Chapter XXVIII: Trouble After Trouble
Dahan-dahang bumaba si Finn sa malaking hukay na nagawa ng kaniyang Water Turbulence. Pagkalapag niya sa lupa, kaagad niyang pinagmasdan ang kapaligiran. Mamasa-masa ang lupang tinatapakan niya at nagkalat ang mga sanaw. Sa kabila nito, ang pinakauna niyang napansin ay ang napakalaking pinsala na nagawa ng kaniyang pinakawalang atake. Kahit siya ay hindi makapaniwala sa tindi ng pagsabog sa puntong kahit ang matigas na kalupaan dito ay hindi nakayanan ang kaniyang pinagsamang kapangyarihan ng hangin, tubig, at kuryente.
‘Ito ang kapangyarihan na kailangan ko pang hasain. Kapag naperpekto ko ang paghahalo-halo ng aking mga kapangyarihan, siguradong higit pang mas malaki ang magagawang pinsala ng aking mga atake,’ nananabik sa isip ni Finn. ‘Ito ang magiging alas ko para makamit ang titulong pinakamalakas na adventurer sa buong sanlibutan.’
Matapos manabik sa lakas na taglay niya, itinuon na ni Finn ang kaniyang atensyon sa kasalukuyang kaganapan. Isinantabi niya muna ang pagkakadiskubre niya sa totoong lakas ng kaniyang pinagsama-samang kapangyarihan at agad niyang pinakiramdaman ang paligid. Hinanap niya ang bakas ng aura nina Goshi at Nivizu. Nararamdaman niya pa rin ang napakahinang presensya ng dalawa kaya nakasisiguro siya na buhay pa ang mga ito.
Nakaligtas ang dalawa mula sa pagsabog, subalit malinaw niyang nararamdaman na hindi kalaunan ay babawian na rin ng buhay ang mga ito. Ramdam niya sa katiting na aura nina Goshi at Nivizu ang paghihingalo. Animo'y nauupos na ang apoy ng kanilang buhay kaya agad siyang nagtungo sa kinaroroonan ng dalawa upang makita ang aktuwal na kondisyon ng mga ito.
Hindi magkasama sa iisang lugar ang dalawa. Magkahiwalay ang kanilang katawan at dahil gusto pa ni Finn na maabutang buhay ang naghihingalo na, ito ang kaniyang inuna. Inuna niyang puntahan si Goshi na talagang kalunos-lunos ang sinapit. Halos hindi na ito makilala dahil ang balat nito sa mukha ay nalusaw na. Kita na rin ang bungo nito. Hindi na ito makamulat at ang dalawa nitong braso ay naputol na.
Dahil sa pinsala nitong sinapit, imposible na kahit para sa tulad niyang Saint Rank na makabawi. Hindi na kusang naghihilom ang kaniyang mga sugat. Wala na rin siyang kakayahan na patubuin ang kaniyang mga naputol na braso dahil ang kaniyang soulforce coil ganoon din ang kaniyang mga soulforce pathway ay deteryorado na.
“P-Patayin mo na a-ako,” mahina at pilit na bigkas ni Goshi.
Hindi na nabigla si Finn sa pakiusap ni Goshi. Kalunos-lunos ang sinapit nito at habang tumatagal na may kamalayan pa ito, tumatagal din ang pagdurusang nararanasan nito.
Sa kabila nito, hindi nakaramdam ng awa si Finn. Taimtim niya lang na pinagmasdan si Goshi at pabulong na sinabing, “Una pa lang ay binalaan ko na kayo. Binigyan ko kayo ng pagkakataon na umatras at huwag makisawsaw sa gulo, pero hindi kayo nakinig at mas pinili ninyo ang inyong kasakiman.”
Huminto siya sa pagsasalita. Bahagya siyang umiling at sinabing, “Dahil wala naman akong galit o muhing nararamdaman sa iyo, pabibilisin ko ang iyong kamatayan. Sinayang mo lang iyong pagiging Saint Rank... sinayang mo ang napakahabang panahon mong nagsanay dahil lang sa kasakiman mo.”
Hindi na makatugon si Goshi dahil hinang-hina na talaga siya. Hindi niya na maibuka ang kaniyang bibig, pero kung nakakapagsalita siya, siguradong sasabihin niya na malaking pagkakamali ang desisyon niya. Hindi rin siya masisisi dahil napakalimitado lang ng impormasyong alam niya kay Finn. Higit pa roon, masyado siyang nagpakampante. Umasa siya sa restriksyong ibinigay ng Land of Origins sa mga tagalabas, pero hindi niya lubos akalain na mayroong sasalungat sa lohika, na may mga adventurer na makakayanang alisin ang restriksyon sa pamamagitan ng isang pambihirang formation.
Oo, narinig niya ang tungkol sa Four Guardians Killing Formation, ganoon man, minaliit niya ito at inisip na hindi matutulungan ng bagay na ito si Finn.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasiaSynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...