Chapter CLX: Allegiance to the Hero (Part 2)
Nang marating nina Finn at Fenris ang sentro, naroroon na si Keanu at ang mga warwolf. Hindi kaagad siya bumaba dahil napahinga siya ng malalim at sandaling nag-isip. Hindi niya pa alam kung ano ang eksaktong dahilan, subalit kasa-kasama ni Keanu ang lahat ng miyembro ng Warwolf Clan.
Tama. Sa kasalukuyan, ang warwolf na bumibilang ng libo-libo ay kasalukuyang nasa loob ng kanilang teritoryo, at dahil sa rami ng mga ito kaya nasakop nila ang maliit na bahagi ng sentro.
Ito ang dahilan kaya nagpadala ng mensahe si Belian. Dumating nga ang mga warwolf, subalit libo-libo ang bilang ng mga ito at kung papasok silang lahat sa kastilyo para makisaya sa piging, magkakaroon ng problema dahil hindi kaya ng bulwagan na pagkasyahin ang napakaraming panauhin.
Makaraan ang ilang segundo, nagdesisyon na siyang bumaba para harapin si Keanu. Binigyan niya ito ng matamis na ngiti at marahan siyang nagwika, “Akala ko ay kung ano na ang nangyari sa inyo. Hindi mo naman nabanggit na isasama mo pala ang iyong mga ka-angkan sa inyong pagbisita sa santuwaryo.”
Humalakhak si Keanu at masigla siyang tumugon, “Sa totoo lang ay isa itong surpresa. Isinama ko ang lahat ng miyembro ng aking angkan dahil napakahalaga ng sandaling ito sa amin.”
Pilit na ngumiti si Finn. Bahagya siyang tumango at tila ba naiilang niyang sinabing, “Masyado kayong marami. Ang aming bulwagan ay hindi ganoon kalawak. Hindi namin napaghandaan nang sobra ang pagdagsa ng mga panauhin, at kung lahat kayo ay magtutungo sa kastilyo, nangangamba akong baka hindi kayo magkasyang lahat. Kung alam ko lang, dito sa sentro ko na lang sana ginanap ang piging ”
Malapad na ngumiti si Keanu kay Finn. Itinuro niya ang mga warwolf na nasa kaniyang likuran at sinabing, “Hindi ko plano na isali sila ginaganap na piging kaya hindi mo kailangang mag-alala, Finn Silva. Iba ang aking rason kung bakit ko sila isinama rito. At kung ano iyon...”
Mas lalo pang lumapad ang kaniyang ngiti. Ibinuka niya ang kaniyang mga braso at masigla siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “..napagdesisyunan namin, ng Warwolf Clan, na sumumpa ng katapatan sa iyo, Finn Silva. Gusto naming sumapi sa iyo kaya sana ay tanggapin mo ang aming panunumpa ng katapatan sa iyo.”
Lumuhod si Keanu. Kaagad na sumunod si Accalia, ang mga elder, at ang lahat ng mga warwolf sa ginawang pagluhod ng kanilang pinuno. Isang makapigil-hiningang pangyayari sa puntong napatulala na lang sina Finn at Fenris.
Ganoon man, agad silang nakabawi at pareho silang nakaramdam ng pagkasabik dahil ang pangyayaring ito ay napakagandang balita para sa New Order.
Karagdagang kakampi! At higit sa lahat, ito ay angkan ng mga mandirigma. Hindi sobrang lakas na angkan ang mga warwolf, subalit malaking karagdagan sila sa hanay ng New Order dahil sila ay kabilang sa sinaunang lahi na may malaking potensyal na siguradong maaasahan sa mga labanan.
Hindi na nagsayang si Finn ng oras. Isinasagawa na ng mga warwolf ang ritwal ng panunumpa ng katapatan kaya tinanggap niya ang mga ito nang walang pagdadalawang-isip. Labis na saya ang kaniyang nararamdaman, at dahil sa pagdagdag ng mga warwolf sa kanilang hanay, kaagad siyang nakaisip ng magandang pagkakaayos sa mga ito.
Matapos maisakatuparan ang panunumpa ng katapatan, tumayo na ang mga warwolf. Malapad na ngiti pa ring hinarap ni Keanu si Finn. Hindi siya makikitaan ng pagsisisi, at sa loob-loob niya, ito ang desisyon na alam niyang hindi niya pagsisisihan.
“Salamat sa paniniwala sa akin. Pangako, hindi kayo magsisisi sa desisyon ninyo na samahan ako at ang New Order na tuparin ang aming mga layunin,” masiglang saad ni Finn.
“Alam namin. Napansin at nasaksihan namin kung paano mo itrato ang iyong mga kasapi gayundin ang iyong mga tauhan kaya hindi ako nangangamba na sumumpa ng katapatan sa iyo,” tugon ni Keanu at pasimple niyang sinulyapan si Fenris, ang kaniyang anak.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...