Chapter LXXXIII: Hugo's Request
‘Nakakita ng mutlo?’ naulit na lang ni Finn sa kaniyang isipan.
Pilit siyang ngumiti. Hindi siya maisisi kung ganito ang kaniyang reaksyon matapos ang lahat ng nangyari dahil buong akala niya, wala na si Hugo at payapa na itong namamahinga sa kabilang buhay. Pero, malinaw niyang nakikita na buhay na buhay ito at isa na ring makapangyarihang soul puppet master kagaya niya. Marahas pa rin ito kagaya ng dati, at ang tanging nagbago lang dito ay ang hitsura nito.
“Ma.. Maaari bang may magpaliwanag sa akin kung ano ang eksaktong nangyayari?” tanong ni Finn matapos niyang huminga ng malalim. “Paano ka nabuhay, Hugo? Ako ang mismong gumawa ng libingan mo! Naroroon ako noong mga sandaling mas pinili mo ang kamatayan kaysa mabuhay! Ako ang naglibing sa iyo kaya paanong... paanong buhay ka? At paano ka nagkaroon ng koneksyon kina Delphine at sa Celestial Sky Emperor?”
Napakarami agad ng mga tanong na itinatanong niya kay Hugo, subalit ilan pa lang ito sa mga nais niyang malaman. Hindi pa siya tapos dahil marami pa siyang gustong linawin, pero sa ngayon, gusto niya munang ituon ang kaniyang atensyon sa mga paksang ito dahil gusto niyang magkaroon ng kalinawan kung paano nabuhay si Hugo at kung paano ito napunta sa divine realm.
Humalakhak si Hugo at dahan-dahan siyang lumipad papalapit kay Finn. Sumunod lang sa kaniya si Criselda hanggang ngayon mula pa kanina ay tahimik lang.
Nang matapos si Hugo sa kaniyang paghalakhak, matamis siyang ngumiti kay Finn at malumanay na sinabing, “Hinay-hinay lang sa pagtatanong. Hindi mo kailangang magmadali dahil sasagutin ko iyan isa-isa.”
Nang mabanggit ni Hugo ang salitang “magmadali”, muling sumagi sa isip niya ang tungkol sa plano nilang magtungo sa Heavenly Gourmet Island. Talagang nagmamadali sila, pero habang nasasaksihan ang nangyayaring gulo sa paligid, napagtanto niya na wala na rin siyang magagawa kung hindi matapos ang lahat ng kaguluhan. Hindi niya maaaring madaliin ang labanan dahil napakarami pang kalaban na natitira sa kasalukuyan.
Kasalukuyan pa ring nagsasaya si Eon sa pagpaslang habang sina Meiyin at Poll ay tapos nang mapagana ang kanilang Four Guardians Killing Formation.
Nakikipaglaban na rin ang dalawa, at kapansin-pansin ang pagkasabik kay Meiyin habang nilalabanan niya ang napakaraming 9th Level Heavenly Supreme Rank. Mas lalo pa siyang humusay sa pakikipaglaban, at ito ang bunga ng palagi niyang pagsasanay kasama nina Eon at Poll.
Napahinga na lang siya ng malalim. Seryoso niyang tiningnan si Hugo at taimtim siyang nagtanong. “Ano'ng nangyari? Paano ka nabuhay, Hugo? At ang marka sa iyong kanang dibdib... isa lang ang kilala kong nagbibigay ng ganiyang marka kung kani-kanino.”
“Marka...” pabulong na sambit ni Hugo at hindi niya napigilan na mapahawak sa kaniyang dibdib.
Para bang naguluhan siya sandali, pero, hindi niya iyon pinagtuunan ng pansin. Muling sumeryoso ang kaniyang ekspresyon at bahagya siyang ngumiti kay Finn.
“Ang iyong tunay na ama, tama ba?”
Natigilan si Finn, pero agad din siyang nakabawi. Pinilit niyang kumalma at muli siyang nagwika. “Kung gano'n, talaga ngang nagkaroon kayo ng interaksyong dalawa.”
Sumeryosong muli ang ekspresyon ni Hugo. Nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang mga mata at animo'y napunta sa kawalan ang kaniyang tingin. Hindi niya mapigilan na balikan ang mga kaganapan sa Dark Continent, ang mga sandaling muli siyang nabuhay at umahon siya sa hukay.
Hindi niya iyon makalilimutan dahil isa iyon sa pinaka katangi-tanging karanasan na naranasan niya sa buong buhay niya. Tanggap niya na ang kaniyang kamatayan. Hindi niya na gusto pang mabuhay dahil malinaw na sa kaniya na ang dahilan kung bakit siya nagpapatuloy na mabuhay noon ay hindi na mangyayari. Itinuturing niya nang walang saysay ang kaniyang buhay, pero dahil sa ama ni Finn, nagbago ang kaniyang pananaw at nagkaroon siya muli ng dahilan para mabuhay.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...