Chapter CLXVII

5.3K 941 143
                                    

Chapter CLXVII: The Truth About His Identity

“Mayroon ka, pero hindi na mahalaga iyon dahil napakatagal niya nang nilisan ang mundo ng mga buhay. Matagal na siyang patay, at kasalanan niya kung bakit iyon nangyari,” ani ng kaniyang ama. Humakbang ito papalapit sa kaniya at umupo ito sa upuang inupuan ni Lucius kanina. “Hindi mo siya katulad. Hinayaan ko siyang magamit ang buo niyang potensyal simula una pa lamang. Hindi siya lumaki sa isang lower realm, at dahil walang selyo ang kaniyang kapangyarihan, bukod sa mga emperador at emperatris ay siya ang naging pinakamakapangyarihang adventurer sa henerasyon niya. At nagawa niya iyon sa loob ng maikling panahon lamang.”

“Walang kahirap-hirap niyang naabot ang mataas na antas at ranggo. Hindi niya kinailangang dumaan sa maraming pagsubok kaya sobrang taas ng kumpyansa niya sa kaniyang sarili at iyon ang pangunahing dahilan ng ikinabagsak niya.”

Nanatiling gulat ang ekspresyon na mababakas sa mukha ni Finn. Mayroon na siyang ideya kung sino ang tinutukoy nito--kung sino ang kaniyang kapatid--ganoon man, hindi pa rin siya makapaniwala na mayroon siyang kaugnayan doon dahil napakalaki ng agwat ng panahon na sila ay umiral na dalawa.

Si Yashvir, ang unang sumubok na mapagtagumpayan ang huling hamon ng Land of Origins. Kahit si Elvira ay inakala na makakayanaan nito na mapagtagumpayan ang huling hamon dahil nagtataglay ito ng hindi pangkaraniwang lakas at kapangyarihan. Ganoon man, hindi ganoon ang nangyari dahil namatay kaagad ito sa laban nila ng Evil Jinn.

Sa kabila ng kaniyang natuklasan, pinilit niyang kumalma. Tinitigan niya ang kaniyang ama sa mga mata nito, pero nanatili siyang tahimik. Hindi siya nag-usal ng kahit anong salita at hinayaan niya lang na magsalita ito nang magsalita.

“Si Yashvir ay isa sa aking mga pagkakamali. Siya ang una kong naging anak, at planado ko siya dahil gusto kong maisakatuparan niya ang aking layunin.” nagpatuloy lang ito sa pagsasalaysay, at hindi pa siya roon natapos dahil ikinuwento niya pa kung paano niya pinlaong isilang si Yashvir. “Humanap ako ng makapangyarihang nilalang para magsilang sa isang supling, at mayroon akong nakilalang babaeng demonyo kaya siya ang ginamit ko sa aking mga plano. Pagkasilang pa lang ni Yashvir, alam ko nang magiging isa siyang makapangyarihan at agad niyang mauungusan ang ibang matatandang adventurer. Hindi ako nagkamali roon dahil wala pang kalahating siglo ay naabot niya na agad ang Demigod Rank.”

“Naging sobrang makapangyarihan siya sa puntong nagawa niyang mapalitaw muli ang Land of Origins. Sa totoo lang ay sobra akong nasiyahan noong mga sandaling iyon, pero dahil masyado akong naging kampante at naging maluwag sa kaniya, naging isa siyang makasaysayan, subalit hindi kalaunan ay naging malaking kapalpakan. Ginawa ko siyang ganoon sa pag-aakalang magagawa niya ang hangarin ko para sa kaniya, pero nagkamali ako dahil may mas mahalaga pa palang bagay kaysa sa purong lakas at kapangyarihan na ipinagkaloob ko sa kaniya,” paliwanag niya pa.

Nang marinig ito ni Finn, tila ba nagpanting ang kaniyang tenga. Para bang mayroon siyang maling narinig at pakiramdam niya, may hindi tama kaya nagsalita na siya.

“Kung gano'n, isa siyang kasangkapan para sa iyo--katulad ko, tama ba?” seryosong tanong ni Finn. Sa lahat ng sinabi ng kaniyang ama, ito ang pinaka naintindihan niya--na kasangkapan lamang si Yashvir, at siguradong siya rin.

Nanlamig ang kaniyang ekspresyon. Nawalan ng buhay ang kaniyang mga mata at mariin siyang nagpatuloy sa pagsasalita. “Kung inaakala mong hahayaan kita na maging isa sa mga kasangkapan mo, nagkakamali ka. Kokontrolin ko ang aking sarili... ako ang gagawa sa sarili kong kapalaran at hindi ako papayag na pakialaman mo ang buhay ko.”

Ngumiti lang ang kaniyang ama. Hindi ito tumugon patungkol sa paksang ito, bagkus, nagbukas siya ng panibagong paksa.

“Nalampasan mo pa ang inaasahan ko sa iyo. Kahit na hindi ako lubusang umaasa sa iyong pagpapataas ng antas at ranggo dahil mas pinipili mong unahin ang mga nakapaligid sa iyo, nahigitan mo naman ang mga inaasahan kong mapapagtagumpayan mo. Ang unang hamon na makipagkaibigan sa mga mamamayan ng Land of Origins ay napagtagumpayan mo. Dahil likas sa iyo ang pagiging mabuti at palakaibigan, nagawa mong mapagtagumpayan ang huling hamon. Ikaw ang pinili ng kalangitan na karapat-dapat kaya ikaw ang nagtaglay ng natatanging kapangyarihan na may kakayahang tumalo sa Evil Jinn.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon