Chapter LVI

4.8K 870 56
                                    

Chapter LVI: Different Path

Pasimpleng sinulyapan ni Finn sina Ikiryu at Firosa. Bigla siyang may naisip, subalit nag-aalinlangan siya kung ihahayag niya iyon sa dalawa. Ganoon man, noong muli niyang binalingan ng tingin sina Kiden, Vella, Noah, at Ashe, naglakas-loob na siya na ihayag sa dalawa kung ano ang naiisip niya.

“Kalabisan ba kung hihilingin ko sa inyo na hayaan muna natin sila? Matagal-tagal din noong huli silang magkita... at sa tingin ko, nararapat lamang na magkaroon sila ng pribadong oras bilang isang pamilya,” kalmadong sabi ni Finn dahilan para mapabaling sa kaniya sina Ikiryu at Firosa.

Sandali siyang tinitigan ng dalawa. Buong akala niya ay may sasabihin ang mga ito sa kaniya. Akala niya ay magagalit sila dahil sa kaniyang sinabi, pero nabigla na lang siya ng humakbang ang mga ito palabas ng silid nang walang binibitawang kahit anong salita.

Nagtaka siya, pero agad din siyang nakabawi. Hindi niya mapigilan na ngumiti at matapos bigyan ng huling sulyap sina Ashe, sumunod na siya kina Ikiryu at Firosa palabas ng silid.

Pagkalabas na pagkalabas niya sa pintuan, nakaabang na sa kaniya ang dalawa. Nahagip din ng kaniyang mga mata ang iba pang mga axvian. Naroroon pa rin ang matalim nilang mga tingin, pero sanay na siya sa ganitong pagtrato kaya hindi na siya nasisindak sa kanila.

Nanatili lang siyang nakangiti sa kabila ng nakamamatay na tinging ibinibigay sa kaniya ng mga axvian.

“Ihaharap ka muna namin sa aming pinuno, Finn Silva. Kailangan pa naming ipaliwanag sa kaniya ang desisyon namin na isama kayo rito gayong si Kiden lang dapat ang kasama namin pabalik dito,” seryosong sabi ni Firosa. “At payo ko lang, mas maganda kung mayroon kang regalo sa kaniya na kagaya ng ibinigay mo sa mga minokawa. Kapag natuwa siya, maaaring hindi niya na rin kami kuwestyunin sa pagdadala namin sa inyo rito,” makahulugang dagdag niya.

Napakunot ang noo ni Finn, subalit agad niya ring nakuha ang ibig sabihin ni Firosa. Nagliwanag ang kaniyang ekspresyon. Umarko ang kaniyang labi at binigyan niya ng matamis na ngiti ang dalawa.

“Walang problema. Marami akong dalang gano'n at hindi kabawasan sa amin kung magbibigay ako sa inyo ng ilang bariles. Marami rin akong iba't ibang uri noon na siguradong papatok sa inyong panlasa,” ani Finn.

Nagkatinginan sina Ikiryu at Firosa. Nanatiling seryoso ang kanilang ekspresyon, pero sa loob-loob nila, labis silang nananabik dahil sigurado na nilang matitikman ulit nila ang napakasarap na alak na dala ni Finn. Hindi nila makalimutan ang lasa ng alak na natikman nila sa tribo ng mga minokawa. Para bang naiwan sa kanilang dila at lalamunan ang lasa noon. Hangad din nilang matikman pa iyon, pero labas sa karakter nila na humingi sa iba kaya kahit na gustong-gusto nila na makibahagi kay Muriel, nagtiis na lang sila at nagkunwaring hindi interesado.

Pero ngayon, handa si Finn na regaluhan ang kanilang tribo ng bari-bariles na alak kaya masayang-masaya sila. Mayroon na silang mapaglilibangan at hindi na nila kailangang magtiis sa mga alak na hindi kanais-nais ang lasa.

“Siguraduhin mo lang. Kapag natuwa sa iyo ang pinuno, marahil palitan niya ang mga regalo mo ng mga kayamanan na kailangan ninyo,” sabi ni Ikiryu at makahulugan siyang ngumisi.

“Sumunod ka na sa amin. Hayaan mo na muna sila sa silid na iyan at hayaan mong ang aming mga ka-tribo na ang magbantay sa kanila. Hindi tayo magtatagal dahil gusto na rin ng pinuno na makausap ang aming anak.”

--

Nagtagal pa ang pagyakap nina Kiden, Vella, at Noah kay Ashe hanggang sa magdesisyon na silang kumalas para maayos na makausap ito. Mamasa-masa ang mga mata ng tatlo at mababakas sa mukha nila ang kasiyahan dahil muli, nayakap at kaharap na muli nila ang kanilang anak na matagal na napawalay sa kanila.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon