Chapter XCVI

4.9K 879 43
                                    

Chapter XCVI: The Backlash

Aktibo ang mga tagalabas at mamamayan ng Land of Origins sa paglitaw ng iba't ibang oportunidad. Kaliwa't kanan ang labanan ganoon din ang kampihan para lamang makuha ang mga kayamanan na maaaring bumago sa kanilang kapalaran. Patindi nang patindi ang sagupaan sa iba't ibang panig ng mundo ng pinagmulan, ganoon man, lingid sa kaalaman ng karamihan na malapit na palang umabot sa katapusan ang kapayapaan.

Sa kalagitnaan ng isang malawak na disyerto, sa Land of Origins pa rin, isang malaking bilog na animo'y itlog ang bigla na lamang umusbong mula sa pinong-pinong buhangin. Ang bagay na ito ay kulay lila. Mayroon itong mapupulang ugat na tila ba may sarili itong pulso at panay pa ang pagtibok nito. Bukod pa roon, naglalabas ang kabuoan nito ng napakalamig at kakila-kilabot na aura.

Sa paglitaw ng kakaibang itlog, isang malaking pagbabago ang naganap sa kapaligiran. Kumapal ang ulap sa himpapawid. Bigla na lamang dumilim ang langit. Nagbagsakan ang mga kidlat at dumagundong ang nakabibinging mga kulog. Lumitaw rin ang isang hindi nakikitang harang sa palibot nito.

Ang lahat ng ito ay naganap sa isang iglap lamang, pero matapos noon, wala nang kakaibang nangyari at nagpatuloy lang ang itlog sa pagtibok na para bang may sarili itong buhay.

Makaraan ang ilang sandali, isang pigura ng isang lalaki ang lumitaw sa himpapawid. Nakasuot ito ng pangkaraniwang kasuotan at puting maskara. Kapansin-pansin sa mga mata nito na titig na titig siya sa kakaibang itlog na nasa buhanginan.

“Malapit nang magsimula ang huling pagtatasa. Alinman sa makikilala na ang magiging pinakamakapangyarihang adventurer sa hinaharap o hindi pa talaga ito ang tamang panahon para hirangin ang karapat-dapat,” malumanay na sambit ng lalaki. “Masyado nang matagal ang ipinaghintay ko. Sana sa pagkakataong ito ay magkatotoo na ang nasa propesiya. Maraming adventurer ngayon ang may potensyal na makatapos sa huling pagtatasa, subalit nakasalalay sa iyo, aking anak, ang lahat. Naniniwala akong lahat ng ginawa kong paghahanda para sa iyo ay hindi mapupunta sa wala dahil saksi ako kung paano mo ginamit sa tama ang lahat ng bagay na natanggap mo.”

“Kung hindi ka pa rin magtatagumpay... sa tingin ko ay imposible nang magkatotoo ang nasa propesiya. Mananatili na ang sumpa ng kalangitan sa Land of Origins nang panghabang-buhay,” dagdag niya pa habang ang kaniyang mga mata ay titig na titig pa rin sa kakaibang itlog na nasa buhanginan.

--

Sa ilang minuto lang, naubos nina Edmund, Levira, at Senkaku ang mga inihandang pagkain, panghimagas, at inumin ni Juego. Sinimot nila ang bawat patak ng pagkain at inumin. Wala silang itinira sa kanilang plato at baso kahit na kapiranggot, ganoon man, kung ihahambing sa reaksyon nila noong matikman nila ang pagkaing inihanda ni Finn, ang reaksyon nila ngayon ay napakasimple lang. Mababakas sa kanilang mukha ang pagkakontento, subalit hanggang doon na lang iyon at para bang hindi na sila naghahangad ng sobra pa.

Napakalaki ng pagkakaiba ng reaksyon nila habang kinakain nila ang Butter Garlic Rampage Steak ni Finn at ang Golden Shrimp Stew ni Juego. Malinaw na malinaw sa lahat ng naroroon kung sino ang nakalalamang sa laban, at sa totoo lang, hindi na kailangang ihayag pa ng mga hurado ang puntos na nakuha ng dalawang nagtutunggalian dahil alam na ng mga manonood sa sarili nila kung sino ang nagwagi.

“Kailanman ay hindi talaga ako binigo ng pinaka-ipinagmamalaki mong putahe, Master Chef Juego. Nasisiyahan pa rin ako sa pagkain ng iyong Golden Shrimp Stew at isa pa rin ito sa pinakapaborito kong kainin sa islang ito,” sabi ni Senkaku at binigyan niya ng matamis na ngiti si Juego.

Samantala, nang marinig ni Juego ang papuri ni Senkaku ay para bang nabuhayan siya ng loob. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa noong makita niya ang reaksyon ng tatlong hurado habang kinakain ng mga ito ang mga inihanda niya, ganoon man, dahil sa mga sinabi ni Senkaku, nabuhay ang katiting na pag-asa sa kaniyang puso't isipan.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon