Chapter LXVII

5.7K 898 49
                                    

Chapter LXVII: New Power Acquired

Naramdaman ni Finn ang matinding init na ngayon niya pa lang naramdaman sa kaniyang buhay. Nagliliyab ang kaniyang katawan. Nasusunog ang kaniyang kalamnan at mga lamang-loob, subalit wala siyang magawa para ito ay pigilan. Ang magagawa niya lang ay tiisin ang pagdurusang ito habang inaabsorb ng kaniyang soulforce coil ang napakainit na kapangyarihan na mula sa butil ng pulang kristal.

Gusto niyang sumigaw upang ilabas ang kaniyang paghihinagpis, ganoon man, para ipakitang kaya niya, kinagat niya na lang ang kaniyang labi at tiniis ang hapdi na kaniyang nararamdaman.

Nakakayanan ng kaniyang balat na makatagal sa init, pero ang kaniyang kalamnan ganoon din ang kaniyang mga lamang-loob ay hindi. Kailangan ng kaniyang kalamnan at mga lamang-loob ng proteksyon kaya agad siyang gumawa ng paraan para protektahan ang mga ito. Ginamit niya ang sarili niyang enerhiya para protektahan ang kaniyang puso at mga mahahalagang lamang-loob. At dahil sa proteksyong ibinibigay niya sa loob ng kaniyang katawan, nababawasan ng bahagya ang kaniyang pagdurusa at unti-unti na siyang kumakalma.

Sa kabila ng paghihirap na nararanasan niya, hindi pa rin nangangamba si Finn na magkakaroon ng insidente sa pagkonsumo niya sa kapangyarihan ng butil ng kristal. Hindi madali, subalit hindi ito kasing lala ng kaniyang naranasan noong kinonsumo niya ang retaso ng kapangyarihan ng Elemental God na nakuha niya mula sa Creation Palace.

Mas malala pa rin ang kaniyang karanasan noon, at mas nahirapan siyang i-absorb iyon dahil iyon ang unang retaso na kaniyang kinonsumo. Pero ngayon, ito na ang pangalawang beses kaya hindi na naninibago ang kaniyang katawan. Medyo nasanay na ito sa pagkonsumo niya ng mararahas na enerhiya kaya hindi na nalalagay sa panganib ang kaniyang buhay hindi kagaya noong una.

Matapos ang ilang saglit, kumalma na siya dahil hindi na siya nakararamdam ng paghihirap. Mabilis na inaabsorb ng kaniyang soulforce coil ang kapangyarihan na nakapaloob sa butil ng kristal kaya naiibsan na ang init na kaniyang nararamdaman. Ginagawa na itong pag-aari ng kaniyang katawan, at habang nangyayari ito, nakararamdam na siya ng koneksyon sa bagong kapangyarihan na nasa loob ng kaniyang soulforce coil.

Samantala, seryoso lang ang reaksyon nina Faino at Astra habang pinanonood nila si Finn. Titig na titig sila sa katawan nito na kasalukuyang nababalutan ng napakainit na apoy at makailang sandali pa, hindi na napigilan ni Astra na magwika.

“Ang kapangyarihan na nakapaloob sa butil ng kristal na iyon ay talagang hindi pangkaraniwan. Kung si Finn ay nagtataglay lamang ng pangkaraniwang katawan at pangkaraniwang soulforce coil, siguradong kanina pa siya naging abo. Talagang hindi siya pangkaraniwang adventurer, at ito ang pangunahing rason kung bakit siya lang ang bukod-tanging pinili ng iyong bato ng tadhana,” seryosong sabi ni Astra.

Umismid si Faino. Pinagkrus niya ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib at malumanay na sinabing, “Hindi pipili ang aking bato ng tadhana ng pangkaraniwan. Siya ay pambihira sa lahat ng pambihira, at kagaya nga ng titulong ibinigay nila sa kaniya, isa siyang makasaysayang nilalang dahil sa pagiging iregularidad niya.”

Matapos niyang sabihin ang mga katagang ito, binuksan niya na ang lagusan pabalik sa kanilang mundo. Ngumiti siya kay Astra at sinabing, “Balewala ang pag-aalala mo sa kaniya. Mukha namang hindi siya mamamatay kaya bumalik na tayo sa ating mundo at lumabas na lang tayo kapag narating niya na ang Heavenly Gourmet Island.”

Sandaling nag-isip si Astra, pero hindi kalaunan, tumango siya at sumang-ayon sa mungkahi ni Faino. Nagbukas na rin siya ng lagusan at magkasabay silang pumasok sa kani-kanilang lagusan pabalik sa kanilang mundo, sa mundo ng mga guardian spirit. Hindi na nila hinintay na matapos si Finn sa ginagawa nito, at basta na lang silang umalis nang walang paalam.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon