Chapter CXL: Despicable!
Nagngingitngit ang mga ngipin ni Aneira, ng Ice Celestial Queen, habang nasasaksihan niya ang mga kapwa niya tagalabas na kinakalaban ang Evil Jinn. Siya at ang kaniyang puwersa ganoon din ang kakampi niyang si Leora, ang Light Celestial Queen, ay kabilang sa mga tagalabas na hindi nakikipagtulungan para matalo ang nilalang na likha ng kalangitan. Marahil gustong-gusto niya na siya ang makatapos sa huling hamon dahil sa malaki niyang ambisyon na maging pinakamalakas, subalit hindi kaya ng kalooban niya na makipagtulungan sa iba dahil pakiramdam niya ay malaking kabawasan iyon sa kaniyang dignidad bilang taga-divine realm at bilang isang Demigod Rank.
“Hindi ito tama! Bakit ang mga Abyssal Saint Rank na iyon ang nangingibabaw sa huling hamon?! At bakit apat sa kanila ay nagtataglay ng divine artifact habang ako, ang Light Celestial Queen, na isang Demigod Rank ay walang divine artifact?! Hindi ito patas! Hindi makabuluhan ang nangyayaring ito!” iritadong sambit ni Aneira.
Mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili at sobra siyang naiinggit dahil sa kasalukuyan, mayroon siyang limang divine artifact, subalit gamit-gamit iyon ng kaniyang mga itinuturing na karibal. Isa siyang Demigod Rank, pero wala siyang pambihirang kayamanan na kagaya ng mga divine artifact nina Zelruer, Finn, Kiden, Tiffanya, at Ashe.
“Ang Finn Silva na iyon... mayroon siyang divine artifact gayun din ang kaniyang heneral! At sinong mag-aakala na hindi lang pala talaga tatlo ang tinataglay niyang elemento? Hindi lang siya nagsasanay ng elemento ng tubig, hangin, at kidlat--mayroon pa siyang elemento ng apoy! At higit sa lahat, tatlo sa apat niyang elemento ay may napakataas na kalidad!”
Mas humigpit pa ang pagkakakuyom ni Aneira sa kaniyang mga kamao. “Inagaw niya na ang atensyon ng lahat. Nagawa niyang maging kaibigan ang iba't ibang lahi, indibidwal, at puwersa sa mundong ito, at ngayon, maging ang mga pambihirang kayamanan dito ay kinamkam niya rin! Ano pa ang hindi niya kayang gawin?! Mayroon ba siyang hindi kayang gawin?!”
“Isa pa, paanong nagawa iyon ng isang water celestial lamang?! Dapat sa elemento ng tubig lang siya mahusay, pero hindi, sa ibang elemento rin! Kahit si Kailani, ang kasalukuyang Water Celestial Queen, na siya ring Celestial Sea Empress, ay hindi kayang gawin ang mga nagawa niya!” dagdag niya pa at mahahalata sa kaniya ang matinding panlulumo.
Pinilit ni Leora na pakalmahin si Aneira. Minasa-masahe niya ang balikat nito at habang pilit na nakangiti, bahagya siyang nagwika, “Huminahon ka muna, mahal kong Aneira. Ang Finn Silva na iyon ay masyadong espesyal kaya hindi natin puwedeng sabihin na isa lang siyang ‘water celestial’. Marami na siyang himalang napagtagumpayan. At hindi na nakagugulat malaman na nagsasanay siya ng iba't ibang elemento dahil napakahusay niya sa iba't ibang propesyon. Masyadong misteryoso ang pagkatao niya, at kung iisa-isahin natin ang mga nagawa niyang hindi kapani-paniwala, wala tayong kahit isang nilalang na maikukumpara sa kaniya.”
“Kahit ang mga himalang nagawa ng pinakamakasaysayang nilalang sa ating mundo ay hindi maikukumpara sa rami ng himalang nagawa ni Finn Silva. Marahil makapangyarihan ang Ethereal Sun Emperor, pero kung talento at potensyal ang pag-uusapan, mas katakot-takot si Finn Silva dahil kapag tuluyan niya nang naabot ang Demigod Rank, malaki ang tsansa niyang maagaw ang isa sa labindalawang trono,” paliwanag niya pa.
Inalis ni Aneira ang mga kamay ni Leora sa kaniyang balikat. Binigyan niya ito ng masamang tingin. Suminghal siya at mariing sinabing, “Hindi pa rin ako natutuwa sa nangyayari! Matatanggap ko pa kung si Zelruer ang nangingibabaw sa huling hamon dahil alam natin kung gaano ka-halimaw at kabaliw ang isang iyon, gayunman, isang Abyssal Saint Rank ang animo'y nagpapasunod sa mga Demigod Rank! Wala ba silang hiya sa kanilang sarili?! Sumusunod sila sa mas mahina kaysa sa kanila! Mayroon lang siyang divine artifact, pero kung wala siya noon, hindi siya makapagdudulot ng kahit anong pinsala sa Evil Jinn!”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...