Chapter CXV

4.8K 817 36
                                    

Chapter CXV: Almost there

Nang mabuo ang ulo ni Finn at muli siyang mabuhay, kaagad siyang napahawak sa iba't ibang bahagi ng kaniyang mukha at mahahalata sa kaniya ang panlalamig dahil naalala niya bigla ang ginawa sa kaniya ni Faino. Pasurpresa siyang inatake nito noong wala siyang kadepe-depensa. Pinasabog nito ang kaniyang ulo at hindi siya nakatugon dahil hindi niya lubos-akalain na magagawa nito sa kaniya ang bagay na iyon. Dahil dito, hindi niya rin mapigilang makaramdam ng matinding inis dahil pinatay siya nito nang walang makabuluhang rason.

Dalawang beses siyang namatay dahil kay Faino. Ang una ay dahil sa matinding pagod at dami ng kaniyang pinsalang tinamo habang ang ikalawa ay dahil lang sinabi niya rito na siya ang nanalo sa laban nilang dalawa.

“Kagaya lang din siya ng mga hambog na adventurer na hindi marunong tumanggap ng pagkatalo,” pabulong na sambit ni Finn. Umarko ang kaniyang mga labi at pumorma ito sa isang makahulugang ngiti. Sinuportahan niya ang kaniyang sarili para umupo at marahan niyang ibinuka ang kaniyang bibig bago malumanay na sinabing, “Sigurado akong pikon na pikon siya sa akin kaya niya ako biglang inatake noong makalapit ako sa kaniya.”

Tumayo na siya at agad niyang pinalitan ang sira-sira niyang kasuotan. Huminga siya ng malalim. Inalala niya ang nangyaring laban sa pagitan nila ni Faino at hindi niya mapigilan na manghinayang.

“Siya ang nag-alok ng tulong sa akin para makapagsanay ako, pero siya rin itong umayaw kaagad kahit iisang beses pa lang kaming naglalaban. Marami akong natutunan sa naging laban naming dalawa, at kung magpapatuloy sana iyon, mas lalo kong mapipino ang aking istilo ng pakikipaglaban,” pabulong na sabi ni Finn. “Subalit, wala na akong magagawa. Nakakapanghinayang man ay kailangan ko nang ipagpatuloy ang aking pagsasanay. Ngayong maayos ko nang nagagamit ang Art of Lightning God at Fire Sovereign Art, oras na siguro para sanayin ko naman ang kakayahan ko sa paggamit ng kapangyarihan ng espasyo. Dapat ko nang subukang abutin ang Saint Rank para mas tumaas ang pag-asa ko na magtagumpay sa huling hamon ng Land of Origins.”

Muling lumitaw ang apoy ng determinasyon sa mga mata ni Finn. Mahaba-haba pa ang ipapamalagi niya sa tore. Ilang taon pa siyang makakapagsanay rito, at ngayon, mayroon na siyang prayoridad--ang maabot ang Saint Rank.

Hindi lang Chaos Saint Rank ang layunin niyang maabot, plano niyang abutin ang sukdulan ng Saint Rank--ang Abyssal Saint Rank--o kung maaari, ang Demigod Rank.

Hindi niya alam kung posible niyang maabot ang Demigod Rank, pero gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya para masigurado niyang maaabot niya ang Abyssal Saint Rank bago pa magsimula ang huling hamon ng Land of Origins.

Madali itong sabihin, subalit napakahirap nitong gawin. Hindi niya alam kung magagawa niyang maperpekto ang kapangyarihan niya ng espasyo sa loob lamang ng ilang taon, subalit kailangan niya iyong pilitin dahil alam niya sa sarili niya na hindi sapat ang pagiging mahinang Saint Rank para masiguro na magagawa nila ang huling hamon.

Kung kahit ang pinakamakasaysayang mandirigmang adventurer ay hindi nagtagumpay sa huling hamon sa kabila ng kaniyang pagiging makapangyarihan, ano pa kaya siya na kasalukuyang nagtataglay ng mas mababang antas at ranggo?

Gusto niyang makagawa muli ng isang kasaysayan, at gusto niyang patunayan na kakayanin niyang mapagtagumpayan ang huling hamon kahit na hindi ganoon kaganda ang naging simula niya.

Isa lang siyang Heavenly Supreme Rank noong magtungo siya sa Land of Origins. Hinahamak siya't kinokonsidera ng karamihan bilang wala lang, pero unti-unti niyang ipinakita sa mga ito ang kaniyang kakayahan hanggang sa siya na ngayon ang nasa pinakataas ng usapan. Mula sa pagiging wala lang, napunta na siya sa kaitaas-taasan.

Kaya kailangan niyang magpursigi pa dahil gusto niya iyong panatilihin o higitan.

Sisimulan niya na sana muli ang kaniyang pagsasanay, subalit natigilan siya at napakunot na lang ang kaniyang noo dahil may impormasyon na bigla na lang nakarating sa kaniya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon