Chapter LV

4.8K 876 39
                                    

Chapter LV: Encounter

Dahil nangangamba sina Finn at Kiden na baka magbago ang isip nina Ikiryu at Firosa, nagkasundo sila na sumunod sa gusto ng mga ito. Ramdam ni Finn ang pagkakaroon ng maikling pasensya ng mga axvian kaya kaagad na siyang nagpaalam kina Muriel, Kaia, at sa limang elder ng tribo ng mga minokawa. Wala na silang kailangan pa sa mga minokawa dahil nakuha na nila ang mga sadya nila rito. Sa kabilang banda, dahil sila ay mga panauhin, nagpatawag si Muriel ng ilang minokawa para gabayan sina Finn paalis ng tribo.

At matapos makaalis nina Finn, Kiden, Ikiryu, at Firosa, kaagad na hinarap ni Muriel si Kaia at ang limang elder. Sumeryoso ang kaniyang ekspresyon at taimtim niyang sinabing, “Narinig ninyo ang sinabi nina Ikiryu at Firosa tungkol sa kanilang natuklasan sa lagusan palabas ng mundong ito. Ang kanilang ibinunyag ay hindi magandang balita sa atin dahil kung sila ay hindi makaalis sa mundong ito, malaki ang posibilidad na ganoon din tayo dahil sa sumpang ipinataw sa atin ng kalangitan.”

Bahagyang tumango si Horus. Taimtim siyang tumingin kay Muriel at nagtanong. “Ano'ng gagawin natin, Pinuno? Nais mo bang kumpirmahin namin kung mayroon ding harang na pipigil sa ating mga minokawa na makaalis sa lugar ito?”

“Oo. Subalit, ang nais kong magtungo roon ay kayong limang elder,” simpleng tugon ni Muriel. Itinuon niya ang kaniyang tingin sa pintuan kung saan lumabas sina Finn at malumanay siyang nagpatuloy, “Kayong lima, Horus, Nesta, Vireo, Sephora, at Luscinia ang gusto kong kumumpirma kung talaga nga bang walang pag-asa na makaalis tayo rito. Gusto kong gawin ninyo iyon nang mabilis, pero maingat. Naglipana ang mga tagalabas sa mundong ito. Marami sa kanila ang ganid, at kapag nalaman nila na umiiral tayo, siguradong tutugisin nila kayo dahil sa kanilang kasakiman sa mga kayamanan. Baka akalain nilang marami tayong itinatagong kayamanan dahil sa matagal nating pananatili sa libingan ng diyos ng mga axvian.”

“Hindi na tayo ang dating malakas na lahi dahil sa sumpang ibinigay sa atin ng kalangitan. Nasaksihan ninyo ang nangyaring laban sa pagitan ni Yotaro at ng dragon na kasama ni Finn Silva. Ayaw ko mang aminin, pero napag-iiwanan na tayo at hindi na natin kayang direktang makipagsabayan sa ibang puwersa o pangkat dahil kulang tayo sa karanasan sa pakikipaglaban. Isa pa, napaka kaunti ng ating bilang kumpara sa iba kaya kahit na ayaw ko, kailangan nating umiwas sa kanila kaysa makipagdigmaan. Ito ang mas makabubuti para sa atin, at tungkulin ko bilang inyong pinuno na isipin ang kapakanan ng bawat isa sa inyo,” taimtim na saad niya pa.

Yumukod ang limang elder kay Muriel. Bahagyang itinaas ni Horus ang kaniyang ulo para tingalain ang kanilang pinuno at malumanay siyang nagsalita, “Tatandaan naming lima ang iyong mga paalala, Pinuno. Gagawin din namin ang iyong ipinag-uutos nang mabilis at maingat.”

Ibinaling ni Muriel ang kaniyang tingin kina Horus at bahagya siyang tumango. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at taimtim siyang nagwika, “Kakausapin ko ang mga supreme elder tungkol sa bagay na ito. Kung sakali mang maaari tayong makalabas sa lugar na ito, kailangan ko silang masabihan kaagad. Kailangan ko ang kanilang lakas lalo na't siguradong makakasalamuha natin ang mga tagalabas sa ating paglisan dito.”

Sina Chelidan at Lonan ay parehong Demigod Rank, subalit mahina sila kumpara sa iba dahil sa kanilang sobrang katandaan. Hindi na rin nila kakayaning makipaglaban nang matagal dahil sa nauupos nilang life force, ganoon man, walang pagpipilian sina Muriel kung hindi isama sila sa laban ng mga minokawa. Ang gagawin nila ay para sa hinaharap ng kanilang tribo, para ito sa kanilang hangarin na makalaya mula sa sumpa ng kalangitan.

--

Habang ang mga minokawa ay naghahanda na para imbestigahan ang lagusan palabas ng libingan, si Finn kasama sina Kiden, Ikiryu, at Firosa ay agad nang nagtungo sa kinaroroonan nina Auberon para sunduin ang mga ito. Nagpadala na rin siya ng mensahe kay Altair gamit ang Conveying Sound Inscription. Sinabihan niya ito na sabihan ang mga kapitan at bise kapitan na maghanda na para sa kanilang sama-samang paglalakbay patungo sa teritoryo ng mga axvian.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon