiliin niya. Hindi pa buo ang tiwala niya sa akin dahil ang tingin niya, ang habol ko lang sa kaniya at sa puwersang ito ay ang mga manwal ng inyong mga formation.”

Pilit na ngumiti si Altair. Napabuntong-hininga na lang siya at marahang umiling. “Hindi naman natin siya masisisi, hindi ba? Sa huli, ang talagang rason kung bakit ka sumali sa New Order ay dahil sa Four Guardians Killing Formation. Kung hindi mo nakita iyon... Marahil hindi ka magkaka-interes na sumali sa amin.”

Natigilan si Ceerae, pero agad din siyang nakabawi. Taimtim na ekspresyon niyang pinagmasdan si Altair. Makahulugan siyang ngumiti at sinabing, “Napakaraming puwersa na gustong makuha ako at gawing miyembro. May mga emperador at emperatris na nais akong bigyan ng mataas na posisyon sa kanilang pinamumunuan, subalit walang pag-aalinlangan ko silang tinanggihan dahil hindi ko nakikita na uunlad ako sa kanila. Pero sa inyo... sa puwersang ito... nakita ko na mayroon pang pag-asa na umunlad ang aking kakayahan sa formation gayundin ang kakayahan ko bilang isang mandirigma.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon