Chapter C: Fate Alteration
“Sagutin mo ang tanong ko: paano ka nagkaroon ng kayamanan na iyon? Alam namin na tanging ang New Order at ang Creation Palace lamang ang nagtataglay ng ganoong kayamanan kaya paanong nagkaroon ka noon? Imposibleng mula iyon sa Creation Palace kaya sigurado akong mula iyan sa New Order! Isa pa, paano... paano mo naabot ang Supreme Demigod Rank?! Walang mortal sa kasaysayan ang nakakaabot sa Supreme Demigod Rank kaya paano mo naabot ang antas at ranggong iyan?!” tila ba naguguluhang tanong ni Baron, ng tumatayong lider ng alyansa ng mga dragon sa Land of Origins.
Kasalukuyan siyang nasa anyong tao, at kapansin-pansin ang napakaraming sugat sa kaniyang katawan. Mararamdaman din ang panghihina sa kaniyang aura at halatang-halata na sumalang siya sa isang matinding laban dahil sa kalunos-lunos na sitwasyon niya.
Sa harap niya, kalmado lang na nakatingin sa kaniya si Grogen. Katatapos lang nila sa matinding sagupaan, at kung siya ay nagtamo ng napakaraming pinsala, ito ay simpleng sugat at galos lamang ang tinamo.
Noong dumating si Grogen sa kanilang pinagtataguan, agad nitong inihayag ang kaniyang sadya. Nag-alok ito ng tulong laban sa mga draconian, pero ang kapalit ay kailangan nilang manumpa ng katapatan sa kaniya. Siyempre, si Baron at ang ibang dragon ay hindi pumayag sa alok nito. Pinagbantaan pa nila ito na papatayin kapag hindi ito umalis sa kanilang teritoryo.
Ganoon man, hindi kaagad umalis si Grogen doon. Hinamon niya si Baron kaya sumailalim sila sa isang duwelo. Gumamit siya ng Four Guardians Killing Formation at hindi siya pinansin ng mga ito noong una, ganoon man, ang mga mamamayang dragon ng Land of Origins ay nagulat nang matuklasan nilang ito ay hindi lang isang simpleng Chaos Demigod Rank, bagkus, isa itong Supreme Demigod Rank!
“Sasagutin ko lang ang mga tanong na iyan kapag pumayag na kayo sa aking iniaalok,” malamig na sabi ni Grogen. “Habang-buhay n'yo na lang bang balak na magpaapi sa mga draconian? Sa mga nilalang na ginagamit ang ating mga dugo't laman para makuha ang ating kapangyarihan? Hindi ako makapaniwala na sa mundong ito, ang lahi ng mga dragon ay inaapi lamang. Hindi ko iyon matagalan, at hindi ko rin matanggap ang kalapastanganan ng mga draconian kaya hinanap ko kayong mga dragon na naninirahan dito para alukin na maghiganti sa kanila.”
“Pero siyempre, tutulungan ko lang kayong makapaghiganti kung manunumpa kayo ng katapatan sa akin. Mayroon akong kakayahan na tulungan kayo. Isa akong Supreme Demigod Rank at nasaksihan ninyo kung gaano ako kalakas. Kung pipiliin ninyong maglingkod sa akin, ipinapangako kong agad din nating wawakasan ang lahi ng mga draconian,” seryosong dagdag niya.
Hindi agad tumugon si Baron. Nananatiling matapang ang kaniyang hitsura kahit na sobrang nanghihina na siya. Natalo siya sa laban, pero hindi pa rin siya umaamo. Matibay ang kaniyang paninindigan at ayaw niyang iyuko ang kaniyang ulo nang ganoon na lang kay Grogen.
“Ang ibig sabihin ng pagsumpa namin ng katapatan sa iyo ay ang aming pagiging alipin at ang pag-alis namin sa mundong ito. Ayaw naming lisanin ang aming mundo. Dito kami nabuhay, at dito na rin kami mamamatay!” mariing sambit ni Baron.
“Mamamatay nang kahiya-hiya dahil sa inyong kahangalan. Hindi pa ba kahiya-hiya ang inyong ginagawang pagtatago?! Masisigla kayo't walang karamdaman, subalit nagtatago kayo sa ganitong lugar dahil natatakot kayo sa mga draconian. Wala kayong lakas ng loob na lumaban dahil mahihina kayo't kaawa-awa,” mapanghamak na sabi ni Grogen.
Naikuyom ni Baron ang kaniyang mga kamao. Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin at tumulo ang dugo sa gilid ng kaniyang mga labi. Hindi niya matanggap ang mga panghahamak ni Grogen, pero hindi siya makatutol. Hindi niya maipagtanggol ang kaniyang sarili dahil ang mga sinasabi nito ay pawang mga katotohanan.
“Nangangako ka bang tutulungan mo kami na makapaghiganti sa mga draconian? Sumusumpa ka ba na uubusin mo sila kapag pumayag kami na manumpa sa iyo ng katapatan?”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...