Chapter XLIV: Cursed by the Heavens (Part 2)
“Pumanaw dahil sa katandaan habang wala pang limandaang taong gulang..?” Hindi mapigilang maibulalas ni Finn matapos pumasok sa isip niya ang mga sinabi ni Kaia. Napahinga siya ng malalim. Seryoso siyang tumingin dito at marahan siyang nagtanong, “Paanong nangyari iyon gano'ng ang lifespan ng isang nilalang na may mataas na antas at ranggo ay umaabot ng libo-libo o daan-daang libong taon? Tanging mga nasa Legend Rank pababa lamang ang hindi umaabot ang edad sa limandaang taon dahil ang hangganan ng kanilang lifespan limang daang taon lamang, gano'n man, hindi ako naniniwalang ang isang minokawa na kabilang sa lahi ng mga divine beast ay dumadaan pa sa pagiging Legend Rank.”
“Kayo ay maharlikang lahi. Hindi maikukumpara ang inyong lahi sa mga tao o pangkaraniwang demonyo. At dahil sa inyong pagiging katangi-tangi, ang inyong lifespan ay higit na mas malaki kaysa sa ibang lahi,” dagdag niya.
Hindi kapani-paniwala para sa kaniya na ang isang makapangyarihang nilalang ay papanaw sa katandaan kahit na ilang daang taong gulang pa lang ito. Masyado iyong imposible para sa kaniya. Maaaring maging posible lang iyon kung may napakalubhang karamdaman ang minokawa na pumanaw, pero malinaw ang pagkakasabi ni Kaia na pumanaw ito dahil sa katandaan, at higit sa lahat, malinaw niyang naiintindihannna ang ganitong pangyayari sa tribo ng mga minokawa ay normal na lang. Kaya hindi niya mapigilan na kuwestyunin ito dahil gusto niyang maliwanagan sa kahiwagaan ng tribo ng mga minokawa.
“Ihahatid na kita sa iyong mga kasama, Finn Silva. Hindi kalaunan, maliliwanagan ka rin sa aking mga sinabi, pero sa ngayon, itikom mo muna ang iyong bibig dahil hindi maganda kapag nalaman ng iba na mayroon ka nang alam na sensitibong impormasyon tungkol sa amin,” seryosong sabi ni Kaia. “Sumunod ka na sa akin. Mayroon pa akong gagawin... at kailangan ko pang hikayatin ang mga elder at supreme elder patungkol sa isang bagay,” aniya.
Agad na nadismaya si Finn sa loob-loob niya dahil hindi direktang sinagot ni Kaia ang kaniyang tanong. Subalit, wala na siyang magagawa tungkol sa bagay na iyon dahil baka sumama pa ang kaniyang imahe kapag pinilit niya ang paksang iyon. Sa kabila banda, hindi siya nawalan ng pag-asa. Sinabi nito na hindi kalaunan ay maliliwanagan din siya sa kasalukuyang sitwasyon ng mga minokawa, at ang kailangan niya lang gawin ay maghintay na matapos ang pagpupulong ng mga elder at supreme elder ng tribo.
‘Hindi nila nababanggit ang tungkol sa kanilang pinuno. Para sa ganito kahalagang bagay sa kanilang tribo, hindi ba't dapat ay ang pinakanakatataas ang umaasikaso nito? Tanging mga elder lang ang humarap sa akin. Wala ang mga supreme elder ganoon din ang kanilang pinuno, at masyado itong kakaiba para sa akin,’ sa isip ni Finn. ‘Nasanay akong palaging naroroon ang pinuno ng isang tribo o pangkat. Minsan ay kompleto pa silang humaharap sa akin kagaya ng tribo ng mga arkous at tribo ng mga ankur, pero ang mga minokawa... kakaiba ang kanilang ikinikilos at pakiramdam ko ay mayroon silang ikinukubling sikreto.’
Palala nang palala ang paghihinala ni Finn sa mga minokawa. Ito na ang pinaka kakaibang pangkat na nakilala niya sa buong Land of Origins, lalo na noong malaman niyang isang minokawa ang pumanaw dahil sa katandaan kahit nagtataglay ito ng murang edad pa lamang. Nadagdagan pa lalo ang kaniyang mga palaisipan, subalit hindi niya ito deretsahang malinaw kay Kaia dahil hindi ito handang sumagot ng direkta.
Dahil dito, isinantabi niya muna ang pag-iisip patungkol sa kaibahan ng mga minokawa. Sumunod na siya kay Kaia patungo sa kinaroroonan nina Auberon. Kailangan niyang ibalita sa mga ito ang kabuoang nangyari sa pagpupulong, dapat malaman ng mga ito na ligtas na sila at bukod pa roon, ang kanilang hinahanap na tribo ng mga axvian ay malapit na nilang matagpuan.
Dahil hindi ganoon kalayo ang pinamalagian nina Auberon, agad na nakarating sina Finn at Kaia roon. Pagkahatid na pagkahatid ni Kaia kay Finn, umalis na kaagad siya sa kadahilanang mayroon pa siyang mahalagang aasikasuhin. Pero bago siya umalis, pinaalalahanan niya muna sina Yotaro at Takiryu na gabayan ang grupo nina Finn at asikasuhing mabuti ang mga ito na para bang mga panauhin.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...