Chapter CXLVIII: Giving Everything
Dahil ibinunyag niya na sa lahat ang ilan sa kaniyang sikreto, hindi na gaanong mahalaga sa kaniya kahit ilantad niya rin ang isa pa niyang divine artifact--ang God-eater Sword. Gusto niya pang ipagpatuloy ang kaniyang pakikibaka. Ayaw niyang sumuko sa labang ito dahil marami ang umaasa sa kaniya. Mayroon pa siyang natitirang lakas para lumaban, at dahil hindi niya na magagamit ang Hammer of God dahil ubos na ang enerhiya nito, ang God-eater Sword na lang ang natitira niyang sandata na maaaring makatulong sa kaniya sa laban.
Oo, kung lakas ang pag-uusapan ay higit na mas malakas ang God-eater Sword kaysa sa Hammer of God. Ang God-eater Sword ay sadyang nakalaan para sa pakikipaglaban habang ang Hammer of God ay maaari ring gamitin sa pakikipaglaban, subalit karaniwan itong ginagamit sa pagpapanday. Ganoon man, sa ganitong sitwasyon kung saan ang kalaban ay dambuhala, higit na mas kapaki-pakinabang ang Hammer of God dahil sa pambihira nitong kakayahan--iyon ang nasa isip ni Finn.
Hindi sa wala siyang bilib sa God-eater Sword. Aktuwal niyang nasaksihan kung gaano ito kalakas noong kinalaban niya noon si Brien, pero sa liit nito, hindi niya sigurado kung magiging kasing epektibo ito ng Hammer of God na may kakayahang lumaki at maging dambuhala.
Ito ang dahilan kaya mas piniling gamitin ni Finn ang Hammer of God kaysa sa God-eater Sword laban sa Evil Jinn. Mas napipigilan niya ang mga atake ng dambuhalang nilalang dahil napapalaki niya ang martilyo.
Pero ngayon, wala na siyang pagpipilian kung hindi gamitin ang God-eater Sword dahil mas lalong walang magagawang pinsala ang kaniyang mga Unique Armament kung ito ang gagamitin niya sa pakikipaglaban sa Evil Jinn.
Pagkatapos niyang maihanda ang kaniyang sarili, huminga si Finn at umayos siya ng porma. Iniabante niya ang kaniyang kanang paa habang dalawang kamay niyang hinawakan ang kaniyang espada. Hindi niya inalis ang kaniyang atensyon sa Evil Jinn, at matapos niyang makabuwelo, pumadyak siya sa lupa at mabilis siyang sumugod upang simulan ang kaniyang mga pag-atake.
Simpleng mga pag-atake muna ang kaniyang gagawin upang hindi siya maubusan ng celestial power. Sinubukan niya na ang kaniyang pinakamalakas na atake kanina, subalit hindi iyon nagtagumpay kaya ngayon, susubok siya ng ibang paraan at aalamin niya kung iyon ay gagana.
Wala rin siyang pagpipilian sapagkat hindi niya kayang ulitin ang ginawa niya kanina dahil sa gamit niyang sandata.
At nang masaksihan ng mga tagalabas na nagbago si Finn ng taktika, hindi na lang nanatiling walang ginagawa iba sa kanila at kumilos na rin sila para tumulong dito sa pag-atake sa Evil Jinn.
May mga nanatiling walang kibo. Wala silang balak na lumahok dahil ayaw nilang masayang ang natitira nilang lakas at enerhiya. Itinatabi nila ito dahil nakita nila na napakaraming nakaabang na oportunidad sa paligid. Walong divine artifact ang maaaring mapasakamay nila kapag namatay sina Zelruer, Ashe, Tiffanya, Kiden, Eon, at Finn kaya mas pinili nilang umantabay na lamang upang kapag nagkaroon ng pagkakataon, maaari nilang makuha ang isa sa mga divine artifact ng mga ito.
Kahamak-hamak ang kanilang taktika, subalit pangkaraniwan na lamang ang ganito sa mundo ng mga adventurer. Hindi mahalaga kung sa patas o hindi patas na paraan nakuha ng isang adventurer ang isang pambihirang kayamanan dahil ang mahalaga ay nagtagumpay ang adventurer na iyon sa pagkuha sa kayamanan.
Hindi na kailangang intindihin pa ang proseso kung paano iyon nakuha, at ito ang reyalidad sa mundo ng mga adventurer.
Sa kabilang banda, ang mga miyembro ng New Order na may kakayahan pang lumaban ay sumugod na rin. Marahil hindi pa sila lubusang nakakabawi ng lakas at enerhiya, at marahil malapit na rin nilang maabot ang kanilang limitasyon, ganoon man, nagkaroon sila ng inspirasyon dahil sa matinding determinasyon ni Finn.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...