Chapter LXXII

6.2K 961 101
                                    

Chapter LXXII: The King has been Acknowledged

Ramdam na ramdam ni Keanu ang galit ni Finn, at naiintindihan niya kung bakit ganito na lamang katindi ang galit nito sa puntong gusto nitong tuluyang wakasan ang mga draconian.

Pinagtangkaan ng mga draconian ang New Order. Pinagbabalakan pa ng masama ng mga ito ang isa sa mga kapamilya niya, at doon pa lamang, wala na iyong kapatawaran.

Kung hindi dahil sa mga pumanig sa New Order, lalong-lalo na ang mga minokawa at water celestial, marahil doon na sila magwawakas kasama ang mga elf at warwolf.

Sa kabilang banda, malaki ang posibilidad na makaligtas ang Creation Palace dahil anoman ang mangyari, sila ang kinikilalang pinakamaimpluwensiyang puwersa sa buong Land of Origins, at ang kanilang pag-iral sa mundong ito ay napakahalaga.

Kung makakasali sila sa mga pangkat na babagsak, ang kalidad ng pamumuhay sa Land of Origins ay bababa dahil wala ng gagawa ng mga produkto ng alchemy, formation, inscription, at pagpapanday na may matataas na kalidad. Magkakaroon ng malaking pagbabago, at madadamay ang halos lahat ng mamamayan ng Land of Origins.

Samantala, muling bumalik sa ulirat ang lahat nang marinig nila ang pag-iyak ng mga minokawa. Bumalik na si Muriel sa kaniyang orihinal na anyo at ang dalawang ataul na hinihimlayan nina Chelidan at Lonan ay nagsara na.

Umikot-ikot muna ang mga minokawa sa himpapawid, at matapos ang kanilang magkakasunod na pag-iyak, pumagaspas ang kanilang mga pakpak para lumipad na palayo sa lugar na iyon.

Hindi na nag-abalang magpaalam ang mga minokawa kay Finn, subalit hindi niya iyon minasama dahil ang nararamdaman niya ngayon tungo kina Muriel ay labis na pasasalamat.

‘Ang kanilang pagdating ay napakalaking bagay na sa akin. Kung may pagkakataon, sana ay makabawi ako sa kanilang kabutihan,’ sa isip ni Finn.

Matapos mawala sa paningin niya ang mga minokawa, muli niyang binalingan ng tingin si Eaton at ang mga water celestial. Huminga siya ng malalim at malumanay na sinabing, “Kakausapin ko kayo mamaya. Kailangan ko munang kausapin ang mga warwolf gayundin ang Creation Palace.”

Bahagyang tumango si Eaton. Nanatiling blangko ang kaniyang ekspresyon habang walang emosyon na makikita sa kaniyang mga mata.

“Maghihintay kami,” tugon niya.

Nakahinga ng maluwag si Finn. Gusto niya na sanang makausap ang mga water celestial kung ano talaga ang plano ng mga ito, ganoon man, kailangan niyang unahin ang mga warwolf at ang Creation Palace dahil kagaya niya, may mga gagawin pa rin ang mga ito.

Isa pa, mayroon siyang inaalala. Kailangan niyang mabuksan ang paksang ito dahil maaaring ikapahamak ito ng mga warwolf at ng Creation Palace.

Pinagtuunan niya ng pansin si Keanu. Bahagya siyang ngumiti rito at sinabing, “Ang iyong buong angkan ay nalalagay ngayon sa peligro dahil sa ginawa ninyong pagkampi sa amin. Hindi ko alam kung gagawa ng hakbang ang mga draconian laban sa inyo, subalit huwag kang mag-alala dahil mula ngayon, sumusumpa ako na ang sinumang mangangahas na mang-api o kumalaban sa inyo nang hindi makabuluhan ay ituturing na rin naming kalaban.”

Huminto siya sa pagsasalita. Huminga siya ng malalim at bahagya siyang umangat upang madali siyang makita ng mga nananatili pa rin sa lugar na iyon.

“Makinig kayong lahat. Sa mga sandaling ito, nais kong i-anunsyo na ang New Order ay handang makidigma sa kahit na sinumang puwersang mangangahas na kumalaban o umapi sa aming mga kaibigan! Gusto kong ipakalat ninyo ang mga salita ko na anoman ang mangyari, hindi namin ipagkikibit-balikat na lamang kung sakaling may nagbabalak ng masama sa aming mga kaibigan—partikular na sa Warwolf Clan,” malakas niyang anunsyo.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon